Sinalo ng Anak sa Labas Lahat ng Responsibilidad at Gawain Para sa mga Kapatid; Masuklian Kaya Siya ng Pagtanggap?

Sinalo ng Anak sa Labas Lahat ng Responsibilidad at Gawain Para sa mga Kapatid; Masuklian Kaya Siya ng Pagtanggap?

FamilyInspiringStories

“Liesel, ‘yong sinampay pa sa labas! Pakuha nga, susuotin ko ‘yon bukas eh.”

“Ate Liesel, si Browny ha, baka makalimutan mong ipasok sa kulungan niya.”

“Barado na naman ang banyo, Liesel!”

Sunod-sunod ang utos ng mga kapatid kay Liesel kaya’t tarantang-taranta siya kung ano ang uunahin. Biglang buhos ang malakas na ulan kaya’t nang matapos sa mga gawain ay basang-basa na siya.

“Ano ba ‘yan, Liesel! Hindi mo na naman pinaayos itong sira sa tubo sa banyo! Paano mo ngayon aayusin ‘yan?!” naiiritang sabi ng panganay na si Janice.

“Ah ate, bukas din tatawagan ko ‘yong mag-aayos—“

“Huwag mo sabihin, gawin mo na lang!” masungit na tumalikod na ito. Gustong sipain ni Liesel ang sarili dahil nakalimutan niyang pinapagawa nga pala iyon ng Ate Janice niya. Ito pa naman sa tatlo niyang kapatid ang pinakamalayo ang loob sa kaniya. Anak kasi siya sa labas, pare-pareho sila ng ama ngunit ang tatlo ay iisa ang ina. Habang ang ina naman ni Liesel ang ‘kabit’. Bata pa lang siya ay pumanaw na ang ina niya kaya’t ipinakilala siya ng ama sa mga ito. Naging mabait naman ang ina ng mga ito sa kaniya, ngunit pumanaw ang ama at ang stepmother niya sa isang aksidente tatlong taon na ang nakalipas. Ngayong sila-sila na lang magkakapatid ang natira ay tila ba lalong lumalim ang pagitan sa kanilang apat.

“Liesel, paki-hanger na lang yung damit sa kwarto ko ah,” sabi naman ni Irene habang busy ito sa pagtipa sa cellphone nito.

“Ah, opo, sige ‘te,” sabi ni Liesel sabay ngiti kay Irene. Ito naman ang kasunod na matanda kay Janice. Disente naman siya kung itrato nito, pero tila hindi pa rin siya tanggap bilang kapatid.

“Ate Liesel! Naku, magpalit ka na po muna ng damit, baka po magkasakit ka,” nag-aalala namang sabi ni Nia nang makita siyang basa. Ito ang pinakabata sa kanilang lahat, at siya rin pinakamalapit sa kaniya. Sa tatlong half-sister niya ay ito talaga ang nagparamdam na tanggap na tanggap siya nito bilang kapatid.

Ngayon ay malas na walang trabaho si Irene dahil nag-resign ito, habang wala namang raket si Janice, na isang modelo, kaya’t kay Liesel lahat bagsak ang lahat ng responsibilidad. Sanay naman na siyang laging inaasahan ng mga kapatid, ngunit ngayon hirap na hirap siyang pagsabay-sabayin ang tatlo niyang part-time.

Nang gabing iyon ay pagod na pagod si Liesel, kaya’t pag-uwi sa trabaho ay diretso sa kama. Nakahiga na siya nang matanggap ang text ni Janice na nagpapasundo sa babaan ng bus. Balak niyang sunduin ito ngunit dahil sa pagod ay ginupo na siya ng antok.

Isang malakas na sigaw ang nagpabalikwas sa kaniya ng bangon.

“Liesel! Liesel!”

Natataranta si Irene at Nia dahil nakatanggap sila ng tawag na nasa ospital daw si Janice ngayon matapos madukutan, at muntik pang mapagsamantalahan. Mabuti na lang ay nakatakbo ito ngunit nasagi naman ng tumatakbong kotse. Alalang-alala ang magkakapatid nang abutang natutulog sa ospital ang panganay na kapatid.

“Kung sinundo mo sana siya hindi ‘to mangyayari, Liesel! Para ‘yon lang ‘di mo pa nagawa?!” galit na galit na paninisi ni Irene kay Liesel. Walang masabing dahilan ang dalaga at kada masakit na salita ay tila mas lalo siyang nagu-guilty sa mga nangyari.

Sa sumunod na mga araw ay hiyang-hiya magpakita si Liesel sa ospital, bagkus ay kumayod siya na parang kalabaw upang masalo lahat ng bayarin sa ospital. Sandamakmak na raket ang pinasok niya kaya halos dalawang oras lamang siya nakakatulog araw-araw. Iniwasan niya ring umuwi sa kanila dahil natatakot siyang harapin ang mga kapatid.

Nagulat siya nang isang araw ay makatanggap ng tawag mula sa Ate Janice niya.

“Liesel, umuwi ka na. Wala pang ulam, ikaw ang magluluto ngayon,” iyon lang ang narinig niya sa kabilang linya ngunit sapat na iyon upang muli siyang maluha. Alalang-alala siya para sa ate niya ngunit ngayong narinig niya ang taray nitong tinig ay tila nakahinga siya ng maluwag.

Pag-uwi niya sa kanilang bahay ay nagulat siya dahil nakaupo na sa lamesa ang tatlo, handa na rin ang hapag. Nakayuko lang siya at ‘di magawang lumapit sa mga ito.

“S-sorry Ate Janice.. k-kung sinundo sana kita nung gabing iyon.. kung, kung gusto niyo na po akong umalis–” hindi na makapagsalita ang dalaga sa tindi ng pagsisising nararamdaman. Naiisip niyang tuluyan na siyang kamumuhian ng mga natitira niyang pamilya. Nagulat siya nang maramdamang may yumakap sa kaniya. Akala niya ay si Nia iyon ngunit di siya makapaniwala nang makita si Ate Janice iyon.

“Shh, ‘di mo iyon kasalanan Liesel. Salamat sa lahat ng sakripisyo mo para makabayad sa ospital. Napag-isip-isip kong ako ang panganay ngunit halos sa’yo kami lahat nakadepende. Sorry rin.” Yumakap na din sa kanila si Irene.

“Patawarin mo ko, Liesel, sa masasakit na salitang nabitawan ko. Gusto kong malaman mo na kahit iba tayo ng ina, itinuturing ka naming na tunay na kapatid namin. Salamat dahil wala kang ginawa kung hindi suportahan kami, sana makabawi rin ako sa’yo,” naluluhang sabi ni Irene.

“Sali naman ako diyan!” iyak-tawang sabi ni Nia atsaka sumalo sa yakapan nila. Tuluyang nalusaw ang lahat ng bigat na dala-dala ni Liesel dahil sa init ng yakap at mga salita ng mga kapatid.

Purong saya ang nararamdaman niya ngayong nakikita niya ang lubos na pagtanggap na araw-araw niyang ipinanalangin sa Diyos. Ngayon, nais niyang mas lalong suportahan at puspusan ng pagmamahal ang mga ito, hindi na upang matanggap, kung hindi dahil ito ang pamilya niyang tiyak niyang gagawa rin sa kaniya ang mga bagay na iyon.

More Stories