Bawal Buksan ang Regalo

Masayang kinalansing ng mga bisita ang baso gamit ang tinidor. Giliw na giliw silang tingnan ang bagong kasal na ngayon ay kinikilig na magkahawak kamay sa unahan.

“Kiss!” sigaw ng isa sa mga bisita.

Namumula naman ang mukhang sinulyapan ni Sheila- ang bride, ang mister niyang si Noel.

“Kiss raw mahal. Tatanggi ba naman ako dyan, eh iyan ang pinakagusto kong gawin sa buong mundo.” natatawang sabi ng lalaki bago hinagkan ang kanyang bagong misis.

Dalawang taon silang naging magnobyo bago nila naisipang mag-settle down. Bagamat matagal na naman silang magkakilala. Sa totoo lang ay magkababata sila at magkaklase pa noong high school.

Gusto ng magulang ni Sheila si Noel, at ang babae naman ay malapit sa tiyahin ng binata- si Tiya Celing. Ang matandang dalaga na ang nagpalaki sa kanyang nobyo dahil maaga itong naulila. Saksi ang babae sa lahat ng pinagdaanan ng kanilang relasyon.

Ilang oras pa ang lumipas ay malapit nang matapos ang program. Nakapaghati na sila ng cake, nakapag-palipad na sila ng mga kalapati at paru-paro, nakapaghagis na ng bulaklak si Sheila.

Nang nauubos na ang mga tao ay doon sila nilapitan ng kanilang Tiya Celing.

Advertisement

“Tita,” masuyong wika ni Sheila tapos ay niyakap ang babae. Lumuluha ito.

“Mga batang ito, parang kailan lang ay magkalaro kayo sa bakuran ko. Ngayon ay kayo na ang gagawa ng sarili ninyong bakuran at tahanan.” masayang sabi nito.

Napangiti naman si Noel, “Na tahanan mo rin po. Syempre, welcome na welcome ka sa bahay namin.”

“Kahit doon kapa po tumira.” dugtong ni Sheila, totoo iyon. Sa dami ng utang na loob nila sa babae ay hindi nila ipagkakait ang makasama ito sa bahay.

“Ay sus kayong dalawa paano ako magkakaapo niyan kung isasama ninyo ako sa bahay?” biro nito. “Ako ay aalis na gawa nang nahihilo na ako. Gusto ko lamang ibigay ito.”

Inabot nito sa kanilang dalawa ang isang kahon. Ang Tiya Celing talaga, nais ay espesyal. Hindi nito inilapag iyon sa lagayan ng regalo ng mga bisita at iniabot pa talaga sa kanilang dalawa.

“Thank you po tita-“

“Hep! Hindi iyan pinggan, hindi rin rice cooker. Lalong hindi kalan dahil maliit lang yan,” nagtawanan silang tatlo. “Ang laman niyan ay secret! Oo, sikreto. Buksan ninyo lamang ang kahon na iyan kapag nag-away kayo. Wag iyong away na tampuhan ha? Iyong mga tipong maghihiwalay na kayo ganun.”

Advertisement

“Hala si Tita naman,” komento ni Noel pero natatawa naman.

“Ay.. mangyayari talaga sa mag-asawa iyan. Alam ko na ang nasa isip ninyo, wala naman akong asawa kaya paano ko nalaman? Syempre itong tanda kong ito alam ko na ano. Sundin ninyo na lang ako. Pangako ha?” tinitigan pa silang dalawa.

Wala namang nagawa ang mag-asawa kundi ang tumango.

Makalipas ang pitong taon

“Mommy mommy look ang ganda ng drawing ko!” pangungulit ng anim na taong gulang na batang si Eunice.

Sinulyapan naman ng pagod na si Sheila ang papel na ipinakikita nito at ngumiti, “Nice baby. Good job!” pilit niyang pinasigla ang boses.

“No mommy I want to tell you a story about this drawing. So this is our house, ito po ako. Katabi ko si NJ kasi brother ko siya.. yan po ikaw tapos hawak kamay kayo ni Daddy.” kwento nito.

