Nagtataka ang Dalaga Dahil Sikreto Kung Saan Napupunta ang Pera ng Kaniyang Lola; Napaiyak Siya nang Malaman ang Totoo

Nagtataka ang Dalaga Dahil Sikreto Kung Saan Napupunta ang Pera ng Kaniyang Lola; Napaiyak Siya nang Malaman ang Totoo

FamilyHeartbreakingStories

“Lola?” Pagtawag ni Izzie sa kaniyang lola nang hindi niya ito madatnan sa sala, kung saan ito madalas na nakatambay habang nanonood ng telebisyon.

“Izzie, apo, nandito ka na pala.” Nakita niya lumabas ito mula sa kusina.

“‘La, may dala ako nung paborito mong puto,” masayang wika ng dalaga sa matanda. 

“Naku, saktong-sakto, nagluto naman ako ng paborito mong pancit!” Maligayang wika ng kaniyang Lola Pacing habang iginigiya siya sa kanilang maliit na mesa.

Agad na kumalam ang kaniyang sikmura nang masamyo niya ang amoy ng paborito niyang pancit.

Simula nang mawala ang kaniyang mga magulang ay ang kaniyang lola na ang nagtaguyod sa kaniya. 

Kaya naman mahal na mahal niya ang kaniyang lola at nagsisikap siya na maibigay dito ang magandang buhay na minsan man ay hindi nila naranasan.

Sa tulong ng paglalabada ay napagtapos siya ng kaniyang lola. Ngayon ay may trabaho na siya sa isang malaking kompanya. Masasabi niya na ang sinusweldo niya ay higit pa sa sapat kaya naman sinisiguro niya na nabibigyan niya ang kaniyang lola ng ekstrang pera para naman makabili ito ng mga bagay na gusto nito.

“‘La, kumusta naman ang araw mo? Dapat paminsan-minsan naman ay lumalabas ka para hindi ka nababato rito sa bahay, lola,” suhestiyon ni Izzie habang pinagsasaluhan nila ng kaniyang lola ang kani-kanilang mga paboritong pagkain.

“Naku, hija, alam mo naman na hindi ako mahilig lumabas-labas. Okay na ako manood-nood ng TV, hindi naman ako nababato. Ayoko nang gumagastos ka para sa’kin. Bilhin mo ang lahat ng gusto mong bilhin, at huwag mo na akong alalahanin,” nakangiting sagot ng kaniyang lola.

“‘La, pwede ba naman ‘yun? Ikaw na ang nag-alaga sa akin simula pagkabata, kaya naman ngayong kaya ko na, gusto kong ako na ang mag-alaga sa’yo,” tila nagtatampong paunawa naman ni Izzie sa lola nito.

“Alam ko naman ‘yun, anak, pero ang gusto ko ay hindi ako maging pabigat sa’yo.” Hinawakan ng matanda ang kamay ng apo. 

“Hinding hindi ko po kayo ituturing na pabigat, lola…” madamdaming wika ni Izzie sa matanda. 

“Sisiguraduhin kong hindi ako magiging pabigat sa’yo, apo,” sabi ng kaniyang lola, na naging palaisipan sa kaniya. Hindi niya naman kasi kahit minsan ipinaramdam dito na pabigat ito sa kaniya.

Naabutan niya ang kaniyang lola na nagututupi ng mga nilabhang damit habang nanonood ng paborito nitong teleserye.

Umupo siya at tinulungan ito sa pagtitiklop. Hindi niya maiwasang mapansin na lumang luma na ang damit ng kaniyang lola, bagay na kaniyang ipinagtaka. Lagi niya kasi ito sinasabihan na bumili ng mga bagong maisusuot. 

“‘La, napansin ko po na ang luluma na ng mga damit mo, bakit po hindi niyo gastusin ang pera na binibigay ko? Para sa inyo po iyon,” takang tanong niya sa matanda.

“May pinag-iipunan akong ibang bagay, apo. Hindi ko naman kailangan ng mga bagong gamit kasi lagi lang naman ako sa bahay,” sagot nito nang hindi inaalis ang tingin sa pinapanood nito. Mukhang aliw na aliw ang matanda.

Napangiti si Izzie. Natuon ang kaniyang atensiyon sa lumang TV na gamit ng kaniyang lola. Tila alam niya na ang pinag-iipunan nito. 

