Inday TrendingInday Trending
Sana Mawala ang Baby Ko!

Sana Mawala ang Baby Ko!

Kinakabahang itinaob ni Sabel ang hawak na pregnancy test. Ang sabi sa instruction, maghintay raw ng dalawa hanggang tatlong minuto bago makita ang resulta. Diyos ko, bawat andar ng orasan ay nakabibingi para sa kanya.

Kabadong-kabado ang dalaga. Paano kasi ay kaga-graduate niya pa lamang ng kolehiyo at wala pa siyang isang taon sa pinagtatrabahuang opisina sa Manila. Ni hindi pa nga siya nakakatulong ng malaki-laki sa magulang ay ito naman ang kahaharapin niya ngayon. Hindi naman siya inoobliga ng mga ito pero pakiramdam niya ay pa-konswelo niya na lamang na makapag-abot sa kuryente at ibang gastusin sa bahay.

Pero paano niya pa itutuloy iyon kung… kung.. hay.

Sinulyapan niya ang orasan sa dingding ng banyo. Apat na minuto na. Siguro, may resulta na. Dahan-dahan niyang itinihaya ang pregnancy test at napigil niya ang hininga nang makita ang resulta.

Dalawang linya.

Panginoon ko. Diyos ko po. Mahabaging Santa Maria Magdalena, buntis siya!

Nangangatog ang kamay na pinindot niya ang cellphone at tinawagan ang nobyong si Clark.

“C-Clark, kailangan nating mag-usap.” sabi niya, pinipigil ang maiyak.

“Oo naman baby. Gusto mo bang kumain sa labas or dalawin nalang kita dyan sa inyo?” wika nito.

“Sa labas nalang siguro. Ayoko dito, baka maiyak ako.”

“Wow. Mukhang seryoso ah, gusto mo na bang magpakasal?” wika pa nito mula sa kabilang linya. Alam niyang nakangiti ang lalaki.

“Sana nga yan lang. Sana yan nalang. Basta magkita tayo.” sabi niya bago ibinaba ang tawag.

Nang malaman ni Clark ang kanyang sitwasyon, kabaligtaran niya ay napatalon sa tuwa ang lalaki. Ayon dito, oo at biglaan ang lahat pero ang kaalamang nagbunga ang pag-ibig nila ay ikinaliligaya nito. Mahirap man raw ang buhay, kakayanin nito.

Sinamahan siya nitong magtapat sa kanyang mga magulang na bagamat nalungkot ay tanggap pa rin naman siya. Naging panatag ang loob nito lalo pa nang marinig ang mga pangako ng kanyang nobyo na di sila pababayaan ng baby.

Tinotohanan naman iyon ng lalaki, kitang-kita ni Sabel kung gaano ito kasabik sa kanilang anak. Walang araw na hindi nito kinakausap ang kanyang tiyan.

Napaka-tiyaga pa nito sa kanya lalo at pag tinotoyo siya. Kahit nga minsan, sumosobra na ang mga sinasabi niya rito.

“Nakakainis! Sana kasi wala nalang baby!” asik niya isang hapon. Na-late lang ng dating si Clark dahil nago-overtime nga ito sa trabaho, malapit na kasi siyang manganak.

“Wag ka namang magsalita ng ganyan mahal-”

“Aba kung walang baby e di buhay dalaga ako! Bakit ba kasi nagka-baby pa! Tapos ikaw pa ang ama, ang tagal-tagal mong dumating!” dire-diretsong wika niya. Hindi alintana na nasasaktan niya na ang nobyo dahil masyado siyang nagpapadala sa galit na nararamdaman.

“Sorry na kung naghintay ka ng matagal. Alam mo namang di ako makakatanggi at gustung-gusto ko ang mag-OT dahil pinag-iipunan ko ang magagastos sa panganganak mo eh.”

“May ipon na di ba?!” bulyaw niya rito.

“Oo nga mahal pero gusto mo ba talaga na eksakto lang ang hawak nating pera? Paano pala kung may kailangan pang bayaran bukod sa panganganak, gamot mo, vitamins o kung ano man, saan ako kukuha? Ayoko na pagdating ni baby ay doon pa ako magkukumahog na maghanap ng pera.” paliwanag ng lalaki. Bakas sa mukha ang pagod sa trabaho at stress sa pakikipag-diskusyon sa nobyang sarado ang utak.

