
Hindi Lahat ay Kaibigan Mo
Si Angeline at Heather ay parehong second year college. Parehong maputi at makinis ang balat at higit sa lahat ay matalino.
Ilang sandali na lamang ay oras na ng kanilang klase kaya nagmamadaling umalis ang dalawa dahil ayaw ni Heather na mahuli sa klase.
Nang makarating sila sa loob ng kanilang silid aralan ay may lumapit sa kanilang isang babae. “Heather, gusto niyo bang sumama mamaya?” yaya ng isang kaklase na si Lia.
“Ha? Saan?” tanong ni Heather. “Birthday ko kasi. Invite ko kayo ni Angeline kung ayos lang iyon sa inyo?” sagot ni Lia.
“O, sige. Wala namang problema sa akin iyon,” sagot ni Heather
“Eh, sa’yo, Angeline? Ayos lang ba sa iyo?” muling tanong ni Lia. “Sige. Walang problema. Basta kasama si Heather,” tugon ni Angeline.
Matapos ang party ay nag-aya nang umuwi si Angeline dahil mukhang may tama na si Heather.
“Nag-enjoy ako doon. Sana maulit,” sabi ni Heather nang mahimasmasan.
Bumuntong-hininga si Angeline. “Heather? Alam mo naman ang mga ugali ng mga iyon, kung anong klaseng tao sila. Hindi sila magandang impluwensya sa’tin. Sumama rin ako kanina kasi pinagbigyan ko kasi birthday niya,” naiinis na sabi ni Angeline. Tila ba’y ubos na ang pasensya.
“Sinasabi ko sa iyo, Heather, huwag kang basta-basta papayag kapag inaya ka nila kahit saan. Kesehodang birthday party pa iyan,” muling paalala ni Angeline sa kaibigan.
“Uminom ka na ng kape at nang makatulog na tayo. Magbihis ka muna bago ka matulog. Mabuti na lang at nagising ka. Hindi na ako mahihirapan na asikasuhin ka,” sabi pa ni Angeline.
“Salamat, ate” pang-aasar ni Heather. “Tigilan mo nga ako. Mauna na ako sa itaas. Inaantok na ako,” paalam ni Angeline.
Isang mensahe ang natanggap ni Heather mula kay Lia. “Heather, thank you for coming! Napag-usapan namin na magkaroon ng house party sa susunod na buwan, ikalawang sabado. Sama kayo ni Angeline.”
Pagkabasa ng babae ng mensahe ay agad niya itong sinagot at sinabi na kakausapin niya muna si Angeline.
Matapos ang isang linggo ay nagkatampuhan sina Heather at Angeline dahil mas pinili ni Heather na pumunta sa house party nila Lia.
“Lia, mukhang hindi na maayos ang lagay ni Heather. Tignan mo, o.” turo ni Tina, ang best friend ni Lia. “Tsk! Hayaan mo siya diyan. Alangan namang ako ang manggising at i-akyat siya sa kwarto?” mataray na saad ni Lia.
“Ikaw ang nagsama sa kaniya at nag-imbita dito kaya ikaw ang mag-asikaso,” sagot ni Tina.
KINAUMAGAHAN
“Heather,” tawag ng isang babae.
“Limang minuto pa, please, ” sagot ni Heather tsaka nagmulat sandali ng mata ngunit agad rin ito napapikit dahil sa maliwanag na sinag ng araw na eksakto sa kaniyang mata.
“Alas otso na ng umaga. Hindi ba’t alas diyes ang pasok mo?” tanong ng babae.
“Angeline?” balik tanong ni Heather. “Hindi ako si Angeline. Ako si Tina. Hindi ka na namin pinauwi dahil delikado na. Inabot na tayo ng madaling araw. Hindi ka na namin ginising. Tsaka isa pa, walang maghahatid sa’yo.”
Nang maalala ni Heather kung nasaan siya ay agad siyang napabalikwas ng bangon tsaka dali-daling nagsuot ng sapatos. “Pasensya na, Tina. Naabala ko pa kayo,” nahihiyang sabi nito.
“Wala sa akin iyon. Sige na at baka mahuli ka pa sa klase,” saad ni Tina.
“Pasensiya na talaga,” paghingi na paumanhin muli ni Heather.
“Sige na. Umalis ka na. Huwag mo nang isipin na nakakaabala ka kasi hindi naman. Mag-iingat ka, ha,” saad ni Tina.
Walang anu-ano’y tumakbo agad si Heather pababa ng hagdan at agad lumabas ng bahay tsaka pumara ng taxi.
