Nagnakaw ng Pera ang Dalagang Ito Upang Magkaroon ng Kaibigan, Ngunit Umuwi pa rin Siyang Luhaan

Nagnakaw ng Pera ang Dalagang Ito Upang Magkaroon ng Kaibigan, Ngunit Umuwi pa rin Siyang Luhaan

HeartbreakingInspiringStories

“Mga mabubuti kong kaibigan, may promo ngayon sa Boracay, baka gusto niyong sumama!”  sambit ni Mildred saka ipinakita sa mga kaibigan ang balitang nakita niya online. Narinig ito ni Gina dahilan upang makiusyoso siya rito.

“Pwede ba akong sumama? Matagal ko nang gustong magpunta d’yan!” tanong niya, bigla namang napatingin sa kaniya ang mga ito. 

“Ah, eh, kung may pera ka naman, pwedeng-pwede! Pero dapat, ilibre mo kaming lima. Wala pa namang kinsemil ang magagastos mo. Ano, may pera ka ba?” tanong sa kaniya ni Mildred, dahilan upang mapangisi siya. 

“Kinsemil lang pala, eh,” sagot niya dahilan upang maghiyawan ang mga dalagang ito saka siya pinagyayakap, “Salamat naman, may mga kaibigan na ako,” sambit niya sa sarili saka masayang pinagmasdan ang mga kamag-aral na nagtatatalon sa tuwa. 

Nasa ikaapat na taon na sa kolehiyo ang dalagang si Gina. Ngunit kahit pa ganoon, wala siya ni isang kaibigan. Kahit pa ipilit niyang makisama sa kaniyang mga kamag-aral, palagi siyang pinagtatabuyan ng mga ito. Bukod kasi sa may subsob siya sa pag-aral, may pagkatahimik pa siya’t mahinhin dahilan upang isipin ng iba na hindi siya masaya kasama.

Kaya ganoon na lamang ang kaniyang tuwa nang payagan siyang sumama sa Boracay ng isang sikat na grupo ng mga dalaga sa kanilang unibersidad.

Pagkauwing-pagkauwi niya noong araw na ‘yon, agad siyang patagong nagpunta sa silid ng kaniyang mga magulang upang kumupit ng pera. Wala naman kasi talagang siyang sapat na pera, kahit limang piso, walang sobra sa kaniyang baon. 

Tuwang-tuwa siya nang makitang may dalawampung libong piso sa pitaka ng kaniyang ama, agad niya itong sinilid sa kaniyang bulsa’t mabilis na lumabas ng naturang silid. 

Kinabukasan, agad siyang nagpaalam sa kaniyang mga magulang na siya’y isinama ng ilan niyang mga kamag-aral sa Boracay. ‘Ika pa niya, “Libre nga lang po ako, eh, wala kasi akong pera,” dahilan upang matuwa ang kaniyang mga magulang at siya’y agad na payagan. Labis ang saya ng mga ito dahil sa wakas, may mga kaibigan na siya. 

Dumating na nga ang araw ng kanilang pag-alis. Katulad ng napag-usapan, siya ang nagbayad ng lahat ng gastusin, mapapamasahe sa eroplano, panuluyan, hanggang sa kanilang kakainin, siya ang nagbayad. Masakit man sa bulsa, ang mahalaga sa kaniya’y may mga kaibigan na siya. Imbis na isipin ang nagastos na pera, masaya niya na lang pinagmasdan mula sa bintana ng eroplano ang mga naggagandahang tanawin at ulap.

“Grabe, Gina, ang yaman mo pala, ‘no? Bakit ngayon ka lang sumama sa amin!” sambit ng isa sa kaniyang mga tinuturing kaibigan saka pumulupot sa kaniyang braso. 

“Oo nga, e ‘di sana matagal na tayong naging magkakaibigan!” sambit ni Mildred, “May pera ka pa ba d’yan? Mukhang masarap mag-inom doon sa bar na ‘yon, o!” dagdag pa nito saka tinuro ang isang bar na tanaw sa kanilang panuluyan.

“Ah, eh, wala na eh, isang libo na lang ‘to,” kamot-ulo niyang sagot dahilan upang mapakunot ang noo ng mga dalagang kasama niya. 

“Ang damot mo naman! Nakita ko ang wallet mo, Gina, ang kapal-kapal!” inis na sabi ni Mildred. 

“Eh, nagbayad na kasi ako sa eroplano, panuluyan at pagkain natin,” sambit niya. 

“Aba, parang nanunumbat ka pa? Ang pangit mo naman maging kaibigan! Kaya siguro wala ka talagang kaibigan kasi madamot ka!” bulyaw nito sa kaniya saka siya iniwan ng mga ito. Nagtungo sila sa naturang bar, habang siya’y nakatanaw lang sa bintana.  

Kahit pa siya’y nasasaktan sa mga nangyayari, pilit pa ring pinagpipilitan ang sarili sa mga ito. Binigay niya na rin ang natitira niyang pera upang pansinin na siya. Ngunit noong pauwi na sila, ‘ika ni Mildred, “Salamat sa libre mo, ha? Pero, pasensiya ka na, hindi ka naming kayang ituring na kaibigan,” dahilan upang luhaan siyang umuwi sa kanila. 

“O, anak, hindi ka ba naging masaya sa outing niyo?” bungad ng kaniyang ama saka siya niyakap dahilan upang siya’y mapahagulgol, “Malalagot sa akin ang mga ‘yan, nilibre na nga sila ng anak ko, papaiyakin pa pag-uwi!” dagdag pa nito dahilan upang siya’y mapatigil. 

“Naiintindihan kita, anak, alam ko kung gaano mo kagustong magkaroon ng kaibigan pero, anak, hindi mo kailangang ipagsiksikan ang sarili mo sa mga tao, dahil kung gusto ka nilang maging kaibigan, hindi ka nila gagamitin para sumaya. Saka, mali yung ginawa mo, ha? Huwag mo na uulitin, anak. Andito kami ng mama mo, kami ang mga tunay mong kaibigan,” pangaral nito sa kaniya saka siya muling niyakap. 

Doon niya napagtantong hindi niya talaga kailangan pa ng kaibigan, dahil napakaswerte na niya sa kaniyang mga magulang. 

Nakapagtapos man siyang walang kaibigan, nandoon naman ang kaniyang mga magulang, humihiyaw dahil sa tagumpay na kaniyang nakamit nang walang inaasahang ibang tao. 

More Stories