“Ah basta! Sana wala nalang baby!”

Nakasanayan na ni Sabel ang ganoon. Tuwing sasama ang loob niya ay bukambibig niya na sana, sana hindi nalang siya nabuntis.

Mabilis lumipas ang mga araw at humilab na ang tiyan ng dalaga. Nasa tabi niya lamang si Clark hanggang dalhin siya sa loob ng delivery room ng ospital.

“Kaya mo yan, push lang! Nandito ako!” pagpapalakas ng loob ng lalaki sa kanya habang umiiri siya.

Ilang minuto pa, naramdaman niyang lumabas na ang ulo ng bata.

“Konti nalang misis, isabay mo po sa contraction. Konti nalang, 1..2..3, iri!” sabi ng doktor.

Sinunod niya ito at umiri siya ng pagkalakas-lakas, akala niya nga ay mahahati ang buong pagkatao niya. Naramdaman niyang lumabas na ang baby, nanghihina si Sabel pero di siya nagpadala sa antok dahil nais niyang masilayan ang anak.

Pero segundo na ang nakalipas ay wala pa rin siyang naririnig na iyak. Parang nagpa-panic rin ang mga nurse.

“D-Doc ano po ang nangyayari sa baby?” hirap niyang wika.

“Bakit ho hindi umiiyak? Miss, miss bakit hindi umiiyak ang bata? Di ba dapat iiyak? Bakit hindi gumagalaw?” natataranta na ring wika ni Clark.

Lalo silang kinabahan nang hawakan ng doktor ang paa nito at pinalo ito nang marahan sa puwitan pero hindi pa rin, lupaypay ang sanggol.

Inihiga ito ng doktor sa isang maliit na kama sa tabi ni Sabel at doon ay pilit na nire-revive. Pina-pump ng doktor ang maliit na dibdib nito.

“A-Ano ba kasi, bakit.. bakit hindi siya umiiyak? Ano ba.. Clark tanungin mo nga bakit hindi naiyak ang anak natin?!” lumuluhang sabi ni Sabel.

Ang nobyo niya naman ay mahigpit ang hawak sa kanyang kamay pero nakatulala lamang rin sa anak. Pinipigil nito ang emosyon.

Diyos ko, parang bumalik sa isip ni Sabel ang lahat ng panahong hiniling niya na sana wala nalang baby at di siya nabuntis. Ito ang hiling niya sa Diyos di ba? Bakit ngayong nagkakatotoo na ay parang binibiyak ang puso niya? Bakit parang napakalaking pagkatao niya ang pinapatay kasabay ng kanyang anak?

Napapikit siya ng mariin, pilit niyang inabot ang kamay ng baby na ngayon ay lupaypay pa rin.

“A-Anak.. patawarin mo si Mommy. Anak, mabuhay ka parang awa mo na. Hindi kaya ng Mommy na wala ka. Mahal na mahal kita anak…” humahagulgol na sabi niya.

At ang Diyos ay marunong, parang himala na bigla itong kumislot. Unti-unti.. hanggang umiyak na ito nang pagkalakas-lakas.

“God is good!” sigaw ng doktor. Nagpalakpakan ang mga nurse at si Clark ay tuluyang napaiyak.

Ibinigay sa kanya ang baby, malusog at kay lakas umiyak. Nakangiti si Sabel na pumikit habang may luha sa mga mata. Yakap niya ang sanggol at bumulong siya sa Diyos.

“Salamat po Panginoon, pangakong magiging mabuti akong ina.”

Tinupad niya ang mga katagang iyon, nagsilbing inspirasyon niya si Baby Clark Jr. Nag-tiyaga siya sa buhay kaya di nagtagal ay nakaahon rin naman.

Ngayon ay may sarili na silang bahay at kotse, may sarili na ring negosyo kaya nakakatulong pa rin sa magulang. At ang pinakamahalaga, mabibigyan na nila ng kapatid si Clark Jr. dahil buntis muli si Sabel.

Advertisement