Pinuntahan ng Dalaga ang Lugar Kung Saan Inakalang Binawian ng Buhay ang Ama; Laking Gulat Niya nang Makita Itong Buhay at May Iba Nang Pamilya

“Mahal! Mga anak! Sa wakas na-approve na ang US visa ko! Pwede na akong makapagtrabaho sa America!” Masayang balita ni Mang Edgar sa kaniyang pamilya pagkadating nito sa kanilang bahay.

Agad namang nagsilapitan ang kaniyang mga anak at asawa na nakisabay sa kasiyahan niya.

“Yehey! Makakapagtrabaho na sa America ang tatay niyo!” masayang tugon ng kaniyang asawa.

Lahat ay masaya at sobrang nagagalak sa balitang dala ng kanilang ama. Ngunit sa kabila ng kasiyahang nadarama ay hindi maiwasang malungkot ni Ella. Siya kasi ang pinakamalapit sa kanilang ama at sigurado siyang sobrang mami-miss niya ito kapag umalis na ito ng bansa para magtrabaho sa America.

“Oh anak, palagi kang magpapakabait sa nanay mo at sa mga kuya mo ha? ‘Wag kang pasaway,” pangatlong beses nang paalala ni Mang Edgar sa anak na si Ella.

“Opo ‘tay,” malungkot na tugon nito sa ama. Hinaplos niya ang mukha ng anak.

“’Wag ka nang malungkot, anak. ‘Wag kang mag-alala, ‘pag naging maayos na lahat ng papeles ko dun sa America ‘pag may trabaho na ako, i-pepetition ko kayo,” nakangiti niyang sabi sa anak.

“Ano po ba ang petition Tay?” tanong ng anak niya sa kaniya.  

Advertisement

“Uhm ano, eh ‘yong hihingi ka ng permiso sa gobyerno nila para payagan kayong lahat na manirahan doon kasama ako. Yun ang pangarap ko para sa ating lahat. Yun ang pangarap ko para sa pamilya natin. Ang manirahan sa America at maging masagana ang buhay natin,” puno ng pangarap na saad niya.

Hindi man maintindihan ng batang isipan ni Ella kung ano nga ba ang mayroon sa America at ganun na lamang ang kagustuhan ng ama na doon sila manirahan balang araw ay masaya na rin siya para rito at sa pamilya nila. Siguro nga ay magandang lugar iyon dahil sobrang saya ng kaniyang ama nang malaman na makakapunta na ito doon para makapagtrabaho.

“Oh anak, alagaan mo ang ibon na ito ha,” habilin kay Ella ng tatay niya.

“Alagaan mo ‘yan at siguradong mapapamahal sa’yo yan. Alagaan mo nang mabuti at kahit pakawalan mo ay babalik at babalik sa’yo ‘yan. Gaya ng pagmamahal ko sa inyo ng nanay at mga kapatid mo. Kahit saan man ako mapunta, babalik at babalik ako sa inyo. Pangako ‘yan. Dahil ‘pag mahal ka, babalikan ka.” Masayang niyakap ni Ella nang mahigpit ang ama.

“Talaga po, pangako?” paninigurado niya pa sa pangakong iniwan ng ama.

“Pangako,” hinalikan ni Mang Edgar ang noo ng anak at binigyan ito ng isang matamis na ngiti.

“’Pag mahal ka, babalikan ka,” mahinang bulong ni ella sa kaniyang sarili.

Dumaan ang ilang araw at tuluyan na ngang umalis ng bansa si Mang Edgar at tuluyan ng nagpunta sa America. Tinupad naman ni Ella ang pangako sa ama na magpapakabait sa ina at sa mga kapatid.

Advertisement

Ilang buwan ang lumipas at panay ang padala sa kanila ng ama ng mga iba’t ibang gamit galing sa America. Guminhawa rin ang buhay nila sa Pilipinas dahil sa buwan-buwan din itong nagpapadala ng ilang dolyar para sa kanila.

Ngunit makaraan ang mahigit isang taon ay bigla na lamang hindi nagparamdam ang kanilang ama sa kanila. Halos mabaliw silang lahat sa kakaisip sa kalagayaan nito sa America. Kung maayos lang ba ito o kung may nangyari na ba sa kaniya. Wala silang ideya.

Ilang taon na ang lumipas ngunit wala pa rin silang balita sa ama. Inakala na lang ng lahat na baka nilisan na nito ang ating mundo at sadyang wala lang makapaghatid ng balita sa kanila dahil doon ito binawian ng buhay sa banyagang bansa.

Ilang taon man ang lumipas ay hindi pa rin maiwasang umasa ni Ella na babalik pa rin ang ama niya sa kanila. Hanggang sa araw na iyon ay pinanghahawakan niya pa rin ang pangako nito na babalikan sila.

Nakapagtapos na si Ella at nagtratrabaho na sa isang malaking kompanya. At sa ‘di inaasahang pagkakataon ay siya ang napiling ipadala sa America para sa isa nilang proyekto.

Sobrang saya ng dalaga na kulang na lang ay magtatatalon siya sa saya. Sa wakas, makakapunta na siya ng Amerika! Pagkatapos ng trabaho niya ay hahanapin niya ang ama. Kung ano man ang dahilan nito sa hindi pagbalik agad ay tatanggapin niya, makasama lang nilang muli ito.