Kaya naman kinabukasan, sinorpresa ni Izzie ang kaniyang lola ng bagong TV.

“Ikaw talagang bata ka, gumastos ka naman para sa akin.” Tila nahihiya pa ang matanda habang nakatingin sa malaking TV na binili niya para rito. 

Inaasahan niya na matutuwa ang kaniyang lola ngunit nagulat siya nang marinig na naman niya ang karaniwang sinasabi ni kaniyang lola sa tuwing binibilhan niya ito ng kung ano ano. 

“Po? Hindi ba ito ang pinag-iipunan mo ‘la?” Takang tanong ni Izzie dito.

Mabilis na nag-iwas ng tingin ang matanda, bagay na ipinagtaka ni Izzie. Hindi niya maiwasang magduda kung saan ginagastos na kaniyang lola ang pera na ibinibigay niya rito. 

“‘Wag mo na isipin yung sinabi ko, apo. Wala iyon, maraming-maraming salamat sa bagong TV na ‘to, mas maayos ko nang mapapanood ang paborito kong teleserye.” Niyakap pa siya ng matanda bilang pasasalamat.

Bagaman masaya si Izzie na natuwa si Lola Pacing sa bagong TV, palaisipan pa rin sa kaniya kung ano ang pinag-iipunan ng kaniyang lola. Gusto niya kasi na siya na ang magbigay nito sa kaniyang lola.

Nang gabing iyon, habang nagluluto sa kusina ang kaniyang lola ay pasimple siyang gumawa ng paraan upang makapasok sa silid nito.

“Lola, pwede ba akong makahiram ng suklay?” Tanong niya sa matanda.

“Sa kwarto ko, apo, hanapin mo na lang doon,” tiwala namang sagot ng matanda.

Pagpasok sa kwarto, agad naghanap si Izzie ng bagay ng kakaiba sa silid ng kaniyang lola. Sa kasamaang palad, wala naman siyang nakitang bagay dun na maaring pagkagastusan ng kaniyang lola.

Paalis na siya nang mahagip ng isang bagay ang kaniyang atensiyon sa maliit na papel na nakita niyang nakapatong sa tokador. Isa itong calling card. Nakasulat doon ang mga salitang “San Lazaro Funeral Services.”

“Bakit naman may numero si lola ng isang punerarya? May kakilala ba siyang sumakabilang buhay?” Naguguluhang bulong ni Izzie.

Nagtataka man, nagpasya siyang kunin na rin ang numero ng punerarya. 

Kinabukasan ay tinawagan niya ito upang mag-usisa. 

“May kliyente ho ba kayong Pacita Sta. Cruz? Kaibigan niya ho ako, ini-rekomenda niya kayo,” palusot niya sa babaeng sumagot ng kaniyang tawag.

Saglit na may tiningnan ang babae, bago sumagot. “Ay, oho, natatandaan ko ho si Ma’am Pacita kasi siya lang ang kliyente namin na buhay pa ay inaasikaso na ang kaniyang burol at libing.” 

Hindi naman inaasahan ni Izzie ang narinig. “Nabanggit niya ho ba kung bakit ganun? Ang alam ko ay may pamilya naman siya,” tanong niya sa nanginginig na boses. 

“May apo siya, pero ayaw niya na raw na mag-alala pa yung kaniyang apo kapag nawala na siya, kaya naman inaasikaso niya ang lahat. Ayaw raw niyang maging pabigat,” sagot ng babae.

“Halatang mahal na mahal niya ang kaniyang apo,” komento pa nito.

Nang maibaba ang telepono ay tuluyan na siyang napahagulhol. Siya pa rin pala ang iniisip ng kaniyang lola.

Nang makauwi siya ay agad niyang niyakap nang mahigpit ang kaniyang pinakamamahal na lola. 

“Mahal na mahal kita lola, at huwag na huwag mong isipin na kailanman ay magiging pabigat ka sa akin,” wika niya dito. 

Hindi niya sinabi sa kaniyang lola ang kaniyang natuklasan ngunit mula noon, mas lalo niya pang ipinaramdam sa kaniyang lola ang pagmamahal niya rito.

Sisiguraduhin niya na magiging masaya ang kaniyang lola sa mga nalalabing araw nito sa mundo.

More Stories