Miyembro ng Grupong Nan-Dudura sa Bus Para Makapagnakaw ang Lalaking Ito; Ang Kawawang Anak Niya ang Siningil ng Karma
Inayos ni Hans ang suot niyang T-shirt, kailangang magmukhang pormal, tipong hindi paghihinalaan ng ibang tao. Isinuot niya pa ang pekeng ID na ipina-print niya lamang sa isang computer shop, ang suot niyang lace ay nabili lang din sa bangketa, kaya siya naggaganoon ay upang isipin ng mga tao na isa rin siyang empleyadong nagko-commute. Maging ang mga kasama niya ay ganoon rin pero iba iba sila ng ID, di pwedeng malamang magkakasama sila.
Nang mapansin ni Hans ang paparating na bus na puno ng tao, agad niyang sinenyasan ang mga kasama na makisabay sa mga nag aabang. Pagtigil ng bus ay sinimulan na nilang manggitgit ng ibang pasahero, sabay sabay sila ng pito niya pang kasama. Lahat sila ay nakatayo. Habang umaandar ay nagsesenyasan na sila kung sino ang bibiktimahin at paano ang diskarte. Sa tagal nang ginagawa ito ni Hans ay kabisado niya na ang mamahaling cellphone, ang peke at totoong alahas, madali niya na ring nakikita kung sino ang may pera talaga. Sa ngayon, ang naisip niyang target ay ang babaeng nagse-cellphone malapit sa kanila, nakaupo ito, katapat lamang ng isang kasama niyang nakatayo.
Kitang kita naman na bago ang modelo nito, nakita niya sa social media na halos nagkakalahaga ng 50 hanggang 60000 ang cellphone na iyon. Kung magtatagumpay sila, tiba tiba. Kinindatan niya na ang kanyang kasamang pinakamalapit sa biktima at nagsimula na itong umubo, halatang napapalingon ang babae dahil sa tuloy tuloy na pag ubo nito. Maya maya pa ay dumura ang kasama niya at eksakto ang laway nito sa balikat ng babae, bale ba ay manipis ang suot nito.
Sinabayan naman iyon ni Hans ng sigaw upang lalong ma-distract ang biktima,”Hala ate may laway o!” sabi niya, itinuro pa ang laway sa balikat nito. Ganoon rin ang ginawa ng iba niya pang kasama, palakasan sila ng boses kaya natataranta ang babae.
“Punasan mo na nakakadiri! Ayan o! Ayan!”
“Yuck ate plema! Punasan mo na!” Hindi magkandaugaga ang babae sa paghahalungkat ng tissue na hindi na nito namalayan ang mabilis nilang kamay, nakuha na kasi ng isa niyang kasama ang cellphone nito nang isuksok nito iyon sa gilid ng bag sa pagmamadaling makahanap ng pamunas.
Sa sumunod na bus stop ay bumaba rin sila, ang laki ng ngiti sa kanilang mga labi, sobra sobra ang perang paghahatian nila ngayong gabi. Agad nilang naibenta sa isang asset ang cellphone sa halagang 48000 at dahil walo sila ay tig aanim na libo silang lahat. Ayos! Minsan ay tig 300 lang sila pero mukhang ngayon ang maswerteng araw nila. Tamang tama, birthday ng panganay niyang anak. Bibili muna siya ng pagkain bago umuwi sa kanila.
Excited na bitbit ni Hans ang isang bilao ng pansit, may softdrinks rin at cake siyang nabili. Nakabili rin siya ng ternong pangbasketball ng kanyang anak bilang regalo, nahihilig na kasi ang binatilyo sa ganoon. Pagdating niya sa bahay ay naabutan niya ang misis na nanonood ng TV.
“Nasaan ang birthday boy?” tanong niya rito.
“Wala pa nga eh, sabi kanina uuwi ng maaga mula sa eskwela. Excited nga dahil sabi mo raw may selebrasyon tayo, ilapag mo na muna sa ibabaw ang pagkain.” sabi ng misis niya. Walang alam ang mga ito sa kanyang trabaho, ang sabi niya lang ay umeekstra ekstra siya bilang janitor sa isang malaking hotel kung kaya’t minsan ay nakakapag uwi siya ng maraming pera, dahil sa tip ng mga nagche-check in.
Inilapag ni Hans ang dala niyang pagkain at itinext ang anak kung nasaan na ito. “Oy, wag nyo munang dutdutin ang cake. Sa Kuya Gerald ninyo yan, hindi nyo naman birthday eh.” sabi niya sa dalawa pang nakababatang anak, natatawa namang naglaro na muli ang mga bata.
“Batang ito, ayaw sagutin ang cellphone niya. Nagpabili ng cellphone eh ayaw namang intindihin ang tawag ko,” sabi niya. Ibinili niya kasi ito ng cellphone noong isang beses na malaki-laki rin ang nabingwit niyang pera. Ngayon ay ilang beses niya na itong tinatawagan, ring lamang nang ring pero walang sumasagot.
“O tignan mo, pinatayan pa ako.” sabi niya dahil ang pag-riring ay napalitan na ng “The number you have dialed is unreachable as of the moment, please try again later.”
Napatayo siya sa inuupuang mesa nang isa sa mga barkada ng anak niyang si Gerald ang humahangos na pumunta sa kanilang bahay, tagaktak ang pawis nito at natataranta. “Kuya Hans! Si Gerald ho nasaksak raw sa kabilang barangay!” sabi nito.
Dali-dali nilang pinuntahan ng kanyang misis ang kinaroroonan ng anak, naisugod na pala ito ng mga tanod sa ospital. Pagdating nila roon ay ganoon na lamang ang panlulumo niya nang makitang nakatalukbong na ito ng puting kumot sa emergency room.
“Sir, 18 saksak po ang tinamo ng anak ninyo, dead on arrival po siya,” sabi ng doctor. Napasandal si Hans sa pader dahil nanghihina ang kanyang tuhod, pumalahaw naman ng iyak ang kanyang misis. “Diyos ko po!!” sigaw nito.
Nilapitan siya ng tanod at tinapik ang kanyang likod. “Condolence Hans. Nakita sa CCTV na may nagnakaw ng cellphone ng anak mo pero nanlaban siya, may dala palang ice pick ang magnanakaw kaya inundayan siya ng maraming saksak..Sinubukan naman namin na itakbo siya agad pero di na talaga umabot.”
Parang nabingi na si Hans sa mga sinasabi nito. Alam niya kasing siya ang may kasalanan ng lahat, nagnakaw siya ng cellphone ng ibang tao kaya nanakawan rin ang sarili niyang anak, ang masakit pa, hindi pa nakuntento ang kawatan kaya pinaslang pa ito. Kinamuhian niya ang kanyang sarili, sana, siya nalang.
Ganoon naman ang buhay eh, kapag may ginawa kang mabuti man o masama sa kapwa, kadalasan, hindi sa iyo ang karma noon kundi sa mga mahal mo sa buhay. Doble pa ang balik. Kaya sana ay palagi nating piliin na gumawa ng tama.