Inday TrendingInday Trending

“Hoy Bryan! Aba’y puro mura na iyang lumalabas sa bibig mo! Gusto mo sargohin ko na ‘yan?” sigaw ni Aling Pida sa apona nasa sala habang nagkakaliskis ng isda sa labas ng kanilang bahay.

Napabuntong hininga na lang si Aling Pida nang makitang ni hindi man siya inintindi ng apo. Nag-inat siya dahil nananakit na ang kaniyang likod sa pagkakaliskis ng isda. Kailangan na niyang i-deliver ang mga iyon sa mga suking kapit-bahay dahil magtatanghalian na.

Pumasok siya sa sala at saka binatukan ng malakas ang labing anim na taong gulang na apo. Simula nang pumanaw ang mga magulang nito sa isang aksidente ay siya na lang ang nagkusang-loob na mag-alaga dito. Pero heto’t nabigo yata siyang palakihin ito ng tama.

“Hoy! Tigilan mo na ‘yan! Hindi ba napupudpod ang mga daliri mo kakapindot diyan sa cellphone?! Bilisan mo at ihatid na itong biniling isda ng mga kapitbahay at tanghali na!” sermon pa ng lola.

“Lola naman! Rank game ‘to oh! Ilagay niyo ho muna diyan at idedeliver ko mamaya lahat,” sagot pa nito habang nakatutok pa rin sa laro.

Dahil sa inis ay piningot ito ng ina hanggang mabitawan nito ang cellphone, “Aba’t ipagpapaliban mo pa! Napupuyat ka na nga gabi-gabi diyan, pati ba naman sa araw ay ayaw mo pang tantanan! Ano ka ba ad*k?!” sabay lalong hila ng galit na ale sa tainga ng apo.

“Aray! Aray! ‘La!” sigaw ni Bryan, “Hindi niyo naman naiintindihan, di nga ito pwedeng i-pause!” naiiritang sabi nito sa ina at saka pinulot ang cellphone at nagdadabog na pumasok sa kwarto.

“Hay naku di ko na alam gagawin sayong bata ka, napakabatugan..” sabi ni Aling Pida at napaupo sa silya dahil biglang nakaramdam ng hapo. Magsi-sisenta na siya kaya’t may mga nararamdaman na siya sa kaniyang katawan. Ngunit ang kaniyang apo ay walang ginawa kung hindi maglaro sa cellphone nito.

Dahil nawili na sa kalalaro, natitiyak ni Aling Pida na hindi na naman masusunod ni Bryan ang kaniyang bilin kaya’t nagpasya siyang, siya na lamang ang maghatid ng mga panindang isda sa mga kapitbahay.

Kahit nanghihina na ang tuhod ay pilit niyang binuhat ang isang may kalakihang timba na naglalaman ng mga nakaplastik na isda.

“Naku Aling Pida, ako na ho!” sabi sa kaniya ni Irene na anak ng kapitbahay.

“Naku huwag na hija, kaya ko na ito, salamat na lang,” magiliw na pagtanggi ng matanda sa alok nito. Dahil magtatanghalian na ay tirik na tirik na ang sikat ng araw. Ramdam na ramdam ni Pida ang pawis sa kaniyang batok at bahagyang panginginig ng tuhod.

Marami-rami pa siyang ide-deliver kaya hindi na siya tumigil para magpahinga. Pagdating sa pang-apat na kanto ay hingal na hingal na ang matanda. Bigla na lamang itong nahilo at nagdilim ang paningin.

Bahagyang sumandal ito sa poste upang palipasin sana ng hilo, ngunit hindi na ito kinaya ng pagod na katawan kaya’t tuluyan na itong tumumba. Sumabog sa daan ang paninda nito pati na ang perang kinita. Nagdodoble kayod talaga si Aling Pida dahil malapit na ang kaarawan ng kaniyang mahal na apo. Balak sana niyang bilhan ito ng laptop na matagal na nitong inuungot sa kaniya. Kailangan daw kasi iyon sa eskwela kaya naman pinagiipunan niya talaga.

Mabuti na lamang at nakita kaagad ng mga tambay sa kanto ang matanda at agad sumaklolo ang mga ito. May tumawag na kaagad ng tricycle upang madala kaagad ang matanda sa ospital.

