Tinulungan ng Dalaga ang Matandang ‘Di Makabayad sa Utang Dahil Sa Kagipitan; Nang Siya ay Yumaman ay Ito ang Naging Sukli Niya sa Dalaga

“Mang Domeng,” tawag ni Lysa sa matandang kapitbahay.

“Mang Domeng, pasensiya na po kayo ha. Pero pinapunta kasi ako dito ni Tiya Marilyn. E, ‘yung utang nyo daw pong isang libo, kailan niyo raw po mababayaran kasi tatlong araw na po iyon? Sabi niyo daw po ay ibabalik niyo agad,” malumanay na wika ng dalaga. 

Bumuntong hininga si Mang Domeng.

“Pasensiya ka na, Lysa. Pakisabi sa tiya mo ay hindi ko pa maibabalik ang inutang ko. Kasi kailangan kong bumili ng gamot. Panay kasi ang ulan kaya hindi ako makapagkalakal. Ang kaunting perang naipon ko ay ginamit ko pa sa pagbili ng gamot dahil sumasakit itong tuhod ko. Pakisabi kapag tumila na ang ulan at ayos na ang pakiramdam ko ay agad akong magbabayad,” pakiusap ng matanda. 

“Ganoon po ba? Sige po, Mang Domeng. Ako na po ang bahala,” sambit ni Lysa.

Mag-isa lamang naninirahan sa kaniyang barung-barong si Mang Domeng. Matagal na itong balo at wala itong anak. Kahit na may edad na ay kailangan pa rin niyang magbanat ng buto upang mabuhay. Lalo pa at may iniinda na itong rayuma. Mas hirap na itong kumilos. 

Kaya hindi maiwasan ni Mang Domeng na mangutang paminsan-minsan lalo na kung hindi siya makapangalakal. Kailangan kasi niyang makabili ng gamot at makakain. Madalas ay kulang pa ang kinikita nito sa lahat ng kaniyang bayarin. Pagkatapos makapagbayad ang nangyayari ay uutang na naman ulit siya kinabukasan.

Kaya ganoon na lamang ang inis ni Aling Marilyn sa matanda.

Advertisement

“Ano, Lysa? Nasingil mo ba ang matandang ‘yon? Hindi ko alam kasi kung bakit pinautang-utang ko pa siya, e. Ako na nga ang naawa, siya pa ang ayaw magbayad! Hindi na talaga makakaulit ‘yang matandang ‘yan sa akin!” nayayamot na sigaw ni Aling Marilyn.

“Tiya, hindi raw niya maibibigay ng buo ang ang kaniyang inutang pero maghuhulog naman daw po si Mang Domeng. E, kailangan lang daw po niya talagang bumili ng gamot. Kawawa nga siya tiya kasi namamaga ang kaniyang tuhod at hindi siya makalakad,” pahayag ng dalaga. 

“Wala akong pakialam sa nararamdaman ng matandang ‘yan Nangutang siya sa akin at kailangang magbayad siya dahil kailangan ko na ang perang iyon!” sigaw na naman ng ginang.

“Sabi mo ay naghulog siya? Magkano ang hinulog niya?” dagdag pa ng tiya.

“Isang daan po, tiya. Ito raw po muna kung maaari,” saad ng dalaga sabay abot ng pera sa tiyahin. 

Agad naman itong kinuha ng ginang. “Sabihin mo sa kaniya na tubo pa lamang ito ng utang niya. Sa susunod ay ibinay na niya sa akin ang kabuuan!” saad pa ni Aling Marilyn.

Nang tumila ang ulan at nawala na ng bahagya ang panankit ng tuhod ng matanda ay agad siyang nangalakal para mayroong kitaing pera. Ngunit kahit suyurin niya ang buong lugar at hindi niya indahin ang init ng panahon ay kulang pa rin ang maiuuwi niyang pera pambayad sa kaniyang utang kay Aling Marilyn.

“Lysa, pasensiya ka at itong isang singkwenta lamang ang maibibigay ko sa’yo ngayon. Pakisabi sa tiya mo na ito na lahat ng kinita ko sa buong araw,” nahihiyang sambit ng matanda. 

Advertisement

“H’wag na po kayong mag-abala, Mang Domeng. Ibili niyo na lamang po ng pagkain ang perang iyan. Ako na po ang bahala sa tiyahin ko,” saad ng dalaga.

Pag-uwi ni Lysa ay agad niyang inabutan ang kaniyang tiya ng tatlong daang piso.

“Ito po ang hulog muli ni Mang Domeng, tiya. Hindi pa niya mabuo raw ang utang niya sapagkat kakalabas lamang daw niya para mangalakal,” pagtatakip ng dalaga. 

Padabog itong kinuha ng tiyahin.

Kinaukasan ay muling pinuntahan ng dalaga ang matanda hindi para singilin ung hindi upang dalhan ng pagkain.

“Nakakahiya naman sa iyo, Lysa. Alam kong kaya hindi ako sinisingil ng tiyahin mo ay binabayaran mo ang pagkakautang ko,” nakayukong sambit ng matanda.

“Ngayon naman at heto, dinalhan mo pa ako ng pagakin. Napakabuti mong bata. Sana isang araw ay maibalik ko rin sa’yo ang iyong kabutihan,” dagdag pa ni Mang Domeng.

“Wala po ‘yun, Mang Domeng. Kinikita ko naman po ang perang iyon sa paniningil ko rin po ng pautang ni Tiya Marilyn kaya wala pong problema,” nakangiting tugon ng dalaga. 

