Labas pasok na naman ang mga estundyante ng kolehiyo dahil tanghalian na. Isa sa mga ito si Cholo, first year college. At sa parehong oras, nawawala raw ang guro na si Ma’am Delfin.
“Ma’am, alam mo ba ang dinig ko sa kabilang klase, eh iyong si Ma’am Delfin nga raw ay nakita na laging may kasamang isang estudyante sa may restawran doon sa kabilang kalye,” bulong ng isang babaeng guro.
“Hala ka man uy! Sabi nung klase ko kanina eh nadatnan nga raw yung bata at saka yang si Ma’am Delfin malapit dito sa faculty. Ang nakapagtataka nga raw doon eh uwian na,” sambit naman ng isa pang guro sa isang malisosyang tinig.
“Wala na raw tao dito nang mga oras na ‘yon! Tapos nung nadinig daw ata sila, mabilis na naglakad palayo itong si Ma’am!” bulong pa nito.
“Tsk. Tsk. Tsk. Tignan mo ah, 42 taong gulang na siya. Hay… ikaw nga ba naman ang ma in-lab sa estudyante mo na parang anak mo na eh, hindi ba talagang iskandalo iyon?” sabi naman ng isa pang guro.
“Ahh! Basta sa tingin ko, ang hirap ng sitwasyon ni Ma’am Delfin kapag ‘yan sila nahuli. Naku! Eh alam na alam na nga ata ng buong school eh! Lagi sila nakikitang magkasama, ni hindi naman nililinaw ni Ma’am Delfin ang hinala! Malamang totoo nga ang mga paratang sa kaniyang gusto niya yung estudyante!” wika naman ng isang lalaking guro.
“Hay naku, ang hirap nang makisawsaw diyan ah, tikom na lang natin ang mga bibig natin,” sabi naman ng isa pang gurong lalaki.
Maya-maya pa’y naputol ang pagtutumpukan sa faculty sa pagdating ni Ma’am Delfin.
Pumasok ang matandang dalaga, halata na maganda ito noonn kabataan niya. Idagdag mo pa ang balingkinitang katawan at para bang modelo ng isang uniporme ang guro. Isa pa ay ang kaniyang mga labi na pulang pula pati na mga pisngi nito dahil sa make up. Humahalimuyak ang simpleng pabango nito at kumalat sa buong silid. Pagpasok niya ay napansin niya ang biglang pagtahimik ng mga kapwa guro at ni wala man lang sa mga ito ang bumati sa kaniya. Ngunit hindi na ito bago kay Ma’am Delfin kaya’t ipinagsawalang-bahala na lamang niya. Saka naman siya dumiretso sa kaniyang lamesa upang mag-ayos ng sarili.
“Ehem…” pekeng ubo ang bumasag sa katahimikan ng buong silid.
Nagtinginan ang lahat ng mga guro sa gumawa nito. At iyon ay mula si Ms. Micah, ang pinakabagong miyembro ng kanilang faculty.
“Bakit kaya hindi naman tayo lumabas mamaya para kumain, o kaya naman pwede din mag-inom tutal wala naman pasok kinabukasan dahil holiday!” tuwang-tuwa habang sinasabi ito ng babae.
Sinundan ito ng iba’t ibang reaksyon na magaganda at positibo naman.
“Ayos ‘yan ah! Sige ha! Gawin naten ‘yan!” excited na sabi isang guro.
“Ah.. Eh… Ms. Delfin, sama ka po!” muling paanyaya ni Ms. Micah kay Ma’am Delfin.
“Ha? Eh… Sige titignan ko ha kung may schedule ako tomorrow, kapag pwede ako sasama ako,” tugon naman ni Ma’am Delfin at saka ngumiti ng matipid dito. Nagpaalam na siya sa mga ito dahil meron pa siyang susunod na klase.
Nagkatuwaan ang lahat at nagkasundo na ituloy ang plano.
“Tignan natin kapag hindi sumama si Ms. Delfin, ibig sabihin totoo ngang nakikipag-date siya sa estudyante niya!” muling sambit ng babaeng guro.
Pagkaraan ng buong maghapon ay nagsipaghanda na ang mga guro para sa kanilang pag-uwi.
“Sasama ka ho, Ma’am?” tanong muli dito ni Ms. Micah na tapos ng magligpit ng gamit.
