Nais na Sanang Ipagtapat ng Binata ang Kaniyang Tunay na Nararamdaman Para sa Matalik na Kaibigan; Ang Tamang Pagkakataon Palang Hinihintay Niya ay Huli Na

“Kailan kaya ako makakarating ng New York, Paolo? Sa tingin mo ba ay mahahanap ko doon ang papa ko?” sambit ng batang si Celeste sa kaniyang matalik na kaibigan.

“Mahal ata ang pamasahe papunta sa New York kasi sasakay ka ng eroplano, e. Nakasakay na ako sa eroplano pero sa Cebu lang kami nagpunta. Mabilis lang. Kapag daw sa New York sabi ni mama, mas matagal daw. Baka bukas ka pa makarating,” tugon naman ni Paolo.

“Dapat pala ngayon pa lang ay simulan ko na ang pag-iipon!” sambit ng batang babae.

Halos sabay lumaki sina Paola at Celeste. Matalik na magkaibigan ang kanilang mga ina at ilang bahay lamang ang pagitan ng kanilang mga tinitirihan. Madalas kung magpunta ang kanilang mga ina sa kani-kaniyang mga bahay upang magkwentuhan o kaya ay magpalitan ng ulam.

Parehas din ang paaralan na pinapasukan ng dalawa. Hindi na nga sila mapaghiwalay at animo’y mga kambal dahil laging magkasama.

Pangarap ni Celeste na makarating ng New York dahil ang sabi ng kaniyang ina ay narito raw ang kaniyang ama na kailanman ay hindi niya nakita. Kaya ganoon na lamang ang kaniyang paghahangad na mapuntahan ang nasabing lugar. 

Samantalang si Paolo naman ang tanging hangad lang ay maamin niya sa pinakamatalik niyang kaibigan ang kaniyang tunay na nararamdaman.

“Paolo! Paolo!” humahangos na tawag ni Celeste sa binata.

Advertisement

“May natanggap akong balita. ‘Yung papa ko raw sa Twin Tower nagtatrabaho! Kapag nakatapos na tayo ng kolehiyo, itaga mo to sa bato, gagawin ko ang lahat para makahanap agad ng trabaho at kapag sapat na talaga ang ipon ko, pupunta ako ng New York. Pupunta ako sa World Trade Center at doon ko hahanapin ang papa ko kahit isa-isahin ko pa silang tanungin don!” sambit ng dalaga. 

“Sana ay masamahan kita sa plano mong ‘yan, Celeste. Kaso ‘yung ipon ko kasi nagastos ko na para sa tuition fee ko. Medyo gipit kasi kami ngayon. Pero kapag nakahanap na rin ako ng trabaho at malaki ang kita ko, pangako sasamahan kita! Dalawa tayong magtatanung-tanong doon para mas mabilis nating makita ang papa mo!” tugon ng binata.

“Ayos lang sa akin, Paolo. Pangako ko sa’yo, pagkatungtong na pagkatuntong ko sa New York, ikaw kaagad ang tatawagan ko, sunod kay mama!” natatawa saad ni Celeste sa kaibigan. 

Hindi nagtagal ay nakapagtapos na nga ng kolehiyo ang dalawa. Maraming beses na gusto nang aminin ni Paolo ang nararamdaman sa kaibigan ngunit sa tuwing akma na niyang sasabihin ay natatameme siya. Hindi niya alam kasi kung tama ba ang hakbang na ito na kaniyang gagawin. Paano kung hindi siya gusto ni Celeste at tanging pagmamahal bilang kapatid at kaibigan lamang ang nararamdaman nito? Baka masira ang kanilang samahan. Iyon ang kaniyang pinapangambahan na mangyari. Ang tuluyang mawala si Celeste sa kaniyang buhay.

Nakahanap na ng magagandang trabaho ang dalawa. Nagsimula na silang mag-ipon. Ngunit dahil si Paolo ang bread winner sa kanilang pamilya dahil sa maagang pagyao ng kaniyang ama ay nahihirapan siyang magkaroon ng sapat na pera para masamahan si Celeste sa ibang bansa. 

“Konti na lang, Paolo, matutupad ko na ang pangarap ko!” masayang sambit ng dalaga.

“Pasensiya ka na talaga at hindi ko magagawang samahan ka. Kailangan ko kasing ipagawa ‘yung bahay,” wika ni Paolo.

“Ano ka ba?! Unahin mo talaga ‘yun! Saka ayos lang ako! Intindihin mo na lang ang pamilya mo. Alam mong ibang klase akong babae. Matapang ata ‘to!” pagmamalaki ni Celeste. 

Advertisement

“Oo, kakaiba ka ngang babae. Ayan nga ang mina– este nagustuhan ko sa’yo. Nagustuhan bilang kaibigan, bilang kapatid, ganon!” buwelta agad ni Paolo. 

“Naghahalo ‘yung kaba at pagkasabik ko. Basta, hindi ko alam ang nararamdaman ko. Sa wakas, Paolo, abot kamay ko na ang pangarap ko. Sana makita ko ang papa ko. O kahit man lang makabalita ako kung ano bang talagang nangyari sa kaniya,” pahayag ng dalaga.

