Kabilang si Bridget sa mayamang angkan subalit hindi siya katulad ng ibang lumaki sa karangyaan na walang ginawa kundi gumastos, mamasyal sa kung saan-saan at magpakasarap sa buhay.
Kahit ang ama niya na si Don Rodrigo at ang inang si Donya Lauriana, ay lubos ang pasasalamat sa mabuting loob ng kanilang nag-iisang anak na babae. Kakaiba ang kabutihan na ipinapakita nito lalong-lalo na sa mga mahirap na tao.
“Anak, nalalapit na naman ang iyong kaarawan. Ano ba ng gusto mong regalo mula sa amin ng Mama mo?” tanong ng ama.
“Sabihin mo lang hija at bibilhin namin. O baka naman gusto mo pera na lang ang ibigay namin sa iyo para ikaw na ang bahalang bumili ng kung anuman ang gusto mong bilhin,” sabi naman ng kanyang ina.
“Papa, Mama alam niyo naman ang gusto ko sa tuwing sasapit ang kaarawan ko di ba?” sagot niya.
“Sa bahay-ampunan ba anak?” tanong ni Don Rodrigo.
“Opo, Papa doon ko po gustong ipagdiwang ang kaarawan ko,” wika ni Bridget.
“Sabi na nga ba ang iyan ang isasagot mo sa amin ng Papa mo. Kung iyan ang nais mo anak. Gawin mo ang gusto mo,” saad ni Donya Lauriana.
“Maraming salamat po, Mama.”
Sa tuwing sasapit kasi ang kaarawan ni Bridget ay niyayaya niya ang mga kaibigan na pumunta sa bahay-ampunan. Namimigay sila ng mga laruan, pagkain, at iba pang mga regalo sa mga ulilang bata doon.
“Tara, samahan niyo ako sa bahay-ampunan at mamigay tayo ng mga regalo sa mga bata!” yaya niya sa mga matatalik niyang kaibigan.
“Ano? Nagbihis pa naman ako ng maganda tapos sa bahay-ampunan lang pala tayo pupunta?” tanong ng isa sa mga kaibigan niya na si Eula.
“Oo nga. Ang akala ko pa naman ay mamamasyal tayo o kakain sa labas,” sabad naman ni Wena.
“Teka nga Bridget, matanong ko lang, bakit ba sa bahay-ampunan tayo pumupunta tuwing sasapit ang kaarawan mo?” tanong naman ni Ruby.
“Malapit kasi ang puso ko sa mga bata sa bahay-ampunan. Gusto ko na kahit isang beses lang sa isang taon ay mapasaya ko sila,” paglalahad ng dalagita.
“Pero hindi lang isang beses sa isang taon friend, isang beses sa dalawang linggo. Swerte nila sa’yo besh,” sabi ni Krisha sa kaibigan.
“Kasiyahan ko na makitang masaya ang mga bata. Hindi ko rin alam, pero sa tuwing napapangiti ko sila ay sobra-sobra ding kaligayahan ang napupuno sa puso ko,” sagot ni Bridget.
“Napakabuti mong tao, friend. Sana lahat ng tao kagaya mo na walang sawang tumutulong sa mga batang ulila,” wika ni Ruby.
Ilang minuto lang ay narating na nila ang bahay-ampunan. Sinalubong sila roon ng mga madre na namamahala ng ampunan.
“Magandang umaga mga bata! Naku, Ms. Del Carmen maligayang kaarawan sa iyo. Mabuti naman at dito mo na naman naisipan ipagdiwang ang iyong kaarawan,” wika ni Sister Ofelia.
“Salamat po sister. Taon-taon naman po ay dito ko idinaraos ang kaarawan ko. Mas gusto ko pong makasama ang mga bata sa aking espesyal na araw,” sagot niya.
Nang makita siya ng mga bata na naroon ay agad na nagsilapitan sa kanya.
“Ate Bridget! Ate Bridget!” siga ng mga sabik na bata.
“Maligayang kaarawan, Ate Bridget!” wika ng isang bata at may iniabot sa kanya. Isang maliit na kahon na binalutan ng makulay na papel.
“Regalo namin para sa iyo, Ate,” sabi ng bata.
“Pinag-ipunan iyan ng mga bata, Ms. Bridget. Gusto kasi nilang bigyan ka ng regalo sa iyong kaarawan,” wika ni Sister Ofelia sa dalagita.
“Naku, nag-abala pa kayo mga bata. Hindi niyo naman kailangan na regaluhan pa ako pero maraming salamat sa inyong lahat,” masayang sabi ni Bridget na nangilid ang luha sa mga mata sa sobrang kagalakan.
Masayang-masaya ang mga bata sa ampunan noong araw na iyon. Dinalhan sila nina Bridget ng piniritong manok, spaghetti, sandwich, hotdog, at salad. Marami rin silang bagong laruan at may mga hindi pa nabubuksan na mga regalo.
Nang sumapit ang alas-singko ng hapon ay nagpaalam na ang magkakaibigan sa mga bata. Habang nakasakay sa van ang magkakaibigan ay ikinuwento ni Bridget ang tunay na dahilan kung bakit malapit ang loob niya sa bahay-ampunan.
“Alam niyo, nais ko silang mapasaya dahil talagang ibang-iba ang buhay natin sa kanila. Maswerte tayo at lumaki tayo kasama ang pamilya natin. E, sila, doon na sila bumuo ng pamilya dahil marami sa kanila ay wala nang ama at ina. Sa tuwing tinititigan ko nga ang iba sa kanila, ramdam ko ang pangungulila nila sa mga magulang nila,” pagpapaliwanag ng dalagita.
Labis namang naunawaan ng kanyang mga kaibigan ang dahilan ng kanyang pagiging malapit sa mga bata sa bahay-ampunan. Napagtanto ng mga ito na tama si Bridget, maswerte sila dahil nakakaluwag sila sa buhay at kumpleto ang kanilang pamilya, samantalang ang iba ay mahirap at walang mga magulang. Nangako naman ang mga ito na sasamahan nila ulit si Bridget sa pagbabalik ng dalagita sa ampunan para muling pasayahin ang mga bata.