Tandang-tanda pa ni Ysabel kung gaano kasakit ang pinagdaanan niya noong isinilang niya ang unang anak nila ni Paolo.
“Bakit ba hindi na lang tayo magtiis sa talbos ng kamote at mahirap na pamumuhay kung buo naman tayo. Kaysa sa ganito na aalis ka, hindi ko kakayanin, Ysabel,” pagsusumamo ni Paolo sa kaniyang misis na limang buwan palang ang nakakalipas ay mag aabroad na ito.
“Hindi makakapag-aral ang bata kapag pagsisibak ng kahoy at pag-iigib lang ng tubig ang aasahan natin. Mga magulang na tayo kaya kailangan mas hilingin natin ay ang mas mataas para sa anak natin. Ayaw ko nang ipadanas pa kay baby ang ganitong buhay, Paolo. Masakit din naman para sa akin ‘to pero kakayanin ko,” sagot naman ni Ysabel sa asawa.
Walang nagawa si Paolo kung ‘di payagan ang kaniyang misis na mag ibang bansa. Namasukan itong kasambahay roon, maswerte na rin dahil mabait ang amo kaya naman naging maayos ang pagsasama nila sa mga unang taon. Hanggang sa lumipas ang ilan pang kontrata at naging tatlo na ang anak nila ay hindi pa rin mapigilan ni Paolo ang kaniyang asawa sa pag-alis.
“Ma, umuwi ka na. May ibang babae nang inuuwi si papa,” wika ni Gilbert, ang panganay na anak ni Ysabel.
“Matagal ko ng alam, anak, wala naman akong magagawa. Wala ako riyan, hindi naman ako nagkulang pero baka mali talaga ako,” malungkot na sagot ni Ysabel sa bata.
“E kaya nga umuwi na po kayo. Para mabuo na tayo, hindi naman natin kailangan ng pera, mas maganda ‘yung buo tayo,” baling ng kaniyang panganay.
“Anak, kung uuwi ako riyan para lang amuhin ang tatay mo ay magdidildil tayo sa asin. Kayo ang magiging kawawa, kaya mas pipiliin ko kayo na mabigyan ng magandang buhay kaysa sa sundin ang puso ko,” paliwanag naman ng babae.
“Ang sabihin niyo ayaw niyo sa amin at kaya niyo kami iniwan dahil mas gusto niyong magbuhay dalaga. Wala kayong kwentang nanay!” bulyaw ni Gilbert at saka ibinagsak ang telepono.
Ayun na yata ang huling tawag na natanggap niya mula sa kaniyang mga anak. Nagkaroon ng ibang asawa si Paolo at mas tumindi ang galit ng kaniyang tatlong supling sa kaniya. Puro lalaki ang mga ito at mas piniling sumama sa kanilang ama kapiling ng bago nitong pamilya.
Wala naman nagawa si Ysabel kung ‘di ang umiyak at mas piniling magpakalunod sa kaniyang trabaho. Umuuwi man siya ng Pilipinas ay walang pakundangang pangtataboy naman ang tanging napapala niya sa kaniyang mga anak. Nag-iisang anak lang kasi si Ysabel ng kaniyang mga magulang na parehas naman nang pumanaw dahil sakit sa puso.
“Hoy, Ysabel, baka naman gusto mong magbigay ng pera sa amin. Wala na akong trabaho at tinamaan na ako ng sakit na diabetis at sakit sa baga,” saad ni Paolo pagkalipas ng mahabang panahon sa kaniya.
“Oo nga, hindi ka pa ba nagsasawa sa pag bubuhay dalaga mo riyan? Magpadala nga ho kayo ng pera sa amin,” wika pa ni Gilbert sa telepono.
“Ilang taon niyo akong pinagtabuyan tapos ngayon tatawagan niyo ako para lang humingi ng pera? Anong akala niyo sa akin, bangko?” baling ni Ysabel sa dalawa.
