Inday TrendingInday Trending
Pagsasaka Ang Buhay Namin

Pagsasaka Ang Buhay Namin

“Lola, lola, parating na po sila lolo at tatay maya-maya. Maghanda daw po kayo ng maraming pagkain at makikisalo sa atin ang iba nating mga kasamahan sa bukid. Katatapos lang po kasi nilang mag-ani at mukhang marami po ata tayong magagandang ani ngayon,” masayang balita ni Pedro sa kanyang lola pagkarating niya sa munting kubo nila.

Pamilya sila Pedro ng mga magsasaka sa Cotabato. Pang ilang henerasyon na sila ng mga magsasaka, dahil simula pa noong sinaunang panahon ay mga magsasaka na talaga ang kanilang mga ninuno. Maliban kasi sa pangingisda ay ito ang pangunahing pinagkukunan ng hanapbuhay ng mga Pilipino.

Pero sa kabila nito, marami pa rin sa mga anak ng ibang magsasaka ang tuluyan nang nawawalan ng interes sa pagsasaka o agrikultura. Nawalan na sila ng ganang ipagpatuloy ang hanapbuhay na sinimulan ng kanilang mga magulang. Kahit kasi anong klaseng pagsisikap nila ay nanatili pa rin silang isang kahig, isang tuka. Ito ang naging dahilan kaya halos isinumpa na ng iba ang pagsasaka at tinalikuran na ang kanilang lupa.

Ito rin ang dahilan kung bakit ang mga tao sa probinsiya, nakikipagsiksikan at nakikipagsapalaran sa Maynila. Mayroon pa ngang sa ibang bansa pa nagbabakasakali. Mas pinipili nalang nilang mamasukan at utos-utusan ng iba kaysa magsaka.

Pero hindi ang pamilya nila Pedro. Mahal nila ang kanilang kabuhayan at gaya nga ng madalas sabihin ng kanyang lola at tatay, ang pagsasaka ang kanilang pagkakakilanlan.

“Ipinanganak tayong magsasaka, mamamatay taong magsasaka. Ito ang buhay natin at hindi tayo gagaya sa iba at iiwan ang ating lupa para lamang sa pera,” ito ang madalas na marinig ni Pedro sa kanyang pamilya.

Pero hindi sang-ayon dito si Pedro. Gusto niya ng mas maginhawang buhay para sa kanila ng kanyang pamilya. Bilang anak kasi ng magsasaka, isang batang lumaki sa pamilya ng mga magsasaka ay naranasan niya ang hirap na pinagdadaanan ng kanyang pamilya.

Ilang sandali lamang ang dumating na ang lolo at ama ni Pedro kasama ang iba nilang mga kasamahan sa sakahan. Lahat ay masaya at galak na galak dahil sa magandang ani nilang lahat. Ipinaghanda sila ng masasarap na mga pagkain ng lola ni Pedro at masaya nilang pinagsaluhan iyon habang nagkakatuwaan at nagdidiwang para sa biyayang natanggap.

Pero hindi nagtagal ang kanilang pagsasaya matapos lamang ang ilang linggo. Nasira ng dumaang bagyo ang karamihan sa kanilang mga pananim. Ilang buwan na naman silang sabay-sabay magugutom. Pagod na pagod na si Pedro at ang kanyang mga kaibigan sa kanilang paulit-ulit na sitwasyon at uri ng pamumuhay.

Kaya naman ng tiyempo may isang recruiter na napadpad sa kanilang lugar na nag-aalok ng trabaho sa Maynila ay agad nila itong nilapitan at kinausap. Dahil dito agad silang gumawa ng paraan para makaipon ng pera. Kumayod sila ng ekstrang mga trabaho sa bayan gaya ng pagbubuhat at iba pang trabahong katawan ang puhunan para agad na makalikom ng pera. Nang makaipon na nang sapat na pera ay agad na nagtungo ang magkakaibigan sa Maynila.

Pero pagkababa pa lang nila ng bus sa isang terminal sa Cubao, agad na silang sinalubong ng dorobo. Hiningian sila ng tig-lilimang libo at pinaghintay lang ng mga ito. Ilang araw ang lumipas, pero hindi na sila binalikan ng mga nakausap. Hindi malaman nila Pedro ang gagawin dahil hindi na rin naman sapat ang pera nila para sa pamasahe pabalik sa kanilang probinsya.

Ilang araw silang nagpalaboy-laboy sa Maynila, walang ligo at wala ring makain. Masaklap pa nito ay nanakawan pa sila ng kanilang mga gamit habang natutulog sa kalsada. Hindi alam nila Pedro kung ano na ang mangyayari sa kanila hanggang sa isang araw ay may nakakita sa kanilang isang dating kasamahan sa bukid. Tinulungan sila nito at pinatira sa tinutuluyan nito sa Maynila.

“Maraming salamat sa inyong tulong, buong buhay naming itong tatanawin na utang na loob,” pasasalamat pa ni Pedro sa kanilang dating kasamahan. Tinulungan sila nitong makahanap ng trabaho at kung paano mamuhay sa Maynila. Doon napagtanto nila Pedro na hindi porke’t nasa siyudad ka ay sasaya na at gagaan ang buhay mo. Mas mahirap pala ang buhay sa Maynila, napakarami pang masasamang loob at mapanglinlang sa kapwa.

Ilang buwan lang din at napagdesisyonan ni Pedro na bumalik sa kanyang pamilya sa bukid. Dala ang ilang mga gamit para mas mapadali ang kanilang pagsasaka at ang pagmamahal niya sa kanyang pamilya na naging baon niya sa kanyang paglalakbay sa Maynila. Napatunayan niya na mas mainam ng mamuhay ng simple basta ba tapat at kasama niya ang kanyang mga mahal sa buhay, sapat na iyon para maging masaya siya.

Advertisement