Inday TrendingInday Trending
Napako ang Pangako, Puso ay Nabigo

Napako ang Pangako, Puso ay Nabigo

“Tingnan mo yung tatlong bituing magkakasunod, ang ganda pagmasdan diba? Tayo yan at ang magiging anak natin pagbalik kong Pilipinas.” masuyong wika ni Aldo sa nobya niyang si Ana.

“Kung babalik ka pa, syempre ang ganda ng buhay sa Canada, marami pang magaganda at sexy na mga babae.” nakanguso naming sagot ng dalaga.

“Wala ka bang tiwala sakin? Pupunta lang naman ako doon para magtrabaho, para makapag-ipon sa kasal natin.”

“Pangako?” punung-puno ng pag asa ang kanyang mga mata.

“Pangako, itaga mo pa sa mga bituing iyan!” natatawang wika ng binata, itinuro ang isang bituin na ubod ng ningning.

Dumating na nga ang araw na pinakahihintay ni Aldo. Maaga siyang gumising upang hindi mahuli sa kanyang flight. Dali-dali niyang ginising ang kanyang ina upang paglutuan siya ng kanyang huling almusal sa Pilipinas. Kumain, naligo at nag-ayos siya ng buong sigla dala ng excitement niya sa kanyang pag-alis. Pakembot-kembot niyang binaba ang kanyang mga maleta papunta sa sasakyan.

“Ano kayang amoy ng hangin sa Canada? Masarap kaya ang mga pagkain dun? Naku kailangan ko nga palang maghinay hinay sa pagkain para macho pa rin ako pag kinasal na’ko sa pinakamamahal ko,” ani ni Aldo sa harap ng salamin.”

“Aldo! Andyan na si Ana! Anak ka namang ng teteng o, kanina ka pa nagsusuklay dyan eh kapiranggot lang naman ang kulot mong buhok!”

“Saglit Nay, aba syempre dapat poging pogi ako para di ako makalimutan ng prinsesa ko.”

“Prinsesa? Baka naman pag-uwi mo rito ay may anak kana sa taga-Canada, napakabolero mo pa naman anak. Umayos ka ha, mabait naman iyang nobya mo.” biro ng ale.

“Nay, nagbago nako. Dito nako ha, inumin ninyo ho ang mga gamot mo Nay, sabay-sabay.”

“Napakaloko mo talaga! Mag-ingat ka.”

Pumunta na ngang airport sila Ana at Aldo, ngunit hindi maipinta ni Ana ang kanyang mukha dahil sa kabang mayroon siya. Alam niyang bago pa maging sila ni Aldo ay babaero talaga ito. Papalit-palit ng babae, kung saan mapuntang lugar ay may kasintahan. Kaya ganoon na lamang ang kabog ng dibdib niya.

Isa pa, isang taog palang sila ni Aldo, pero kahit ganoon, ibinigay ni Ana ang lahat para rito. Puso, kaluluwa, katawan- LAHAT.

“Mahal, huwag mo ko kakalimutang tawagan ha. Kahit sa free time mo lang.” hindi na makatiis si Ana na humingi ng pabor kay Aldo.

“Oo nga. Ang kulit mo naman eh. Para namang hindi ako tatawag.”

“Sinabi mo yan ha. Babalik ka pa dito ha, magpapakasal pa tayo.”

“Hmm, hindi kasi natin hawak ang buhay natin eh, basta ang sigurado, magkikita pa tayo. O paano mahal, dito na ako. Mag-iingat ka!”

Tila ba paulit-ulit na tumatakbo sa isip ni Ana ang mga huling salitang sinabi ni Aldo. Nag-umpisang tumulo ang kanyang luha habang lumiliit ang nagalakad palayong imahe ni Aldo.

Lumipas ang dalawang araw, tumawag na si Aldo. Buong saya’t siglang sinagot ito ni Ana.

“Mahal, kamusta kana? Bakit ngayon ka lang nakatawag? Wala bang internet dyan? Kahit chat kasi wala ka. Kumain kana ba? Mabango ba hangin dyan?”