Hindi rin nagtagal ay nakarating na siya sa eskwelahan. Pagkaabot niya ng bayad sa driver ay bumaba din siya kaagad. Binilisan ang kilos dahil kung hindi ay mahuhuli siya sa klase.
Nang makarating sa kanilang classroom ay naupo agad si Heather sa tabi ng kaibigan. “Angeline, sa’yo ba ito? Baka nailagay mo sa bag ko,” bungad ni Heather ngunit hindi ito pinansin ng kaibigan.
Dalawang linggo ang lumipas nang maganap ang house party.
Ang dating matalik na magkaibigan ay hindi na madalas na magkasama. Sa mga nagdaan na linggo ang kasama ni Heather ay ang grupo nila Lia. Lingid sa kaniyang kaalaman kung anong klase ng tao si Lia at ilan sa mga kasama nito.
“Heather, pahiram naman ng lipstick mo,” sambit ni Tina. “O, sige. Kuhanin mo na lang diyan sa pouch ko sa loob ng bag ko. Iihi lang ako,” tugon ng babae tsaka pumasok sa cubicle.
“Heather! Lumabas ka diyan. Bilisan mo!” nanggagalaiting sigaw ni Tina kasabay ng malakas na kabog sa pintuan ng cubicle. Kasama niya ang kaniyang matalik na kaibigan na si Lia.
“Sandali! Ano bang nangyayari?” sagot ni Heather tsaka lumabas. “Bakit na sa’yo ito?” tanong ni Tina na akala mo’y sasabog na bulkan dahil sa galit.
“Sa’yo ba ‘yan? Matagal nang nariyan sa bag ko. Akala ko kay Angeline iyang bracelet na iyan,” paliwang ni Angeline.
“Alam mo bang ilang linggo ko nang hinahanap ‘to tapos na sa’yo lang pala. Magnanakaw!” halos lumabas ang mga litid ni Tina dahil sa galit.
“Ano? Sandali. Hindi ako magnanakaw,” naguguluhang sabi ni Heather.
“Hindi? Eh, ano ito? Bakit nasa iyo? Pagkatapos ng house party sa bahay ay nawawala na ito. Bigay sa’kin ‘to ng mommy ko galing sa Paris tapos nanakawin mo lang!” sigaw ni Tina.
“Hindi nga sabi ako magnanakaw! Hindi ko rin alam kung paano napunta ‘yan sa bag ko. Nakita ko na lang ‘yan kinabukasan pagpasok ko dito sa school!” katwiran ni Heather.
“Ah, talaga? Nagrarason ka pa!” sigaw naman ni Lia.
“Nagsasabi lang ako ng totoo, Tina. Tigilan mo ang kabibintang sa’kin ng magnanakaw. Dahil hindi ko…”
Hindi na natapos ni Heather ang kaniyang sasabihin nang makatanggap siya ng malakas na sampal mula kay Tina at sunud-sunod na matinding sampal, kalmot, sipa at suntok mula kay Lia.
“ANONG NANGYAYARI DITO?”
Napatigil ang dalawang babae. Laking gulat nila nang makita nila sa pinto ng banyo ang kanilang principal.
“Ma’am!” sabay-sabay na sigaw ng mga estudyante maliban kay Heather na animo’y lantang gulay sa isang sulok.
Namilog ang mga mata nina Tina at Lia sa gulat nang makitang pinapalibutan na pala sila ng mga estudyante.
Isinugod si Heather sa ospital habang sina Tina at Lia naman ay pinapunta sa principal’s office.
Kumabog ng malakas na parang tambol ang dibdib ng dalawang babae habang pagtungo sila sa opisina ng principal. At pagpasok nila sa loob ay hindi nila inaasahang makita ang taong nakasaksi sa kanilang ginawa kay Heather.
“Reign? Angeline? Anong ginagawa niyo rito?” tanong ni Lia nang mamataan ang dalawa na nakaupo sa sofa.
“Nasaksihan ko ang nangyari sa restroom. Hindi ko inaasahan na kaya niyong gawin iyon sa taong wala namang masamang ginagawa sa inyo,” sagot ni Reign. “Hindi ko maatim ang inyong ginawa. Mabuti na lamang at nakasalubong ko si Angeline na kasama ng ating principal.”
“May dapat ba akong malaman bukod sa ginawa ninyo kay Heather, Miss Lia?” tanong ng principal.
Hindi sumagot ang dalaga.
“Ninakaw ho kasi ni Heather ang bracelet na bigay ng mommy ko kaya ko ho siya sinaktan,” sagot naman ni Tina.