“Hindi eh. May kailangan kasi pala akong puntahan, may espesyal na selebrasyon akong pupuntahan. Kayo na lang muna siguro pumunta ngayon, sa susunod na lang ako sasama” sagot naman nito.
Matapos niya itong sabihin ay umalis na rin nga kaagad ang iba pang mga guro. Ngunit sa kanilang paglabas, hindi na naman mapigilang magsuspetsa na ilang mga katrabaho.
“Ano kaya kung sundan muna natin si Ma’am? Para naman may ebidensiya tayo na mapatunayang nakikipag-date nga talaga siya kay Cholo,” bigkas ng isa sa mga guro na lihim na naiiinggit kay Ma’am Delfin.
“Ikaw talaga! Pero sige, mukhang parehong direksyon din naman siya papunta eh,” tugon naman ng iba pang guro.
Nagkasundo silang sundan si Ma’am Delfin. At hindi naman sila nagkamali. Kasa-kasama nga ni Ma’am Delfin umuwi si Cholo. Magkalingkis pa ang mga braso nito habang nagtatawanan. Maya-maya pa, sa kanilang patuloy na pagsunod ay napuntahan na nila ang karenderya sa may kabilang kalye kung saan lagi daw nakikitang magkasama sina Cholo at ng guro.
“Sinasabe ko na nga ba eh!” banggit ng mga guro.
Aakmang kukuha ng litrato ang isa sa mga ito nang may dumating na isang matandang babae. Mukha itong taga-linis ng karenderyang iyon. Sumalo ito kina Ma’am Delfin at Cholo. Masayang nagkukwentuhan ang tatlo sa hapag. Nagulat at naguluhan ang mga guro kaya naisipan ng isa sa kanilang lumapit. Dahil siya ang pinakabago, si Micah ang inutusan ng mga ito. Hindi man niya gusto ay sumnod na lang siya. Nagulat naman si Ma’am Delfin nang makita ang dalagang kasamahan.
“Oh! Akala ko may get together ngayon? Bakit hindi kayo kasama?” tanong ni Ma’am Delfin sa babaeng guro.
“Ha.. Eh.. dito rin ho pala ang daan namin papunta sa restaurant. Nakita ka ho namin kaya naisip ko na lapitan ka,” sabi nito sabay turo sa iba pang mga kasamahan na nasa di kalayuan at nakatingin sa kanila.
“Ganun ba… sige, ingat kayo and enjoy,” masiglang sabi ni Ma’am Delfin at saka kinawayan ang mga kasamahang takang nakatunghay sa kanila sa malayo.
Paalis na si Micah ng mahagip ng kaniyang pandinig ang sinabi ng matandang babaeng kasalo ni Ma’am Delfin.
“Salamat Ma’am sa lahat ng tulong mo dito sa apo kong si Cholo. Kung hindi po dahil sa inyo ay malamang hindi iyan nakatuntong miski hayskul, gumagala at nanlilimos lamang sa kalye kagaya nang sinapit ko noon. Nakakahiya nga pong pati kaarawan ko ay naalala niyo pa ngayon,” sabi ng matanda.
“Naku, wala ho iyon. Wala rin naman akong sariling pamilya. Kaya para ko na ho kayong nanay at si Cholo ay anak na ang tingin ko,” magiliw na sabi pa ng butihing guro.
Walang nasabi ang babaeng guro at muling binalikan ang iba pang mga kasamahan.
Ibinalita ni Micah sa kaguruan ang kaniyang mga natuklasan. Hindi makapaniwala ang mga ito sa narinig.
“Mga Ma’am, Sir, nagkamali po tayong lahat. Si Ma’am Delfin po ay hindi nakikipagdate sa kaniyang estudyante, kung hindi tumatayo bilang isang ina at tagapag-gabay nito. Ang galing nga ni Ma’am eh, sana ganoon rin tayong lahat. Hindi sana maging hadlang ang anumang kahirapan mayroon tayo, ang mahalaga ay bilang mga guro, minamahal natin nang tunay at ginagabayan ang lahat ng ating mga estudyante na para nating mga anak,” nahihiyang sabi ng gurong babae.
Labis naman ang pagkapahiya ng mga nakatatandang guro. Nagkatinginan na lamang sila dahil sila ang matatanda ay sila pa ang nagpapakita ng hindi kagandahang-asal. Nagsilbing aral ang araw na iyon sa kanila na huwag maging mapanghusga, base lamang sa mga sabi-sabi.