Nagkayayaan ang magkakaibigan na sina Lita, Sonya at Mari na magkita-kita muli pagkalipas ng dalawang dekada. Nawalan sila ng komunikasyon simula noong lumipad papuntang ibang bansa si Sonya at Mari habang si Lita ay naiwan dito sa Pilipinas.
Iba-ibang landas ang kanilang tinahak upang maging matagumpay sa buhay, si Sonya ay naging isang nurse sa England, si Mari naman ay isa nang ganap na broadcaster sa United Kingdom, at ito si Lita, isang nang ganap na ina na may limang anak.
Dumating ang araw na itinakda nila upang magkita. Silang tatlo ay excited na makita at makasama ang bawat isa. Syempre, hindi mawawala sa kanila ang magpagandahan. Sinuot ni Sonya ang kanyang original na Gucci dress na may kapartner na kumikinang na shoulder bag.
Ito namang si Mari, irarampa ang imported niyang Chanel handbag at ang kanyang Versace dress. Habang ito si Lita, bago pa umalis ay pinaglutuan muna ang kanyang mga anak ng tanghalian at naghahanap pa ng masusuot.
“Lita, where are you na? Dito na kami ni Sonya.”
“Ay sandali lang Mari, naghahanap pa ako ng damit eh.” nagkukumahog na sabi ng babae.
“What? Please hurry up.”
“Oo maghintay ka aba. Isang kanto lang naman layo samin niyan. Lalakarin ko lang yan Diyos ko.”
“Magtaxi kana. Para mabilis.” pagmamadali ng babae sa kaibigan.
“Wala ngpantg-axi ililibre niyo nga lang ako ng pagkain dyan eh. Saka hoy babae isang kanto lang magtataxi pako? Giatay ka. Sige na bye!”
Lumipas ang ilang minuto ay dumating na si Lita. Agad agad na silang umorder ng makakain at nagsimulang magkwentuhan. Naikwento ni Sonya kung paano niya natupad ang kanyang pangarap na maging isang nurse. Habang si Mari naman ay detalyado niyang ipinagmalaki ang kanyang tinahak na landas upang maging isang ganap na broadcaster.
Ika niya pa na sikat na talaga siya sa United Kingdom, may mga tao nga raw doon nagpapapicture sa kaniya kapag nakikita siya sa malls o kahit sa tapat ng bahay niya. Ito namang si LIta, tahimik at nakangiti lang na pinagmamasdan kung mga kaibigan niyang minsa’y ngumakngak sa kanya para lang mangutang.
“Eh ikaw Lita? Please make some kwento naman.” sabi ni Sonya.
“Ito, wala akong ganap na trabaho eh pa extra extra lang sa labada, minsan naman nagluluto ako ng puto, yung tinuro ko sa inyo dati, kayo pa nga naglalako diba? Pero kahit ganon, may limang anak naman ako. Yung panganay ko nga kakagraduate lang ng kolehiyo, aba cum laude yon! Yung pangalawa ko naman next year gagraduate na rin.
Habang yung tatlo nag-aaral pa ng hayskul. Nakikita ko nga sa mga anak ko yung sarili ko nung hayskul. Noong lagi tayong nagawa ng kung ano-anong mabebenta para may pangbili tayo ng sapatos. Kaya sobrang nakaka-proud na napagtapos namin yung isa naming anak na ang trabaho ko ay labandera at naglalako ng puto habang si Amil naman ay waiter.” masayang kwento ni Lita.
“You didn’t regret it ba na hindi mo natupad yung dream mong maging isang chef?” Pag-uusisa ni Sonya
“Naabot ko naman yun eh. Chef rin naman ako sa bahay namin. Three meals in a day pa nga nagagawa ko. Minsan nga may meryenda pa,” biro ni Lita. “Saka alam ninyo, hindi ko alam kung bakit kuntento na ako sa buhay ko. Kahit mahirap, kahit na wala akong bag at damit na ganyan, wala eh, sobrang saya ko. Eh kayo ba masaya talaga kayo?”
“Yes.” sabay na sabi ng dalawa.
“Talaga?”
“Actually, nakakahiya man aminin pero hindi gaano. Naiinggit nga ako sayo dahil may mga anak ka na nagpapasaya sayo. Ako, ito mag-isa sa England. Kumikita nga ako ng pera doon, pag-uwi ko dito, ubos na sa mga kapatid ko. Galit pa kapag hindi pantay ang naibibigay sa kanila. Itong bag ko nga eh hinihingi pa.
Akala ata nila eh napulot ko lang ito doon. Hindi man lang nila naisip yung lungkot na inaabot ko don. Isa pa hindi na ako nakapag asawa dahil pinagtapos ko dalawang kapatid ko. Nasaan sila ngayon? Ayun hindi man lang makabeso sakin kanina nung makita ako. Ano raw pasalubong ko sa kanila agad ang bungad.” pagbabahagi ni Mari.
“Same here friend. Parang gusto lang nila na may makuha from me. Kilala nila ako kapag may dala akong chocolates o kapag niyaya ko sila mag vacation sa Vigan o Palawan. Ayan sila magsisiksikan sa kwarto ko para lang makausap ako na kung pwede isama ko mga pamilya nila. Pero kapag nasa England na’ko, ni ayaw nila sagutin yung tawag ko. Kesho nasa banyo daw sila naliligo, nasa biyahe daw, minsan nga ichachat ko sila like lang ang reply.
Sasabihin ko kamusta na kayo dyan aba ang sagot like. Kapag sinabi ko ano size paa mo aba ang haba ng reply pati sizes ng asawa nila ibibigay minsan pa nga pati mga biyenan nila jusko kaya dumami wrinkles ko eh. Ayoko man magtanim ng sama ng loob sa kanila per, iba na eh. Kaya ang swerte mo Lita. Ibang saya talaga yung nabibigay ng maayos na pamilya.”
“Alam niyo kasi, wala naman talaga sa bilang pera ang kasiyahan, nasa puso yan. Lika nga kayo dito! Namiss ko yakapin mga iyakin kong kaibigan!”
Na-realize ng dalawa na mali sila ng akala na napag iwanan nila si Lita. Sa kanilang tatlo kasi, kung tutuusin, kahit pa sila itong may matayog nang narating ay ang babae pa rin ang pinaka-nagtagumpay.
Hirap man ito sa buhay, mayroon naman itong mga anak na masisipag, asawang mapagmahal. Mayroon itong pamilya- isang kayamanan na kailanman ay hindi mahihigitan ng kahit na anong materyal.