Advertisement

“Kapag nagkapera ako, hinding-hindi kita makakalimutan. Tumaya nga pala ako sa lotto, sa totoo lamang ay nanghihinayang ako pero nangako ako sa sarili ko na kahit ano man ang mangyari sa taya kong ito ay hindi na ako muling tataya pa. Nanghihinayang din kasi ako sa pera. Saka parang suntok sa buwan ang manalo sa lotto.” saad ni Mang Domeng sa dalaga.

Sa kasamaang palad ay nalaman ni Aling Marilyn ang ginagawa ng kaniyang pamangkin na pagtatakip sa matanda. Lalo na ang pagbabayad nito ng utang ni Mang Domeng. Lubusan ang galit ng tiyahin sa dalaga. 

“Tiya, kawawa naman po ang matandang iyon. Wala na nga siyang makain ay ginigipit niyo pa! Pera ko naman po iyon kaya gagawin ko kung ano ang gusto ko,” depensa ng dalaga. 

Sinugod ni Aling Marilyn ang matanda at pilit na pinagbabayad. Pinapabayaran din niya ng pilit sa matanda ang lahat ng naibigay ng kaniyang pamangkin. Hiyang-hiya si Mang Domeng nang iskandaluhin siya ng ginang sa tapat ng kaniyang barung-barong.

“Patawad, Marilyn pero hindi ko talaga alam kung paano babayaran sa iyo ang isang libong utang ko. Pangako babayaran ko iyon kahit unti-unti,” sabit ng matanda.

“Dapat lang! Napakagaling mong mangutang tapos ay hindi ka marunong magbayad. Hindi ka pa nahiya ang pamangkin ko pa ang pinagbabayad mong matanda ka!” bulalas ng ginang.

“Tiya, tama na nga po ang ginagawa ninyo kay Mang Domeng!” pag-awat ng dalaga. “Pasensiya na po kayo, Mang Domeng. Pasensiya na po talaga!” paghingi ng dalaga ng paumanhin.

Halos mawalan na ng pag-asa si Mang Domeng. Alam niyang sa tanda niyang iyon ay hindi na niya mararanasan ang maginhawang buhay. Ramdam niya ang kaniyang paghihirap kaya sa puntong iyon ay nais na lamang niyang sumama sa yumaong asawa.

Advertisement

Kinabukasan ay madaling araw pa lamang at nasa labas na si Mang Domeng upang mangalakal. Nang mapadaan siya sa isang tindahan ng dyaryo ay agad niyang nakita ang tumamang numero sa lotto. At ayon sa balita ay dalawa lamang ang nanalong maghahati sa limampung milyong piso.

Nnag tingnan niya ang mga numero ay hindi siya makapaniwala sa kaniyang nakita. Nanlaki ang kaniyang mga mata dahil tila isang panaginip ang lahat. Isa siya sa mga tumama sa lotto!

Dahil matanda na ay mas minabuti ni Mang Domeng na ipagamot muna ang kaniyang sarili at bumili ng bahay na maayos na kaniyang matutuluyan. Ang plano niya sa perang iyon ay ipamahagi rin sa kapwa niya mahihirap. 

Umugong ang balita sa kanilang lugar na si Mang Domeng nga ang isa sa mga nanalo sa lotto. Agad na pinuntahan ni Aling Marilyn ang matanda at sa pagkakataong ito ay nag-iba na ang ihip ng hangin. Ang dating matapobre ay ubod na ng bait ngayon. 

“Mang Domeng, natatandaan nyo naman na ako ang madalas na magpautang sa inyo noon. Kalimutan na natin kung ano man ang nangyari sa atin. Pasensiya na kung medyo naipahiya ko kayo. Ganoon lamang talaga ako kapag tumataas ang presyon,” wika ni Aling Marilyn.

“Hindi ko makakalimutan ang bagay na iyan, Marilyn. Kaya ito babayaran na kita sa lahat ng aking pagkakautang at tutubuan ko pa!” wika ng matanda. 

Agad na bumunot ng pera si Mang Domeng.

“Dalawang libong piso lang? Napakarami mong napanalunan at ito lamang ang ibibigay mo sa akin?” reklamo ng ginang.

Advertisement

“Isang libo lamang ang utang ko sa’yo, dinagdagan ko na nga ng isang libo pa para tubo sa tagal ng pagkakalagak sa akin ng pera mo,” tugon ni Mang Domeng.

“At ito naman ang para sa iyo, Lysa,” sabay abot ng isang supot.

Nang tingnan ni Lysa ang laman ay sandamakmak na pera ito. 

“N-napakarami pong pera nito, Mang Domeng. Hindi ko po ito matatanggap!” saad ng dalaga. 

“Para sa iyo talaga ang perang iyan, Lysa. Maraming salamat sa lahat ng ginawa mo para sa akin. Tatlong milyong piso iyan. Ibigay mo sa mga magulang mo sa probinsiya. Pasasalamat ko rin sa kanila sa pagpapalaki nila sa iyo ng may mabuting kalooban. Kapag kulang pa ay bumalik ka sa akin,” wika ng matanda. 

“Matanda na ako at hindi ko na magagamit ang lahat ng perang mayroon ako. Ngunit ikaw ay may maganda pang hinaharap. Tutuparin ko ang pangako ko sa iyo, Lysa. Sapagkat napakabuti mo,” dagdag pa ng matanda.

Simula noon ay umuwi na nga si Lysa sa kaniyang pamilya at tuluyan nang iniwan ang malupit niyang tiyahin.

Habang si Mang Domeng naman ay ginugol ang kaniyang oras sa pagtulong din sa kaniyang kapwa lalo na sa mahihirap.

Advertisement

Hindi malilimutan ni Mang Domeng at Lysa kung paano nila nahaplos ang buhay ng isa’t isa.