“Sa pagkakaalam ko ay hindi ninakaw ni Heather ang bracelet mo, Tina. Bakit hindi mo tanungin si Reign? O ‘di kaya si Lia na lang ang tanungin mo kung ano ang totoo. Hindi ba’t magkakasama kayo nitong nakaraang linggo. If I’m not mistaken, that was when you had a house party sa bahay niyo?” sabi ni Angeline.
“Noong inakyat ninyo si Heather sa kwarto nahulog mo ang bracelet mo sa sahig. Pinulot ko tsaka inilagay ko sa mesa. But knowing Lia pagdating sa kalokohan malamang ay inilagay niya ito sa loob ng bag ni Heather sa sofa,” paliwanag ni Reign kay Tina.
“Hindi ‘yan totoo, Reign. Sinungaling ka!” sigaw ni Lia.
“Miss Lia, you’re inside my office!” suway ng principal.
Hindi na muling nakaimik si Lia nang inilabas ni Angeline ang ebidensya, isang litrato na kuha mula sa cell phone ni Reign.
“Una pa lang alam ko nang ipapahamak mo sa oras na ‘yon si Heather. That’s why I took photos. Heather has been setup, Tina. Hindi niya ninakaw ang bracelet mo. Ang mali ko lang ay hindi ko sinuway si Lia dahil natakot ako na baka kung ano ang gawin niya sa akin,” paliwanag muli ni Reign.
“Alam kong sa’yo iyon. Tinanong sa’kin iyon ni Heather kung sa’kin ba ‘yon. Hindi ako sumagot dahil pagkakita ko pa lang sa bracelet ay alam kong sa’yo iyon. Lumapit ako kay Reign. Kung hindi ko pa siya kinonsensya at kinulit na sabihin ang totoo ay hindi malilinis ang pangalan ni Heather sa’yo,” saad ni Angeline.
Hindi nakasagot si Tina. Tila naguguluhan pa rin sa nangyayari.
“Hindi mo kasalanan, Tina. Hindi mo ginusto ang nangyari at naiintindihan ko na nagawa mo iyon kasi galit ka. Alam kong nagulat ka rin sa ginawa ni Lia kay Heather.”
“You are suspended from this school. We do not tolerate that kind of attitude! I will call your parents and I will tell them about your attitude towards your friends. Especially you, Miss Lia. Hindi ganiyan ang kaibigan. Hinulog mo ang sarili mo sa bangin na ikaw mismo ang gumawa,” biglang sabi ng principal nung naging malinaw na sa kaniya ang nangyari.
Matapos ang nangyari sa opisina ng principal ay dumalaw sina Angeline, Reign at Tina kay Heather.
“Angeline,” tawag ni Heather.
“Mabuti naman at gising ka na. Kumusta? Ang tagal mong magising,” sagot ni Angeline.
“Sana nakinig na lang ako sa’yo. Sana hindi na lang ako pumunta,” sabi ni Heather tsaka bumuhos ang mga luha sa kaniyang mga mata.
“Tapos na ‘yon. Alam na ng lahat kung ano ang totoo. Hindi rin naman kita mapipigilan kung gusto mo talagang sumama sa kanila. Iyon nga lang ay sumama ka sa taong akala mo’y kaibigan, eh, siya pala ang magpapahamak sa’yo,” sagot ni Angeline.
“Heather, I’m so sorry kasi pinagbintangan kita na nagnakaw ng bracelet ko. Kanina ko lang nalaman ang totoo na sinetup ka lang pala,” singit ni Tina.
“Alam niyo hindi lahat ng itinuturing niyong tunay na kaibigan ay ganoon din ang turing sa inyo,” biglang sabi ng nurse na nag-aasikaso kay Heather. “Maging mapili kayo sa inyong mga kakaibiganing tao. Siguraduhin niyong mabuti rin ang hangarin nila sa inyo,” dagdag pa nito bago umalis.
Isang mahalagang aral ang iniwan ng pangyayaring iyon kina Tina at Heather. Hindi lahat ng tao na maganda ang turing sa iyo ay maaari mong ituring na tunay na kaibigan. Dapat ay maging mapanuri ka sa taong kakaibiganin mo at pagbibigyan mo ng tiwala.
Simula noong araw na iyon ay naging mas mapili na si Tina sa mga taong ituturing niyang kaibigan habang sina Heather at Angeline naman ay naging mas matatag ang kanilang samahan kasama ng bago nilang kaibigan na si Tina.