Pagkarating ng Amerika ay sinimulan niya agad ang kaniyang trabaho. Pagkatapos ng dalawang araw ay natapos niya rin agad ang proyektong pinahawakan sa kaniya kaya naman mayroon pa siyang oras upang magliwaliw sa paligid upang hanaping ang kaniyang mahal na ama.

Habang naglilibot-libot sa mga address ng mga postcards na naipadala ng ama noon ay may napansin siyang pamilyar na mukha ng isang babae. Sinundan niya ito hanggang sa makarating sila sa isang apartment. Kilala niya ito! Isa ito sa mga katrabaho ng kaniyang ama!

Advertisement

Lalapitan niya na sana ang ginang ng biglang lumabas ang isang batang lalaki at kasunod naman nito ang kaniyang nakangiting ama. Nanigas siya sa kaniyang kinatatayuan.

Hindi siya makapaniwala sa kaniyang nakita. Para siyang sinaksak ng ilang ulit sa sobrang sakit na nararamdaman niya sa mga oras na iyon. Mabilis na nagpaunahan ang kaniyang mga luha sa kaniyang pisngi. Paano nagawa ito ng kanilang ama sa kanila?!

Sobrang hindi niya inaasahan ang kaniyang natuklasan ngunit pinilit niya na lamang na umalis nang tahimik. Kahit anong galit man ang nararamdaman niya para rito ay pinili niya na lamang manahimik. Ayaw niya nang masaktan ang ina’t mga kapatid niya. Tama na na siya lang ang nakakaalam ng kataksilan at pag-aabandona sa kanila ng kanilang ama.

Bumalik siya sa Pilipinas nang mabigat ang dibdib. Ngunit hindi siya nagpahalata sa ina at mga kapatid. Umarte siyang parang walang nagbago sa kaniya.

Lumipas pa ang dalawang taon at araw ng kasal ni Ella. Dahil sa ginawa ng ama ay inakala ng dalaga na hindi niya magagawang umibig pa. Ngunit nakilala niya si Stephen. Pinatunayan nito sa kaniya ang wagas na pag-ibig nito para sa kaniya. Natatakot man ay handa siyang sumugal para sa lalaking iniibig. Dalangin niya na lamang na sana ay hindi katulad ng kaniyang ama ang binata.

Laking gulat ni Ella ng pagpasok niya sa simbahan ay naroon ang kaniyang ama. Hinanap ng kaniyang mga mata ang kaniyang ina at mga kapatid ngunit laking gulat niya ng makita ang mga ito sa kani-kanilang mga pwesto na para bang walang mali.

Tumugtog na ang musika at nagsisimula na ang seremonya ng kasal. Kinuha ng kaniyang ama ang kaniyang kamay at inilagay ito sa braso nito. Gulat na gulat at nalilito pa rin siya sa mga nangyayari nang bigla nalang nagsalita ang kaniyang ama.

“Pasensiya na kung natagalan ang pagbabalik ko, anak. May kinailangan kasi akong bayarang utang na loob. Alam kong nagpunta ka sa America dalawang taon na ang nakalilipas. Nakita ka ni Margaret at ipinagtapat niya lamang iyon noong nakaraang buwan. Alam kong hindi sapat ang salitang patawad sa ginawa kong pag-aabandona sa inyo pero maniwala ka sana, anak, na walang araw na hindi ko kayo naaalala ng iyong ina at mga kapatid. Nakapagpaliwanag na rin ako sa kanilang lahat. Sana, gaya nila, ay mapatawad mo rin ako, anak,” hindi alam ng dalaga pero ng mga oras na ‘yon ay bigla na lamang natunaw lahat ng suklam at galit na nararamdaman niya sa ama.

Advertisement

“B-bakit ka bumalik?” tanong niya sa ama habang nakatitig sa mga mata nito.

“Dahil mahal kita. Dahil mahal ko kayo,” sagot ng kaniyang ama, “Kasi…”

“Pag mahal ka, babalikan ka,” dugtong ng dalaga habang tumutulo ang mga luha niya sa kaniyang mga mata. Niyakap ni Ella ang ama at nagpatuloy silang magmartsa papunta sa altar kung saan magaganap ang pag-iisang dibdib nila ni Stephen.

Napag-alaman niyang nakulong pala sa salang hindi niya nagawa ang kaniyang ama at ang babaeng kaniyang nakita ang tumulong dito. Malaking pera rin ang kinailangan niyang bayaran sa babae kaya natagalan bago niya nabayaran ito, at nang pauwi na sana sa bansa ang ama ay siya namang naaksidente ito at pansamantalang nawalan ng alaala.

Gustuhin man ni Mang Edgar na balikan agad ang pamilya sa Pilipinas nang muli silang maalala ay hindi niya nagawa dahil alam niya ang bigat ng kaniyang kasalanan sa kanila. Pero nang malaman niyang pinuntahan siya ng bunsong anak ay umasa siya na baka mapatawad pa siya ng mga ito.

Hindi naman siya nagkamali dahil agad din siyang pinatawad ng kaniyang pamilya. Ngayon ay masaya na ulit silang magkakasama at nagmamahalan. Hindi man natupad ang pangarap ni Mang Edgar para sa kaniyang pamilya na manirahan sa Amerika, ang importante ay masaya silang lahat at magkakasama.