Kilalang Komedyante ang Lalaking Ito sa Kanilang Barangay, Ngunit Nabigla ang Lahat Nang Magtangka Itong Tapusin ang Sariling Buhay; Bakit Kaya?

“Ano’ng sabi ng ulan sa anak niyang ulan?” birong tanong ni Lito sa mga naroon sa tindahan.

“Ano?” halos sabay-sabay na tanong ng mga ito.

“Sabi niya, anak.. ambon ka lang!” sinundan ito ng malulutong na halakhak ng lahat ng nakarinig.

Pati ang nakasamangot na tinderang si Aling Tinay ay napatawa na rin tuloy at nagsabing, “naku! Ikaw talaga, Lito, napakakomedyante mo! Buti ka pa lagi masaya, parang ‘di ka nauubusan ng katatawanan sa buhay eh,” pabirong sabi rin ng ale.

“Siyempre naman, Aling Tinay! Dapat sa buhay happy lang!” nakabungisngis pa na dagdag ng bente dos anyos na lalaki. Sakto namang tinawag ito ng nakababata nitong kapatid na si Nilo.

“Kuya bilisan mo, uwi na raw. Nandyan na si papa,” pagmamadali sa kaniya nito. Biglang nabura ang ngiti sa mga labi ng binata nang marinig na nakauwi na pala mula sa trabaho ang ama. Isa itong sundalo kaya madalang lang makauwi sa kanila. Kapag nasa bahay naman ito ay laging lasing at madalas silang pagbuhatan ng kamay. Kapares ng hapong iyon na pag-uwi pa lang ni Lito ay natabingi ang panga niya sa lakas ng sampal sa kaniya ng lasing na amang si Armando.

“Rinig na rinig ko yang bungisngis mo doon sa tindahan, hindi ka na nahiya! Ano? Tambay ka na lang? Kung nag-aaral ka para makapasok ka sa pagsusundalo e ‘di sana natuwa pa ako sa’yo! Teatro-teatro ka pa, ano ka b*kla?!” dagundong sa buong bahay ang boses nito. Nanginginig ang nagdurugong labi ni Lito habang nakayuko lang sa harap ng ama. Kahit gusto niyang sumagot ay itinikom niya ang bibig dahil alam niyang mas lalo lang siyang makakatikim dito.

Pinipilit ng ama niya na sumunod siya sa yapak nito bilang sundalo, ngunit ang gusto niya talagang propesyon ay pagte-teatro. Para matuwa ang ama, sinunod niya ang gusto nito, ngunit sa malas ay hindi rin siya makapasa-pasa. Masyadong mahirap para sa kaniya ang mga pisikal na training, at wala rin talaga sa puso niya ang ginagawa. Kaya ngayon, unang taon niya sa kolehiyo bilang isang theater student. Ngunit simula noon, mas lalong tumindi ang pang-iinsulto ng ama sa kaniya.

Advertisement

Ilang masasakit na dagok at salita pa ang ininda niya bago makapasok sa kwarto. Sinundan siya ng inang labis na nag-aalala at tahimik na ginamot ang kaniyang sugat. Alam niyang wala rin itong magagawa dahil batas sa bahay nila ang salita ng kaniyang papa.

Mas lumala ang pangyayari sa mga sumunod na araw. Nagsimula iyon sa pagka-demote sa papa niya. Masama ang loob nito kaya nagpasyang mag-leave muna at tumigil sa bahay. Araw-araw tuloy na iniinda ni Lito lahat ng pananakit nito. Kahit madalas pa ring nagpapatawa ang binata sa labas, mapapansin ang malamlam na ilaw sa mga mata nito. Walang nakakaalam na dumaraan na pala ito sa matinding depresyon.

Hanggang isang araw, umabot sa puntong hindi na nakapagtiis si Lito at napagtaasan ng boses ang ama.

“Pasensiya na, ‘pa! Pasensya na na ako ang naging anak niyo! Pasensiya na dahil hindi ko mabigay ang gusto niyo! Hindi ko kayang maging isang sundalong katulad mo!”

