Inday TrendingInday Trending
Akala ng Lalaking Mula Australia ay Hindi na Niya Mahahanap ang Mag-ina Niya sa Pilipinas; Hanggang sa Isang Mabait na Bata ang Nagturo ng Kinalalagyan ng mga Ito

Akala ng Lalaking Mula Australia ay Hindi na Niya Mahahanap ang Mag-ina Niya sa Pilipinas; Hanggang sa Isang Mabait na Bata ang Nagturo ng Kinalalagyan ng mga Ito

Napangiti si Ronald nang malanghap niya na ang sariwang hangin sa probinsya, mas pinili niyang isara ang aircon at buksan na lamang ang bintana ng kotse. Mas masarap kasi sa pakiramdam at nagbibigay ng aliwalas sa kanyang dibdib. Kahit paano ay natatanggal ang kabang nararamdaman niya. Saglit siyang nalito dahil ang laki na ng ipinagbago ng lugar na ito, noong huling dumalaw siya rito ay inihatid niya ang nobyang si Gloria, walong taon na ang nakalilipas. Tandang tanda niya pa, nag iiyakan pa silang dalawa noon dahil mag-aabroad siya.

Ayaw niya sanang iwan si Gloria, kaya lang ay buntis ito noon kaya mas lalong kailangan niyang kumayod sa ibang bansa. Sabi niya pa nga, pakakasalan niya ito pagbalik niya, pero di na niya iyon nagawa. Naaksidente kasi siya sa Australia, matagal siyang comatose at noong isang buwan lamang siya nagising. Parang kahapon lang ang lumipas, pero walong taon ng buhay niya ang nawala. Sana, hindi pa huli ang lahat sa kanila ni Gloria, kumusta na kaya ito?

“Teka, saan na ba ang likuan dito?” tanong niya sa sarili, ang dami na kasing pasikut sikot ngayon, bukod doon, ang mga palatandaan niya noon para makapunta sa barangay nina Gloria ay tanging mga poste lamang. Pero di na niya mahanap pa ang mga posteng iyon. Naisipan niyang bumili muna ng softdrinks sa natanaw niyang sari-sari store at doon na rin magtanong ng direksyon.

Pagbaba niya ng kotse ay napatanaw pa sa kanya ang isang batang lalaki, hangang-hanga ito sa sasakyan niya. Palibhasa sa probinsya ay hindi uso ang may sasakyan, kapag may kotse ka, mayaman kana.

“Ate pabili nga hong softdrinks, paki-plastic nalang ho,” sabi niya sa tindera. Nang iabot niya rito ang bayad ay muli siyang nagtanong, “Ate, saan nga ho dito yung Barangay Camalig? Iyon hong kina-” bago pa man siya nagsalita at bago pa man din makasagot ang tindera ay nagsalita na ang batang lalaking nakatambay sa gilid ng tindahan.

“Ako ho Sir alam ko, malapit lang iyon sa amin,” sabi nito.

“Ayan, taga roon nga iyang si Raymond, samahan mo nga Mond.” sabi nito sa bata.

Napangiti siya, ang bibo kasi nito. “Ano, samahan mo ako?” sabi niya rito.

“Sige po, maglalakad nalang po ako, sabayan nyo na lang ako ng sasakyan nyo. Marumi kasi ang paa ko.” sabi nito, napansin niya ngang walang tsinelas ito.

“Ano ka, ang gaspang ng daraanan. Magsusugat ang paa mo, lika na. Sakay na,” utos niya rito. Tila naman namangha ito nang malamang makakasakay ito sa kotse. Talagang inikot nito ang paningin sa loob ng sasakyan niya at hinipo pa ang bawat parte noon.

“Wow, ang lambot! Ang bango rin, ang yaman nyo ho siguro no? Sino’ng pupuntahan nyo po sa Barangay Camalig?” usisa nito.

“Mag ina ko,” simpleng sagot niya na nakangiti.

“Wow, ang yaman siguro nila. Wala naman po akong napansing malaking bahay sa Barangay Camalig nung minsang tumira kami roon. Ano ho ang pangalan nyo Sir?”

“Ronald, ikaw si Raymond tama?” sabi niya habang nagmamaneho.