“Baka nakakalimutan mo, na kaya nasira ang pamilya natin ay dahil sa pagiging ambisyosa mo. Pasalamat ka nga at hindi ka namin hinuhuthutan ng pera dati, kasi malakas pa ako. Pero ngayon na matanda na ako, matanda na tayo at mas may pera ka dapat ikaw ang magbigay,” bulyaw pang muli ni Paolo.
“Tandaan niyo, para sa akin, kayo pa rin ang pinaka walang kwentang nanay dahil mahalaga lang sa inyo ay pera,” dagdag pang muli ni Gilbert na labis na ikinasama ng loob ni Ysabel.
Sobrang sakit na halos labing limang taon niyang hindi narinig ang mga anak, ngunit walang pagbabago sa galit na nararamdaman ng mga ito.
“Kasalanan nga bang maghangad ng magandang buhay para sa pamilya ko?” sa loob-loob ng babae at panay lamang ang agos ng mga luha nito.
Natapos ang eksaktong dalawang dekada, napagpasyahang tumigil na ni Ysabel sa pagtratrabaho at umuwi sa Pilipinas. Agad naman siyang pinuntahan ng mga anak.
“Tignan niyo nga naman, ang ganda ng bahay niyo. Iba pala talaga kapag puro pera ang nasa isip,” bati ni Gilbert sa kaniya.
“Miss na miss ko kayo mga anak, ang lalaki niyo na!” naiiyak na pahayag ni Ysabel sa mga ito.
“Bigyan niyo na lang kami ng pera, ayaw namin sa drama niyo,” mapaklang pahiwatig ni Albert, pangalawang anak niya.
“Wala akong maibibigay na pera sa inyo, dahil ito lamang ang mabibigay ko,” sagot ni Ysabel sabay abot ng susi sa kanilang tatlo.
“Yan ang susi bahay na ito, sa’yo to, Gilbert. At ‘yung dalawang bahay na katabi pa na makikita niyo sa labas ay sa inyo naman ‘yun Albert at Robert. Ayan ang pinundar ko sa buong buhay kong pagtrarabaho, may mga bahay na kayo, mga anak,” wika ng babae at bumagsak ng tuluyan ang kaniyang mga luha.
“Patawarin niyo ako kung mas inuna kong bigyan kayo ng maayos na buhay, pero sana naiintindihan niyo rin ako. Hindi naman ako nagkulang at hindi lang ako ang mali. Sana nakita niyo rin kung paanong basta na lamang isinuko ng tatay niyo ang pagsasama namin,” paliwanag niya sa mga ito.
Hindi nakapagsalita ang tatlo sa kanilang pamamangha. Ilang beses na silang nagpapalipat-lipat ngayon ng bahay dahil sa hindi sila makabayad sa renta. Ang napangasawa naman ng kanilang ama ay iniwan na lamang sila na parang bula noong nagkasakit ang lalaki.
“Ma, sorry…” nakayukong bulong ni Gilbert sa ina.
“Alam kong hindi sapat ang bahay na ‘to para maibalik ko ang lahat ng mga oras na wala ako. Sa mga pagkukulang ko sa inyo, ay kulang pa rin ‘to. Pero sana, gamitin niyo ‘to sa pagtanda niyo at sa mga magiging pamilya niyo. Para kahit papano, mabawasan ang intindihin niyo sa gastos at hindi kayo magaya sa’kin. Patawarin niyo ako mga, anak,” wika ni Ysabel at niyakap niya ang tatlong anak na ngayon ay malalaki na.
Ngayon mas nalinawan ang tatlong magkakapatid na hindi totoo ang iniisip nila sa kanilang nanay na puro pera at sarili lamang ang inisip nito dahil buong buhay niya pala ay nagtratrabaho ito para sa kanila.
Ngayon ay mabilis na napatawad ng magkakapatid ang kanilang nanay at binawi nila ang bawat araw, oras at panahon na nawala sa kanila.