Tinanggihan ng Mister ang Hamon ni Misis na Patunayan ang Pagmamahal Niya Rito; Ito Pala ang Kaniyang Dahilan

Maagang gumising si Tanya upang ipaghanda ang asawang si Renato ng espesyal na agahan. Ngayon kasi ang araw ng ika-labing dalawang taong anibersaryo ng kanilang kasal. Inihanda niya ang mainit na kape at ang paboritong almusal ng mister. Pati na rin ang liham na kaniyang ginawa at ang surpresang regalo niya sa mister. Nang handa na ang lahat ay saka niya ginising si Renato. 

Sabay nag-almusal ang dalawa at hindi na makapaghintay ang ginang na ibigay ang kaniyang mga regalo sa asawa.

“Buksan mo, mahal,” sambit ni Tanya sabay abot ng regalo.

“Hindi ka na dapat nag-abala pa, mahal,” tugon ng mister habang binubuksan ang regalo. “Napakaganda naman nitong relo na ito. Sa tingin ko ay mahal ito, ano? Bakit bumili ka pa ng ganito?” dagdag pa ng mister.

“Hayaan mo na, mahal. Espesyal ang araw na ito para sa ating dalawa. Saka pinag-ipunan ko talaga ang relos na iyan sapagkat alam kong gustong-gusto mo ‘yan,” wika pa ng ginang. 

Sinukat agad ni Renato ang relos na ibinigay ng misis. Tuwang-tuwa si Tanya sapagkat lubusang nagustuhan ng asawa ang kaniyang regalo. Ngunit sa loob-loob niya ay naghihintay din siya ng surpresa mula sa kaniyanga asawa.

“Siguro ay mamaya niya pa ibibigay ang kaniyang regalo sa akin,” bulong ni Tanya sa kaniyang sarili.

Buong araw naghintay ang ginang ngunit ang tanging natanggap lamang niya sa kaniyang asawa ay ang matamis nitong pagbati at kalakip na halik.

Advertisement

“Hindi ko alam kung nakalimutan lang niya o sadyang wala talagang siyang regalo sa akin,” paglalabas ng sama ng loob ni Tanya sa kaniyang matalik na kaibigan.

“Sabagay, ano nga ba ang aasahan ko sa kaniya. Ni hindi nga niya ako magawang bigyan ng bulaklak sa aking kaarawan,” dagdag pa ng ginang.

“Mabuti nga at natitiis mo ‘yang asawa mo. Kung ako ikaw, naku baka matagal na akong nag-alsa balutan. Isipin mo, lagi mong iniisip ang ikakaligaya niya ngunit hindi man lamang niya maipakita sa iyo ang lambing na inaasam mo. Mabuti na lang talaga ay napakalambing nitong si Delfin ko,” pagmamalaki ng kaibigan ni Tanya. 

Lalo itong ikinaiingit ng ginang lalo pa ng simulang magkwento ang kumare ng mga supresa at mga regalong ibinibigay sa kaniya ng kaniyang kabiyak. Idagdag mo pa rito ang mga atensyon na ibinibigay rin sa kaniya ng mister. 

Samantalang ang kaniyang asawa ay wala man lamang lambing sa katawan. Dapat nga ay tanggap na niya ito sapagkat sa loob ng maraming taon ay wala naman siyang natatanggap na kahit ano mula sa asawa. Ngunit hindi niya maiwasan na magtampo. 

Umaasa pa rin si Tanya na sa mga susunod na araw ay may regalong ibibigay sa kaniya ang asawa lalo na at panay ang parinig niya na gusto niya ng bagong bag. Ngunit walang bag na naibigay sa kaniya.

Dahil sa kaniyang inis ay kinumpronta niya ang asawa.

“Wala ka ba talagang regalo para sa akin?” saad ni Tanya sa kaniyang mister.

Advertisement

“Aminin mo na sa akin kung nakalimutan mo o sadyang hindi ka bumili ng regalo para sa akin,” dagdag pa ng ginang.