Mabilis na kumalat ang balita kaya’t nalaman ito ni Irene na kapitbahay lamang nila Bryan. Humahangos na tumakbo si Irene at kumatok ng malakas sa pintuan. Dahil nagkulong sa kwarto at nakapasak ang earphones habang naglalaro ng ML, hindi ito narinig ng binata. Wala itong kamalay-malay na nakikipaglaban ngayon ang lola para sa buhay nito.

Dahil walang sumasagot, naisip ni Irene na tawagan na lang ang binata tutal ay mayroon naman siyang number nito. Ngunit nakakatatlong tawag na siya ay lagi naman nitong pinap*tay.

“Diyos ko Bryan! Tigilan mo na ‘yang page-ML at sagutin mo ang tawag ko!” natatarantang kausap ni Irene sa sarili. Malapit siya sa matanda dahil naging mabuti ito sa kaniya. Lagi siya nitong sinasabihang maganda at minsan ay pinapayuhan pa tungkol sa buhay. Kaya naman naiinis siya tuwing nakikita niyang nahihirapan ang matanda habang ang apo nito ay puro ML lang ang ginagawa.

Nagpasya si Irene na magtext na lang sa binata.

“BRYAN!! Ang lola mo ay nawalan ng malay at sinugod sa ospital. Sana kahit ngayon lang ay ibaba mo yang cellphone mo at unahin mo naman siya!” galit na sabi ni Irene sa ipinadalang mensahe.

Sa loob ng kaniyang kwarto, inis na inis naman si Bryan dahil tawag ng tawag sa kaniya ang nakakairita nilang kapitbahay. Feeling maganda ito at laging pabida sa kaniyang lola kaya inis siya dito. Lagi lang niyang kinakansel ang tawag upang patuloy na makapaglaro.

“Yes! Victory! Yoohoo! Nakapanalo rin sa wakas!” sigaw ng binata na sinabayan pa ng suntok na kamao sa hangin. Magsisimula na dapat siya ng bagong laro nang makitang may nag-text sa kaniya.

Pagkabasa sa mensahe ay parang biglang natuliro si Bryan. Sandali siyang hindi nakagalaw at bumangon ang matinding kaba sa kaniyang puso.

“Si Lola! Kailangan kong puntahan si Lola!” naisip niya at biglang tumakbo palabas ng bahay. Dahil sa pagkataranta ay hindi na siya nakapagtanong kay Irene kung saang ospital dinala ang kaniyang lola. Mabuti naman at alam ng tricycle driver at matulin siyang hinatid doon.

Pagdating sa ospital ay saktong lumabas ang doktor at hinanap ang kamag-anak ng pasyente.

“Dok! Kamusta ho ang lola ko?” tanong ni Bryan na nagsisimula nang maiyak.

“Over fatigue ang dahilan kung bakit siya biglang natumba, at dahil mahina na ang katawan nito, nagkaroon din ang lola mo ng mild heart attack. Sa ngayon ay oobserbahan pa namin siya kaya’t maghintay lang tayo,” sabi ng doktor, tinapik siya sa balikat atsaka umalis.

Pumasok siya sa kwarto ng kaniyang lola at saka hinawakan ang kamay nito.

“Lola, lola ko… gumising ka na please,” iyak nito, “patawad po, patawarin mo ako lola…” sabi ng binata na punong puno ng pagsisisi. Kung sana ay sinunod niya lang ito at hindi kinunsumi ay sana ay hindi ito napagod ng husto.

“Hindi mo sinabing may sakit ka pala at pagod na pagod na, tapos trabaho ka pa ng trabaho,” ngalngal ng binata, “patawad at naging pasaway ako, lola gumising ka na please.”

“Pangako na kapag gumising ka, magpapakabait na talaga ako. Hindi na ko mage-ML at aalagaan na lang kita. Ako na po ang magdedeliver lagi ng mga isda, lola…”

Halos hindi maubos ang luha ni Bryan. Hindi niya mapapatawad ang sarili kapag may nangyaring masama dito. Hindi na niya kailanman uulitin ang pambabalewala niya dito para lang makapaglaro sa cellphone. Doon niya napagtanto na ang wala nang mas importante pa sa buhay niya kung hindi ang lola, nagmaka-awa siya sa Diyos na bigyan pa siya ng pagkakataon para maipakita at maiparamdam niya iyon dito.

Advertisement