“Ana, isa isa lang. Okay naman ako. Tumakas lang ako para makatawag mahigpit kasi ang manager namin dito eh. Ayaw na may hawak kaming cellphone sa oras ng trabaho.”

“Ah, nagsimula kana agad sa trabaho mo?”

“Ay, oo ganoon talaga rito. O sige na andito na ang manager namin. Bye.”

Lumipas ang mga araw, linggo, buwan, at hindi na tumawag ng tuluyan si Aldo. Lagi niya lamang sini-seen ang message sa kanya ni Ana. Kahit pa sabihin ni Ana na nalulungkot siya o nung namatay ang aso nilang si Bugoy, walang tinag si Aldo.

Lumaki na ang hinala ni Ana na may babae na ang nobyo. Nakita niya ang isang litratong pinost ni Aldo sa kanyang Instagram, litrato ng isang takip silim na may isang babaeng nakatalikod sa gilid. Lubos-lubusan ang sakit na naramdaman niya. Halos hindi siya makaiyak sa bigat na mayroon ang puso niya.

“Sabi na nga ba, Aldo, hindi ka pa rin nagbabago, paano mo nagawang mang-iwan sa ere? Sana sinabi mo nalang ‘hoy tanga ayoko na sa’yo may foreigner nako dito’, okay pa sana yun eh, hindi yung ako pa unti-unting nakakatuklas ng katarantaduhan mo.” pahikbi-hikbing ani Ana habang yapus-yapos ang unang minsa’y naging parte ng pagmamahalan nila ni Aldo.

Di kalaunan ay nagpasya si Ana na itigil na ang pangungulit niya kay Aldo. Nagsimula siya ulit, siya na mismo ang pumutol sa relasyong dati pa ay tapos na para kay Aldo. Sinimulan niyang hanapin muli ang sariling dati ay ikinulong niya sa mundo ng binata. Ginawa niya ulit ang mga bagay na nakasanayan niya noong wala pa ito sa buhay niya.

Sinuot niya muli ang mga damit na paborito niya ngunit ayaw ni Aldo sapagkat medyo maiksi o kita ang kanyang dibdib. Nagsimula ulit siyang maglakad na walang akay-akay na lalaki sa kamay niya.

Dumating sa puntong nahihirapan pa rin siyang tanggapin na wala na si Aldo. Ngunit aniya, “Siya nga kinaya na hindi man lang sabihin sakin na ayaw niya na pala sakin, dapat kaya ko rin na hindi indahin yung sakit na ibinigay niya.”

Nagdaan ang tatlong taon at natupad ni Ana ang kanyang panagarap na maging isang flight attendant. Kahit na siya ay trenta’y singko anyos na, hindi iyon naging hadlang para maipakita niya ang galing na mayroon siya. Doon rin, natagpuan ni Ana ang lalaking bumuo sa kanya, si Rico, isang piloto.

Nabalitaan ni Aldo ang mga pangyayari sa buhay ni Ana. Buong paghihinayang niya na pinakawalan niya ang babaeng inalay ang buong buhay para sa isang talunang tulad niya. Umuwing luhaan ni Aldo sa Pilipinas. Walang ipon, walang kahit isang chocolate o sabon.

Iniwan rin siya noong babaeng nakatalikod sa litrato dahil wala na siyang pera. Nahuli ang kanilang iligal na trabaho ng mga pulis sa Canada tatlong buwan bago siya umuwi sa Pilipinas. Binigay niya ang lahat ng kanyang ipon sa mga pulis upang huwag lang siya makulong roon.

Saka niya naalala ang pangako niya kay Ana noong makita niya ang tatlong bituin na dati ay magkasama nilang tinatanaw.

“Sana ngayon kapiling ko pa rin yung babaeng minsa’y pinangakuan ko ng kasal at anak.”

Tila nga namang mapaglaro ang buhay. Minsa’y bibigyan ka muna ng rason para umiyak saka ka iaangat, kung minsan nama’y bibigyan ka muna ng ligaya bago ka bumagsak.

Advertisement