Inday TrendingInday Trending
Ang Taksil Kong Kumare

Ang Taksil Kong Kumare

Naabutan si Emily ng kumareng si Vivian na umiiyak sa kanilang tahanan. Pinapunta niya ito doon habang wala pa ang mister niya. Hindi niya na kasi kayang sarilinin ang kinakaharap ng problema.

“Maraming salamat sa pagpunta mo mars,” sumisinghot-singhot na sabi ni Emily.

“Walang anuman ‘yon, bakit ba? Nag-away ba kayo ni Richard?” tanong ng kumareng puno ng pagmamalasakit ang mukha.

“Hindi. Pero may gusto sana akong sabihin sa’yo. Secret lang natin ‘to ha, natatakot kasi akong sabihin sa mister ko eh,” sabi ni Emily.

“Oo naman, mapagkakatiwalaan mo ‘ko. Ano ba ‘yon?” yakap pa ng kumare sa kaniyang braso.

“Alam mo namang matagal na naming sinusubukang magka-anak ni Richard di ba? Hindi iyon mangyari-yari kaya nagpasya akong magpatingin na sa doktor. Sabi sa resulta, hindi daw ako pwedeng magkaanak,” muling napaiyak si Emily pagkasabi nito.

Hinagod-hagod ni Vivian ang likod nito at saka nagtanong, “bakit di mo na lang sabihin sa asawa mo?” mungkahi nito.

“Mars, tuwing mapapag-usapan ay kitang-kita ko na gustong-gusto na niyang magka-anak. Pangarap na ito ni Richard noon pa man. Natatakot pwedeng mangyari kapag nalaman niya na hindi na matutupad ang nais niya,” humihikbing paintindi ni Emily sa kumare.

“Ipangako mong wala kang pagsasabihan ha?” paki-usap pa nito sa pinagkakatiwalaang kumare.

Nangako si Vivian na hindi babanggitin ang tungkol doon kahit kanino. Pagkatapos may mapagsabihan ng problema ay gumaan na ang pakiramdam ni Emily. Nagpapasalamat talaga siya at nandoon lagi ang kumare upang makinig sa kaniyang mga problema.

Isang araw ay may dinaluhan na seminar si Emily dahil isa siyang social worker. Ngunit dahil sa bagyong paparating ay nakansela ang event at napilitan siyang umuwi kaagad kinabukasan. Gabi na nang makarating siya sa kanilang bahay ngunit nagtaka siya dahil bukas ang ilaw sa sala.

Marahan niyang binuksan ang pinto dahil ayaw niyang magising ang asawa. Nagtext naman siya dito na nakansela na ang kaniyang seminar kaya baka makauwi na siya, malamang ay tulog na ito dahil sa pagod sa trabaho.

Napatigil siya ng may marinig na kaluskos mula sa kusina. Kasunod nito ay ang galit na boses ng kaniyang asawa.

“Tumigil ka na Vivian! Tapos na ‘yon at mahal ko ang asawa ko!” sigaw nito.

“Pero hindi naman talaga tayo naghiwalay noon diba? Alam kong nandiyan pa rin ako sa puso mo,” sabi ng boses ng isang babae na kilalang-kilala niya, si Vivian.

Nang marinig ang usapan ay tumungo siya sa kusina at nakita ang kumare at asawa na halos magdikit na ang mukha. Tila ba umiiwas ang asawa ngunit nakayakap ang braso ni Vivian dito.

Umakyat ang dugo sa kaniyang mukha dahil sa nakita at walang sabi-sabing hinaklit niya ang buhok ng malanding kumare.

“Walanghiya ka! Lumayo ka sa asawa ko!” kapwa nagulat ang mga ito kaya tuluyan niyang nasabunutan ang kumare.

Humarang naman kaagad si Richard dahilan para maawat niya ang mga ito.

“Walanghiya ka! Pinagkatiwalaan kita tapos aahasin mo lang pala ang asawa ko!” sigaw niya sa babae habang pinipilit makawala sa hawak ng asawa.

“Hoy Emily! Wala kang alam! Ako ang tunay na mahal ni Richard, umalis lang ako ng bansa noon kaya kami nagkahiwalay!” ganting sigaw ni Vivian.

“Lumayas ka na Vivian! Tapos na tayo simula noong iniwan mo ako. Si Emily na ang mahal ko, at siya ang pinakasalan ko,” daundong na utos ni Richard sa dating kasintahan.

“Mahal? Talaga lang ha. Paano kung sabihin ko sayo na hindi na matutupad ang hiling mong magka-anak dahil ang mahal mong asawa ay hindi kayang magbuntis!” sabi ng kumare habang nanlilisik ang mata kay Emily.

Napatigil pareho ang mag-asawa dahil sa ibinunyag ni Vivian. Napamaang si Richard at tumingin sa asawa, “T-totoo ba ‘yon Hon?” tanong nito sa mahinang tinig.

Napayuko na lang si Emily at ipinagtapat sa asawa ang resulta na kaniyang pagpapatest sa hospital. Ang bruhang si Vivian naman ay nakangisi pa habang nakikita ang pagdurusa ng dalawa.

“Kung babalik ka sa akin ay kaya kitang bigyan ng maraming anak. Ano Richard? Wala ka nang mapapala diyan sa asawa mong baog,” sabi nito sa nangungutyang tinig.

Mabilis ang naging pangyayari. Kinaladkad ni Richard si Vivian hanggang sa labas ng bahay, kahit pa malakas ang ulan, saka nito ibinalibag pasara ang pinto.

Narinig na lang nila ang babae na nagsisisigaw sa labas ng bahay, ngunit ilang sandali lang ay namayani ang katahimikan sa pagitan ng mag-asawa.

“Bakit hindi mo sinabing dati pala kayong magkasintahan ni Vivian?” malamig na tanong ni Emily sa asawa.

“Mahal, hindi ko naman akalain na makikita ko pa siyang muli. Kaya tuwing iimbitahin mo siya dito sa bahay ay umiiwas ako dahil ayokong magkaroon ng lamat ang pagkakaibigan niyo kapag nalaman mo ang totoo. Akala ko kasi ay naging totoo siyang kaibigan sa’yo. Isa pa ay matagal ng tapos ang kung ano mang namagitan sa amin. Patawad mahal,” mahabang paliwanag ng asawa.

“Ikaw, bakit inilihim mo sa akin ang pagpapatest mo at resulta nito?” ganting tanong ng mister.

“Natakot ako… Natatakot ako sa magiging reaksyon mo kapag nalaman mong di tayo pwedeng magka-anak, patawarin mo ako..” mahinang hikbi ng asawa.

Humaba ang katahimikan sa pagitan ng mag-asawa. Hanggang si Emily na ang bumasag sa katahimikan,

“Anong gagawin mo? Iiwan mo na ba ko dahil hindi ko kayang ibigay ang gusto mo?” patuloy ang pagpatak ng masaganang luha mula sa mata ng misis.

Mahigpit na yakap ang sagot ni Richard sa tanong ng asawa.

“Emily, mahal ko… alam kong kung masakit sa akin, ay mas masakit sa’yo na hindi magkaroon ng anak. Pero kung pareho tayong patuloy na susubok at magtitiwala sa Diyos, walang imposible.

Gumanti ng mahigpit na yakap si Emily sa asawa. Naramdaman niyang lalong lumalim ang pagmamahal niya dito. Doon niya napatunayan na anumang tukso at pagsubok ang dumaan ay malalampasan nila kung lubos silang magtitiwala sa isa’t isa, at higit sa lahat ay sa Diyos.

Advertisement