“Naalala ko ang anibersaryo natin at sadyang wala akong binili para sa iyo sapagkat alam kong hindi mo rin naman magugustuhan ang mapipili ko,” tugon ni Renato.

“Kahit na. Sana man lamang ay nag-abala ka. Hindi mo man lamang iparamdam sa akin na espesyal ang araw na iyon para sa ating dalawa. Ni wala man lamang akong makuha sa’yong paglalambing!” reklamo ni Tanya. 

“Gaano mo ba talaga ako kamahal, Renato?” naiinis na tanong niya sa kaniyang mister.

“Tigilan mo nga ako, Tanya. Ano ba ang gusto mong gawin ko para patunayan ko sa’yong mahal kita?” saad ng ginoo.

“Kung pakukuhain ba kita ng bulaklak sa dulo ng talampas at maaring malagay ang sarili mo sa alanganin ay kukuhain mo iyon para lang maibigay sa akin?” tanong ni Tanya.

“Ikaliligaya mo ba ang bulaklak na ito?” patanong na sagot ni Renato.

“Oo. Ipagpalagay na lang natin na ang bulaklak na ito ay espesyal at hindi mo basta-basta makikita kung saan at sa pagkakataong iyon ay nakita mo sa isang dulo ng talampas. Kukuhain mo ba ito para sa akin?” naiiyak nang sambit ng ginang.

Advertisement

“Hindi,” deretsong sagot ng asawa.

Lubusang naiyak sa sama ng loob si Tanya. Ni hindi man lamang nagpakaplastik kasi ang asawa sa pagsagot sa kaniyang tanong. Hindi niya nais marinig ang naging sagot ni Renato kaya nagkulong ito sa kwarto.

Agad siyang sinundan ng mister ngunit pinagsaraduhan niya ito ng pinto. Hindi makapasok tuloy ang ginoo upang magpaliwanag. Kaya sa labas ng silid siya nakipag-usap sa misis.

“Hindi ko kukuhain ang bulaklak na iyon sapagkat buhay ko ang kapalit,” wika ni Renato na na nakatayo lamang sa tapat ng pinto ng silid.

“Kapag may nasira dito sa loob ng bahay ay nais kong ako ang kumumpuni nito. Kapag naiinis ka o sumasama ang loob mo dahil sa mga bagay na hindi mo makamit, nais kong naroon ako upang umagapay sa iyo. Ako ang mata mo sa lahat ng bagay na hinahanap mo at hindi mo makita. Ang mga kamay mo sa mga gawaing hindi na kaya ng iyong pagod na katawan. Ako ang magiging sandigan mo sa lahat ng oras na kailangan mo ng kaibigan at masasandalan. Gusto ko ako ang magiging dahilan ng iyong mga ngiti sa panahon na naiinis ka dahil ayaw gumana ng mga kasangkapan,” nakangiti nitong paglalahad.

“Kaya hindi ko kayang kuhain ang bulaklak na iyon. Gagawin ko lang iyon kapag alam kong may magmamahal sa’yo ng higit sa pagmamahal na ibinibigay ko hindi sa pamamagitan ng materyal na bagay — pero tapat ako sa’yo at makakaasa kang sa’yong-sa’yo lang ako. Sa panahon na iyon, p’wede ko nang ialay ang bulaklak na gusto mo kahit buhay ko pa ang kapalit,” saad ng mister. 

Unti-unting bumukas ang pinto ng kanilang silid. Isang matinding yakap ang sumalubong sa kaniya mula sa kaniyang umiiyak na misis.

“Napagtanto ko na hindi ka man malambing sa akin at mapagbigay ng regalo ay hindi ka naman nagkulang sa pamilyang ito. Hindi ka nagkulang sa akin lalo na sa mga panahon na kailangan kita ay nariyan ka. Iyon lamang ay sapat na sa akin. Patawarin mo ako, mahal,” saad ni Tanya. 

Advertisement

Hindi nasusukat sa kahit anong regalo ang pagmamahal. Walang kahit anong materyal na bagay ang makakatapat sa isang pusong tunay na nagmamahal.