Nag-Iimbento ang Babae na Nakakakita Raw Siya ng Multo, Nayanig Siya nang Makaramdam Ng Tunay na Kababalaghan
Bagong pasok lamang sa isang opisina sa Maynila si Winnie. Gayunpaman ay marami na ang kumakausap sa kanya, ipinagkakalat kasi ng babae na may angkin siyang galing at nagagawa niyang kumausap ng mga multo.
“Ayan o, actually dito sa meeting room na to tatlo sila na nakatingin satin. Shet, nanghihina ako,” sabi niya na may papikit pikit pa. Wala naman siyang napapala doon pero masarap para sa kanya ang pakiramdam na napapaniwala niya ang iba sa mga imbento niya. Siya mismo ay naniniwala na sa sarili niyang kasinungalingan.
“Hala Wins, galit ba sila kasi maingay tayo?” ninenerbyos na sabi ni Francia, isa sa mga officemates niya.
“Hindi. Yung isa, gusto nang makatawid, yung isa humihingi ng tulong so nagpapapansin siya at sinusubukang magpakita sa tao, yung isa naman dark yung aura. H-hindi ko maaninag ang mukha..” feel na feel pa ng babae ang pag acting niya kaya paniwalang paniwala ang iba. Kinikilabutan pa.
Hindi lang mga ka-opisina ni Winnie ang napapaniwala niya kundi maging ang mga kapitbahay nila. Karamihan nga sa mga iyon ay nagbabayad pa para lamang makausap ang mga mahal sa buhay na pumanaw na, kahit pa siya lang naman iyon- nagkunwari lang na sinasaniban at iniiba iba ang boses.
“Kung gusto nyo guys na makakita pa ng mas maraming kababalaghan punta kayo sa bahay sa Sunday, marami doon ang humihingi ng help sa akin to communicate with their loved ones na pumanaw na,” offer niya. Pag nakita ng mga ito na maraming nagtitiwala sa kanya ay baka magbayad na rin ang mga ito sa kanya.
Sumang ayon naman ang pitong kausap niya. Pagsapit ng Linggo ay puno ang bahay nila, nakapila pa ang mga taong nais na humingi ng tulong niya. Taas noong sinulyapan ni Winnie ang mga kasamahan, “Dyan lang kayo guys, tignan nyo kung paano ako makipag usap sa kaluluwa,”
Nanonood rin ang nakababatang kapatid ni Winnie na si Ralph, habang ang nanay niya naman ay napapailing na lamang, alam naman kasi nitong nag iimbento lang ang anak niya. Kilalang kilala niya ito.
Lumapit ang isang ale,umiiyak ito.”G-gusto ko lang makausap ang kapatid kong mas matanda sa akin, hihingi lang sana ako ng tawad. Dahil akala nya bago sya pumanaw ay pinandidirihan ko sya dahil sa kanyang amoy, hindi iyon totoo..” naluluhang sabi nito.
“Masangsang ho ba ang amoy ng ate ninyo?” tanong ni Winnie, nakapikit pa.
“O-oo neng, may cancer kasi iyon at pumutok na ang mga sugat..”
Tumango lang naman si Winnie at saglit na nanginig habang nakapikit ang mata,”N-nandito na siya, naaamoy nyo ho iyan? Siya na yan.. ang masangsang na amoy, pwede nyo na ho siyang kausapin..” sabi nya at umuungol ungol pa.
Napadilat sya nang magsalita ang kapatid na si Ralph, “Eh Ate, truck ng basura yung mabaho eh.”
Sumulyap siya sa labas at naroon nga ang truck ng basura, letse, hindi niya napansin kasi nakapikit sya.
Pasimple niya itong sinipa sa ilalim kaya tumahimik ito. Lintik na bata, muntik pa siyang mabuking. Matapos makausap ang ale ay isang ginang ang sumunod, nagpakilala ito na si Aling Josie.
“Ano ho ang maitutulong ko Aling Josie?”