Nauwi iyon sa rambol, halos buong barangay ay nakarinig at nakasaksi ng mga pangyayari.

“Lumayas ka ditong inutil ka! ‘Pag ako bumalik at narito ka pa, ako mismo ang magtatapon sa’yo palabas!” galit na sabi ni Armando sabay labas at balibag ng pinto.

Si Lito ay puno ng pasa at sugat, blangko ang ekspresyong pumunta sa kaniyang kwarto at nag-lock ng pinto. Tulad ng dati ay hinayaan lang din ito ng umiiyak na ina at mga kapatid. Alam nilang wala silang magagawa pa.

Malalim na ang gabi nang bumalik si Armando sa bahay. Agad dumagundong ang boses nito na hinahanap kung nakaalis na ba si Lito sa bahay.

Advertisement

“K-kanina pa nga hindi lumalabas sa kwarto niya—“ naputol ang sinasabi nito nang dire-diretsong pinagsisipa ni Armando ang pinto ng kwarto ni Lito. Nang bumigay ang kahoy, napatigil si Armando nang harap-harapang makita ang anak na nakahandusay sa sahig at bumubula ang bibig. Ang histerikal na sigaw na lang ng ina at iyakan ng mga kapatid ang sumunod na narinig sa bahay.

Nagising ang mga kapitbahay nang dumating ang ambulansya at isugod sa ospital ang kawawang binata.

“Si Lito daw nagtangkang–?” bulung-bulungan ng mga tao.

“Hindi mo rin talaga masasabi sa tao, ano? Kung sino pa ‘yong masayahin, sila talaga yung malalim ang lungkot na nararamdaman. Kawawang bata,” nailing na sabi ni Aling Tinay sa mga nakikiusyoso sa harap ng kaniyang tindahan.

Walang salitang lumabas sa bibig ni Armando mula nang buhatin nito ang naghihingalong anak, hanggang sa paghihintay sa sasabihin ng doktor. Ligtas na sa panganib si Lito mula sa ininom na lason, ngayon ay kailangan pa nitong sumailalim sa mga therapy. Tahimik lamang na naghihintay sa labas ng kwarto araw-araw si Armando, naghahatid ng pagkain sa maybahay at mga kapatid. Tila ba natauhan ang matipunong sundalo sa nangyari. Dito nito napagtanto kung gaano siya naging marahas sa pamilya, lalo na kay Lito. Hiyang-hiya siyang magpakita muli sa panganay na anak dahil siya ang naging dahilan ng pagpapasya nitong wakasan ang buhay.

Makalipas ang ilang buwan, napilitang humarap si Armando kay Lito dahil sa pakiusap mismo ng binata.

“Pa…” hindi makatingin ng diretso ang ama sa nangayayat na anak.

“Alam ko na po ngayon na mali ang ginawa ko. Patawarin mo po sana ako sa kahinaan ko. Lagi na lang akong tumatakbo sa problema. Alam kong sobrang kinahihiya mo na ako… sana mapatawad mo ‘ko,” lumuluhang sabi ni Lito sa amang nakayuko lang.

Advertisement

Hindi na rin napigilan ni Armando ang pagluha, at niyakap ng mahigpit ang anak. Ito ang unang pagkakataon na naipakita niya ang kahinaan niya sa pamilya. Ngunit ngayon alam na niya ang mga pagkukulang niya. Walang nasabi ang matapang na sundalo sa anak, sa halip, ipinakita nito sa kilos na totoong nagsisisi na ito sa nangyari.

Sinikap ni Armando na maging mas mahinahon sa pamilya. Pinili rin nitong suportahan ang gusto ni Lito, dahil napagtanto nitong ang buhay at kaligtasan pala ng pamilya ang pinakamahalaga sa lahat. Naging mas malapit ang loob nila sa isa’t isa at tunay na naramdaman ni Lito muli ang kasiyahan. Masaya siya na ngayon, hindi lang iyon isang pagkukunwari, kung hindi isang tunay na ngiti sa kaniyang puso.