“Cool anak..Eunice, can I just talk to you later? Mommy is not feeling well.”

Advertisement

Nakakaunawa namang bumalik sa kwarto ang bata.

Isang taon lang matapos ang kanilang kasal noon ay pumanaw na rin si Tiya Celing. Nalungkot silang pareho ni Noel at kapit kamay pa sila sa libing.

Hindi lang doon, kapit kamay sila sa lahat ng bagay. Pero ewan niya ba, dahil siguro sa katagalan nila ay parang nanlamig na sila pareho ngayon. Wala na silang gana sa isa’t isa. Ni hindi na nga sila nag-uusap sa gabi at patalikod na lamang na natutulog. Parang magkatabi pero malayo pa rin sa bawat isa.

Sa katunayan, napag-uusapan na nga nila ang maghiwalay. Hinihintay niya lamang ang mister para i-settle na nila ngayong hapon ang mga dapat na gawin. Hatian sa ari-arian, hatian sa schedule ng mga bata, hatian sa lahat.

Kaya nga ganito siya ka-tamlay eh.

Naramdaman niyang may gumalaw sa kanyang likuran kaya alam niyang naroon na si Noel. Pagod na tinanggal ng lalaki ang kurbata.

“S-So..paano?” wika nito.

“Ewan ko.” kibit balikat na saad niya.

Advertisement

Kumuha ng notebook si Noel at ballpen, tumabi ito sa kanya pero may distansya. Sapat lamang para makita niya kung ano ang isusulat nito.

“So ganito ang gagawin natin.. Sabado at Linggo baka naman pwede kong mahiram ang mga bata. Kahit na ako na ang maghatid kay Eunice sa school ng Monday morning, tapos idi-diretso ko si NJ sayo.” dire-diretsong sabi nito pero di tumitingin sa kanyang mga mata.

Teka, pumipiyok ba ang lalaki? Paiyak ba ito? Imposible!

Ayaw mang aminin ni Sheila ay mahapdi rin ang dibdib niya ngayon. Hindi madali ang maghiwalay.

“Ang annulment ba..sabay na nating ifa-file? Ako ba..ikaw ba, sino ba ang magfa-file?” pinilit niyang wag magkandautal-utal.

Nahilot ni Noel ang sentido. “Hindi ko alam. Sa totoo lang Sheila hindi ko rin alam.” pagod na sabi nito.

Nakatulala lang sila pareho sa kawalan nang mahagip ng kanilang mga mata ang kahon sa ilalim ng isang mesa. Ang kahong regalo ni Tiya Celing.

Pitong taon na iyong naroon dahil di naman nila binubuksan. Sa totoo lang ay excited sila parehong malaman kung ano ang laman pero di naman nila mabuksan dahil sa usapan. Sino ba ang mag-aakalang darating ang ganitong panahon na makikita na nila ang nasa loob?

Advertisement

“D-Do you think its time to open the box?” parang may nakabara sa lalamunan ni Sheila nang magsalita.

Di umimik ang lalaki at kinuha na lamang iyon. Dumampot rin ito ng gunting at ginupit ang patung-patong na tape.

“Hindi ko inisip kailanman na mabubuksan natin ito. Pero wala eh, malupit ang buhay.” mapait na wika ng lalaki.

Kinakabahan namang naghintay si Sheila, nako-konsensya rin siya dahil pakiramdam niya ay nabigo nila si Tiya Celing.

Nagulat pa sila pareho dahil may liham para sa kanilang dalawa. Nauna nang binasa ni Noel ang para sa kanya.

Noel,

Ito na siguro ang pinakamahirap na parte ng buhay mo dahil maghihiwalay na kayo ni Sheila. Nais ko lamang ipaalala sayo ang mga hirap na dinanas mo para lang makuha ang puso niya. Nanligaw ka, umiyak kapa sa akin dahil baka maunahan ka ng iba, tumalon ka sa tuwa nang makuha ang matamis na oo niya.