“Celeste, may nais pala akong sabihin sa’yo. Matagal ko na gustong sabihin sana ‘to kaso –,” wika ni Paolo ngunit natigilan siya sapagkat naalala na naman niya ang kaniyang pangamba.

“Ay, basta. Wala, wala pala. Parang nasabi ko na pala sa iyo ‘to dati,” pilit siyang tumatwa upang hindi mahalata ng kaibigan. 

“Ano ba ‘yang gusto mong sabihin sa akin? Lagi kang ganyan. Hindi ko alam kung totoo bang may gusto kang sabihin sa akin o pinagtitripan mo lang ako,” naiinis sa sambit ni Celeste. 

“Basta, gusto ko lang sabihin ay kung ano man ang abutan mo sa New York — magtagumpay ka man na mahanap ang papa mo o hindi, tandaan mo na laging nandito lang kami para sa iyo. Ayan! Ayan ang gustong sabihin. Medyo korni kasi kaya hindi ko matuloy!” pagtatakip ni Paolo.

“Oo nga! Ang jologs mo! Pero salamat. Ikaw talaga ang best friend ko!” sambit ni Celeste.

Makalipas ang ilang araw ay inihatid na ni Paolo si Celeste sa paliparan. Doon napagtanto ng binata na kailangan na niyang ipagtapat talaga sa dalaga ang kaniyang nararamdaman. Ngunit ayaw niyang masira ang biyahe nito. 

Advertisement

“Kapag nasa World Trade Center na siya, doon ko siya tatawagan. Doon ko aaminin na mahal na mahal ko siya noon pa man. Para kahit mabigo siya at hindi niya tuluyang makita ang papa niya ay maging memorable sa kaniyang ang araw na iyon,” wika ni Paolo sa sarili.

“O siya, aalis na ako, Paolo! Gabi ng ika-sampu ng Setyembre ang dating ko sa New York. Ilalagak ko lang ang gamit ko sa hotel at magpapahinga sandali at kinabukasan ay agad akong pupunta sa World Trade Center. Ipanalangin mo ang tagumpay ko, Paolo,” saad ng dalaga. 

Isang mahigpit na yakap ang pinabaon ni Paolo sa kaniyang matalik na kaibigan.

“Lagi kang nasa panalangin ko, Celeste,” wika niya.

Bago tuluyang umalis ay may iniabot ang dalaga sa binata.

“Basahin mo ‘yan kapag tatawag ka na sa akin. Ipangako mo! Bubuksan mo lang ang papel na ‘yan kapag kausap mo na ako!” mariing sambit ng dalaga. 

At tuluyan nang lumipad patungong New York si Celeste. Habang si Paolo ay walang ginawa kung hindi tumitig sa orasan at sa kaniyang telepono. Kung mapapabilis lamang niya ang oras ay gagawin niya. Hindi na kasi niya mapigilan ang kaniyang sarili. Hindi na niya magawang itago ang tunay na nararamdaman sa kaniyang kaibigan. 

Nang pagtuntong ng saktong oras sa napag-usapan nila ay agad na tumawag si Paolo sa kaibigan upang kamustahin ito. Mag-iisang oras na niyang sinusubukang tawagan si Celeste ngunit hindi ito makontak.

Advertisement

“Ayos lang kaya siya? Siguro ay hindi siya agad nakatuloy sa World Trade Center. Baka napagod sa biyahe,” wika ni Paolo sa sarili.

Hanggang isang nakakagulantang na balita ang yumanig sa buong mundo. Napanood pa mismo ni Paolo kung paano pinasabog ng mga terorista ang malalaking gusali ng World Trade Center. Abot langit ang panalangin ng binata na sana ay wala doon ang kaibigan. 

Ngunit sa kasamaang palad, isa si Celeste sa mga nasawi. Ang pangarap ng dalaga simula noong bata pa siya ang siya palang tatapos sa sarili niyang buhay. Hindi matanggap ni Paolo ang nangyari. Ni sa hinagap ay hindi niya akalaing mangyayari ito sa kaisa-isang babaeng kaniyang minahal. 

Agad binuklat ang papel na kanina pa niya tangan. Nagulat siya nang mabasa niya ang mga katagang “Mahal kita, Paolo, noon pa man. Ikaw lang ang lalaking minahal ko. Sana parehas tayo ng nararamdaman,” saad sa liham ng dalaga.

Napahagulgol na lamang si Paolo. Lubusan ang kaniyang pagsisisi na hindi pa niya noon inamin sa kaibigan ang kaniyang tunay na nararamdaman. Ngayon ay huli na ang lahat. Nananalig siyang ang mga bulong niya sa hangin ang magdadala kay Celeste ng kaniyang mga nais sabihin. 

Naniniwala si Paolo na muli silang magtatagpo ni Celeste. Kahit sa susunod na buhay, siya lamang ang kaniyang mamahalin.