Galit ang Anak sa Inang OFW Dahil sa Paninira ng mga Kamag-anak; Magkaayos pa Kaya Sila?

Galit ang Anak sa Inang OFW Dahil sa Paninira ng mga Kamag-anak; Magkaayos pa Kaya Sila?

FamilyHeartbreakingStories

“Sabihin mo kaliit-liit ng pinapadala niya, aba baka gusto niya kamong dagdagan!” bulyaw ng Lola Linda niya sa likuran niya.

Kausap niya ngayon sa videocall ang inang nasa ibang bansa. Nadagdagan lalo ang inis ng dalagang si Michi nang marinig pa ang walang katapusang reklamo ng lola.

“Sige, ‘wag ka na mag-alala anak, maaga ako magpapadala ng pang-tuition mo, at saka yung kailangan mo na bagong cellphone daw?” nakangiting sabi ng inang si Yolie.

“Ayan na naman! ‘Wag na nga kayo magsabi kung ‘di niyo naman ipapadala!” iyon lang at pabalang na binaba na ni Michi ang tawag.

Galit siya sa mama niya. Paano ay pakiramdam niya ay pinababayaan na siya nito. Nakikita niya ang mga pinopost nito sa Facebook na kung saan-saan nakakapunta, pero ang padala sa kanila ay kulang na kulang sa kanila. Kasama niya kasi sa bahay ang lola at lolo niya, gayundin ang kapatid ng mama niya na panay rin ang asa sa kanila. Kaya nga siya na lang mismo ang ume-extra-extra para sa sarili niyang allowance. Pero mas kinasama ng loob niya nang hindi makapagpadala sa kaniya ng pang-tuition ang ina nung isang linggo, at hindi rin ito tumawag upang magpasabi. Ngayon ay tatawag ito na para bang wala itong pagkukulang.

“Ano, kailan daw magpapadala si Ate?” narinig niyang tanong ni Tiya Rosan niya. Bitbit nito ang panglimang anak sa asawang adik. Hindi na lang sumagot si Michi dahil sa sama ng loob.

“Pasarap siya doon ‘no! Akala mo talaga walang pamilyang naiwan dito eh. Kung ako sa’yo Michi pagsasalitaan ko talaga ‘yan, narinig ko nga may ibang pamilya na,” sulsol pa sa kaniya ng tiyahin.

“Naku ano pa! Eto nga’t wala na rin akong pambayad utang, natalo pa kanina,” dagdag reklamo ni Lola Linda.

Ganun panay ang eksena sa kanila, kaya mas pinipili ni Michi na ibuhos ang atensyon sa pag-aaral. Kung hindi siya kayang suportahan ng ina, siya na ang mag-aahon sa sarili. Wala rin naman siyang aasahan sa sugarol na lola, at pala-utang na tiyahin. Pero nasaktan siya sa narinig na baka may bagong pamilya na doon ang ina.

Nagulat naman si Michi nang isang linggo lang ang makalipas ay pinadalhan nga siya ng ina ng cellphone. Iyon nga lang, wala raw pang-tuition na kasama ayon sa Lola Linda niya na siyang humahawak ng pera. Mas lalong pang naghinanakit ang dalaga nang makalipas ang halos isang buwan ay hindi na tumatawag ang ina. Hindi niya mapigilang mag-alala, ngunit napawi rin agad yun dahil sa mga naririnig niya sa paligid. Ani Tiya Rosan niya ay madamot daw talaga ang ina, baka ayaw tumawag kasi ayaw malagasan.

Nang araw na iyon, natataranta na talaga si Michi dahil bayaran na sa eskwela. Walang magawa ay nagtangka siyang lumabas ng bahay upang mangutang sana kahit hiyang-hiya siya. Nang pagbukas niya ng pinto, natulos siya sa kinatatayuan nang makaharap ang inang matagal hindi nagparamdam.

“Anak!” tuwang-tuwang sabi ni Yolie sabay yakap kay Michi. Nagulat ito nang biglang itulak ng dalaga.

Doon na sumabog ang lahat ng hinanakit ni Michi sa ina.

“Oh, bakit, bumalik ka pa? Akala ko nakalimutan mo nang may pamilya ka dito eh! Ni hindi ka man lang nagparamdam ma! Hindi ka rin nagpadala kahit isang kusing para sa tuition ko! Ano ‘to surprise? Dapat ba matuwa ako?!” iyon lang at tuloy-tuloy na lumabas ng bahay ang dalaga.

Dahil sa sigawan ay dumating ang sina Mang Edo at Lola Linda, kapwa ‘di alam ang gagawin ng makita ang anak na galing sa abroad.

Pansamantala munang pinatuloy ng kaibigan nito si Michi. Araw-araw ay pinupuntahan ito ni Yolie doon ngunit ayaw makipag-usap ng anak. Hanggang isang araw ay hindi inaasahang bisita ang sumadya kay Michi.

“Michi, hindi mama mo ang nasa labas kundi ang lolo mo,” sabi ng kaibigang si Jelay. Napilitang makipag-usap si Michi dahil kilala niya ang lolo na tahimik na tao lang at hindi mahilig makialam sa kahit ano.

“Oh Michi, nakakakain ka ba ng maayos d’yan?” halos maluha si Michi dahil sa unang tanong ng matanda.

“Alam mong hindi ako masalitang tao, ngunit ngayon ay dapat marinig mo ang totoo. Walang ginawa ang ina mo kundi magtrabaho para sa’yo. Hindi totoong nagkapamilya siya doon. Lahat ng litrato niya ay dahil lang madalas siya isama ng amo sa trabaho. Natuklasan ko rin na regular na malaking halaga ang pinapadala ng iyong ina, patawarin mo ako apo, pero ang lola mo.. ang matandang iyon ang salarin. Nagkaroon pala ng malaking talo sa sugal kaya’t nagawang ipitin ang pera buwan-buwan. Minsan ay nanghihingi pa kay Yolie at dinadahilan ka. Nahihiya ako sa inyo apo, sana ay pakinggan mo ako at puntahan mo na ang iyong mama. Binenta niya pa daw ang sariling telepono para maibili ka ng bago, kaya’t ‘di siya makatawag.”

Labis na naluha si Michi sa isiniwalat ng lolo. Imbes na mainit na yakap ay masasakit na salita ang ibinungad niya sa inang nagsakripisyo sa kaniya. Nang araw din na iyon ay bumalik siya sa bahay at humingi ng tawad sa ina. At bilang isang ina, buong puso nitong niyakap at tinanggap ang anak. Hiyang-hiya si Michi sa panghuhusgang ginawa sa ina kaya’t mas nagsikap pa siyang mag-aral para rito. Natutunan ng mag-ina na maayos na makipag-usap sa isa’t isa upang maiwasan ang samaan ng loob.

Simula noon ay naging matalino na si Yolie sa pera. Pinatawad niya ang ina at kapatid sa mga paninira ng mga ito. Patuloy pa rin ang suporta niya sa mga ito ngunit hindi na pinagkatiwala rito ang mga padala. Sa huli, mahalagang bukas ang puso at palad natin sa ating pamilya, ngunit hindi din naman pagmamadamot ang paglalagay ng limitasyon kung kinakailangan.

More Stories