Kinulong sa Nagyeyelong Silid ang Dalagang Ito ng Kaniyang Katrabaho, Napabuntong Hininga Siya nang may Nagligtas sa Kaniya

“Sigurado ka ba talagang kakalabanin mo ‘ko sa pagiging manager ng restawran na ito? Eh, ni hindi ka nga makapagsalita nang diretsang ingles kapag nakikipag-usap ka sa mga customers!” sambit ni Eunice, isang gabi nang madatnan niyang naglalagay ng gatas sa malamig na imbakan ang kaniyang katrabaho.

“Oo, sabi ni boss, eh. Hindi man ako makapagsalita ng diretsang ingles, maasahan naman ako,” tugon ni Juliet saka nagbalak na lumisan ng naturang silid ngunit agad siyang pinigilan ng katrabaho. 

“Aba, talagang sinusubukan mo ako, ha? Kung ako sa’yo, umatras ka na kung ayaw mong masampal ng katotohanan! Sino namang boboto sa’yo sa mga empleyado dito? Alam naming lahat na mahina ang utak mo,” pang-aalipusta pa nito, bakas sa mukha nito ang galit.

“‘Yon naman pala, eh, bakit parang natatakot kang tinanggap ko ang alok ni boss?” malumanay niyang tanong dito, bakas na sa mukha ng kaniyang katrabaho ang pangagalaiti.

“Sumosobra ka na, ha?” sagot nito saka mabilis na lumabas ng naturang silid at siya’y ikinulong sa loob.

“Hoy! Buksan mo ang pinto!” sigaw niya saka pilit na binubuksan ang pinto.

Laki sa hirap ang dalagang si Juliet. Bata pa lamang siya nang magsimulang maglako-lako ng mga kakain upang makatulong sa gastusin ng kanilang pamilya.

Hindi na niya nagawang makapagtapos ng hayskul dahil noong nasa ikalawang taon pa lamang siya, agad na siyang kinumbinsi ng kaniyang ina na magtrabaho. Bukod kasi sa hindi na siya kayang pag-aralin dahil sa mahal ng kaniyang mga proyekto, nagdadalang tao pa ang kaniyang ina noong mga panahong iyon dahilan upang isuko niya ang pangarap at piliing tulungan ang kaniyang mga magulang sa paghahanap-buhay. 

Advertisement

Sa paglalako ng mga kakainin niya nakilala ang isang matandang babae na nagpasok sa kaniya sa pagiging serbidor sa isang restawran sa loob ng isang prestihiyosong hotel sa Maynila. Naantig kasi ito sa kaniyang kasipagan at pagmamahal sa buhay. 

At doon na nga siya unti-unting nakaipon. Naghiwalay man siya sa pamilyang nasa probinsya, iniisip niya na lamang na para ito sa kaniyang pamilya.

Ngunit dahil nga bata pa at hindi nakapagtapos, mayroong mga empleyadong naiinggit sa kaniya. Lalo namanng naintriga ang isang empleyado sa kaniya pagkalipas ng tatlong taon niyang pagtatrabaho dito. Inalok kasi siya ng naturang matandang babae na kalabanin ang naturang empleyado para sa pagiging manager ng naturang restawran.

“Gusto kong makita kung sino sa inyong dalawa ang siyang makakatulong sa akin sa pagpapalago ng restawrang ito,” sambit ng matanda.

Noong gabing iyon, sampung minuto bago magsara ang naturang restawran, naatasan siyang ilagay ang mga galon ng gatas sa isang silid kung saan pinapalamig ang mga pagkain at doon siya hinarap at inalipusta ng empleyadong galit na galit sa kaniya.

Dahil nga sa galit ng naturang empleyado, ikinulong siya nito sa nagyeyelong silid na iyon. Pilit man siyang magsumigaw doon, walang nakarinig sa kaniya dahil lahat ng empleyado, nagsiuwian na.

Pilit niyang ipinulupot ang sarili upang maibsan ang matinding lamig na nararamdaman. Mangiyakngiyak siyang nanalangin dahik unti-unti na siyang nawawalan ng pag-asa.

“Ilang oras pang tumagal ako dito, mabubura na ako sa mundo, tulungan Niyo po ako, Diyos ko,” hikbi niya habang yakap-yakap ang sarili.

Advertisement

Bigla naman siyang napatayo nang may isang lalaking nagbukas ng pinto at agad siyang binuhat palabas.

“Ma- manong?” sambit niya nang maaninag ang sekyung palagi niyang binabati tuwing papasok sa trabaho. 

“Sabi na, eh, may hindi magandang nangyari sa’yo, ma’am. Takang-taka ako dahil mag-aalas onse na, wala pang bumabati sa akin. Lahat ng empleyado sa restawran ito, lumabas na, eh, ni isa sa kanila, walang bumati sa akin, kahit ngumiti man lang,” patawa-tawang kwento ng naturang sekyu, hindi na niya nagawang sumagot dahil nawalan na siya ng malay.

Nagising na lamang siyang nasa ospital na, una niyang nakita ang matandang babaeng may ari ng restawran. Agad siyang nilapitan nito nang makitang siya’y nagkamalay na.

“Hindi ko lubos akalaing magagawa sa’yo iyon ni Eunice, nakita ko lahat sa CCTV,” sambit nito saka humingi ng tawad sa kaniya.

Ilang araw lang, nakabalik na siya sa trabaho. Agad niyang pinasalamatan ang naturang sekyu sa pagliligtas nito sa kaniya.

“Naku, wala po iyon, ako nga dapat ang magpasalamat sa inyo, ikaw lang po ang nakakapansin sa akin sa lugar na ito,” sambit nito na lubos na nakapagpataba sa kaniyang puso.

Doon niya rin nabalitaang tinaggal na pala sa trabaho si Eunice at siya na ang itinalagang manager ng naturang matanda. Ika pa nito, “Kaya kong turuan at pakisamahan ang taong mahina, pero hindi ko kayang pakisamahan ang taong sakim sa posisyon,” dahilan upang labis siyang magpasalamat dito.

Advertisement

Napagtanto niyang, “Maaari ngang mahina ang utak ko, mapagmalasakit naman ang puso ko.”

Doon na siya tuluyang nakapag-ipon para sa kaniyang pamilya. Nagawa na niyang pag-aralin ang kaniyang kapatid sa hayskul at binabalak niya ring mag-aral muli upang dugtungan ang pangarap niyang naudlot bunsod ng kahirapan.