Lahat iyan nilagpasan mo, ano pa kaya ito? Inilaban mo siya noon, ilaban mo rin siya ngayon. Wag mong sukuan ang misis mo. Tandaan mo na hindi lang iyan si Sheila na asawa mo, siya si Sheila na kababata mo, bestfriend mo, first crush mo. Siya si Sheila na pinangarap mo lamang noon pero katuwang mo na ngayon kaya huwag mo nang pakawalan.

Advertisement

Sa ilalim ng box may iniwan akong pera. Ibili mo ng bulaklak at chocolate, tapos i-date mo si Sheila.

Go pamangkin!

Tiya Celing

Napatulala ang lalaki, napasulyap kay Sheila na kasalukuyang umiiyak habang binabasa ang liham para sa kanya.

Sheila,

Mahal kita. Una pa lamang na dalhin ka ni Noel sa bahay namin bilang kalaro, alam kong ikaw na ang nakalaan para sa kanya. Kita ko na sa mga sulyap ng pamangkin ko, mula pagkabata hanggang magbinata.

Ang buhay ay puno ng pagsubok. Maaaring patigasin ng mga iyon ang ating puso pero wag mong kalilimutan kung saan kayo nagsimula at kung bakit siya ang pinili mo.

Bakit mo ba pinakasalan si Noel? Kasi mahal mo siya..sa hirap at ginhawa hindi ba? Wag mo sanang hayaan na tuluyang matakpan ng panlalamig ang puso mo hanggang magkaroon na ng pader na yero- tibagin mo ang harang na iyon para sa inyong pamilya. Para sa inyong pag-ibig.

Advertisement

Kayo ang pinaka-nakakakilig na loveteam para sa akin! Aba, nakabantay ako mula rito sa langit!

Bukod sa perang ibinigay ko kay Noel ay mayroon ring para sa iyo. Iwan mo muna ang mga bata sa iyong magulang, bumili ka ng dress at make up. Magpaganda ka, may date pa kayo ng prince charming mo.

Tiya Celing

Nang matapos siyang magbasa ay napalingon siya kay Noel na noon ay titig na titig sa kanya. Diyos ko po, ang lakas lakas ng tibok ng kanyang puso.

Parang nag-alab muli ang natulog nilang damdamin. Walang salitaan pero ramdam nila iyon ngayon. Korni pakinggan pero, ‘ika nga nila- love is in the air.

Binuklat pa nila ang laman ng box, may pera nga. Kalakip noon ay ang mga larawan nila habang naglalaro ng jolens, JS prom kung saan sila ang magka-partner, first date bilang mag-nobyo, birthday ni Tiya Celing, birthday niya.. unang treat ni Noel dahil sumweldo na ito- napakarami!

Nang dadamputin na nila ang huling litrato ay di sinasadyang nagdampi ang kanilang mga kamay. Dumaloy ang kuryente sa katawan ni Sheila lalo pa nang tuluyan nang hawakan ng kanyang mister ang palad niya.

Nang tingnan niya ito ay umiiyak ang lalaki pero nakangiti.

Advertisement

“Ayokong makipaghiwalay sa totoo lang.” hindi niya alam pero kusa nang lumabas sa bibig niya ang mga salitang iyon.

“Diyos ko mas ayaw ko.” sabi ng lalaki bago siya tuluyang hinalikan.

Masaya silang nagyakap. Kinabukasan ay dinalaw nila ang puntod ni Tiya Celing, nakangiti silang tumanaw sa langit.

“Salamat Tita.”

Kasi hanggang ngayon, hindi sila pinababayaan nito. Ginagabayan pa rin nito ang kanilang relasyon. Nangako sila na mas lalo nilang pagtitibayin ang kanilang samahan.

Na siyang natupad naman, kasi hanggang ngayon na marami nang apo na ang dalawa ay masaya at hawak kamay pa rin nilang hinaharap ang buhay- wala nang maghihiwalay!