“Neng, pinatay ang asawa ko isang linggo na ang nakakalipas, maari mo ba akong tulungan na matukoy ang suspek? Wala pa akong ebidensya maski isa, gusto ko lang syang mabigyan ng hustisya..” umiiyak na sabi nito.
“Hmm, ano ho ang pangalan ng mister nyo?”
“Arnold Ardela..” nanginginig pa ang ale.
Saglit siyang pumikit at nag imbe-imbento ng sagot, “Iyong may bigote, medyo nauubos na ang buhok,m-may..may nunal sa pisngi.. kapag nakasalubong nyo siya ay nakasuot ng dilaw. Siya, siya ang pumatay sa asawa ninyo!”
“Salamat ineng!” sabi nito at umalis na.
Bilib na bilib ang officemates ni Winnie, ang ganda naman ng kanyang ngiti.
Kinagabihan ay nagulat pa siya nang ibalita ng kanyang ina na nahuli na raw ang suspek sa pagpatay sa asawa ni Aling Josie, eksaktong eksakto raw sa kanyang paglalarawan.
Nagtaka naman si Winnie pero napangisi nalang, pakialam niya ba. Ang mahalaga sa kanya ay nabayaran sya. Inayos niya na ang higaan at pumikit, maaga pa siya bukas.
Naalimpungatan na lamang si Winnie nang may malamig na kamay na humihila sa paa niya.
“Ano ba Ralph! Papaluin kita! Umalis ka nga dyan!” medyo nakapikit pa siya at sinisipa ang kamay pero habang tumatagal ay humihigpit ang pagkakahawak noon.
“Hindi nakakatawa-” di na nya natapos ang sasabihin nang mapansin na bukod sa kamay ay may nakasilip sa bandang paanan. Titig na titig sa kanya ang itim na mata at unti unti itong tumayo.
Napasinghap si Winnie, nasa harap niya ngayon ang isang may edad nang lalaki, masama ang tingin sa kanya. Maputla ang mga kamay nito at nangingitim ang labi, may saksak ito sa leeg at sa dibdib.
“Sinungaling!Sinungaling sinungaling sinungaling sinungaling!” sigaw nito na nagpapitlag sa babae. Habang nagsasalita ito ay papalapit nang papalapit sa kanya.
“W-wag!” sigaw ni Winnie pero di siya tinitigilan nito. Nanginginig siya sa sobrang takot.
“Sinungaling babaeng sinungaling sinungaling!” malapit na ang mukha nito sa kanya at napasigaw siya nang unti unting mapugot ang ulo nito at malaglag sa kandungan nya. “Sinungaling!” sigaw nito bago kinagat ang kamay nya.
“Aaaah!!”
“Anak!” malakas na yugyog ang nagpagising sa nangangatog na dalaga.
“N-Nay! hindi na ako magsisinungaling! H-hinding hindi na nay!” iyak siya nang iyak sa kanyang ina.
Naaawa naman na tumango ang ginang, “Anak, nahuli na ang totoong suspek na salarin sa pagpatay sa asawa ni Josie. Siya mismo ang kusang umamin dahil inuusig siya ng konsensya, minumulto raw ng lalaki sa panaginip. Nakalaya na ang napagbintangan mo anak..” kwento nito.
Wala sa sarili naman na napatango si Winnie. Tiyak niyang mister ni Aling Josie ang nagpakita sa kanya sa panaginip dahil sa maling impormasyon na ibinigay niya sa misis nito.
Pinuntahan niya si Aling Josie at humingi ng tawad, maging ang pobreng nakulong ay pinuntahan niya rin, tinanggap naman nito ang kapatawaran niya. Inamin na ni Winnie sa lahat na nag iimbento lang siya.
Nakaharap ang lahat ng ka-opisina at kapitbahay na isinumpa niyang kailanman ay di na siya magsisinungaling- di talaga siya nakakakita. At hinding hindi niya gugustuhing makakakita pa muli ng multo.