“Oho, naku di maniniwala ang nanay ko na nakasakay ako sa kotse.” sabi nito, pero nanlaki bigla ang mata nang maalala nito ang ina, “Patay! Sabi niya nga pala umuwi ako agad pagkabili ko nitong toyo, eh napanood ako ng TV sa tindahan ni Aling Nimfa.” problemadong sabi nito.

“Hala ka, tuyot na ang adobo ng nanay mo, wala pang toyo.” natatawang sabi niya sa bata. Ewan ba niya kung bakit ang gaan-gaan ng loob niya rito, siguro kasi ay nawawala ang tensyong nararamdaman niya dahil rito. Ang daldal kasi at ang daming tanong, nakakatuwa.

“Dito na ho ako,” sabi nito at itinuro ang isang bahay na gawa sa kahoy, maaliwalas iyon at may tanim na mga gumamela, naalala niya tuloy si Gloria, mahilig ito sa mga bulaklak. Kung malalaman niyang may asawa na ito ay masasaktan siya ng sobra, pero kailangan niya nang ihanda ang sarili dahil ayon sa bata ay isang liko na lang,Barangay Camalig na. Malapit na niya itong makaharap.

“Sir?” nagising siya sa pag-iisip dahil sa pagtawag nito, akala niya ay nakababa na ito. Iyon pala ay binuksan lang nito ang pinto ng sasakyan at hindi pa bumababa.

“A-ano yun?” wala sa loob niyang tanong.

“Sabi ko ho, kung pwede ho ba ninyong sabihan ang nanay ko na sinamahan ko kayo kaya hindi ako nakauwi agad. Baka ho kasi pagalitan ako,” sabi nito. Tumango naman siya kaya natuwa ang bata, hawak niya pa ang kamay nito pagkababa ng sasakyan pero tumakbo ito pagdating sa bakuran. Nagsisigaw ito roon, “Nay! Nandito na ako! May kasama akong naka-kotse!” proud na sabi nito.

Mula sa loob naman ay sumagot ang babae, “Bata ka oo! Nag alala na ko sayo, sabi mo’y saglit ka lang. Hindi ka pa nag-tsinelas, naku ka talaga Raymond-” hindi na nito naituloy ang sasabihin nang makita siya.

Maging siya man ay parang tumigil ang mundo, hindi niya akalaing makikita niya ulit ito.

Si Gloria.

“Raymond, pumasok ka muna sa loob.” sabi nito. Simple lamang ito, maiksi ang buhok pero hindi maitatangging di pa rin kumukupas ang natural na kagandahan. Ito pa rin ang Gloria na kinahumalingan niya noon.

Dismayado ang puso ni Ronald, dahil halata namang may pamilya na ito, ayaw niya nang makagulo pa pero hindi naman siya matatahimik kaya nagpaliwanag na rin siya. Inilahad niya rito ang mga nangyari sa kanya sa abroad, hindi niya naman inaasahan pang maniniwala ito. Kahit sino naman ay magsasabing nagsisinungaling siya at tumatakas lamang sa responsibilidad.

“Hindi kita masisisi Glo kung hindi ka naniniwala sa akin, pero sana alam mo, dito sa puso ko totoo ang lahat ng yon. Sana wag ka nang magalit sa akin, patawarin mo ako sa mga panahon na wala ako sa tabi mo.” sabi niya at akmang tatalikod na, wala naman kasing reaksyon ang babae. Nakatitig lamang ito sa kanya.

Nagulat pa siya nang magsalita si Gloria, “Matagal ka na naming hinihintay ng anak mo, si Raymond..” halos pabulong nitong sabi.

Nanlaki ang kanyang mga mata, all this time pala ay hinihintay lamang siya ni Gloria. Patakbo niya itong niyakap, maya-maya pa ay naramdaman niyang may yumayakap sa kanyang baywang. Ganoon na lamang ang pagtulo ng luha niya nang makita ang anak, bakit ba hindi niya napansing pareho sila ng mga mata? Kaya pala ang gaan ng loob niya rito.

“Grabe, may kotse ang tatay ko.” pabulong na sabi ng bata sa sarili. Nagkatawanan naman si Gloria at Ronald nang marinig iyon.

Isang buwan lamang ang naging preparasyon at nagpakasal na ang dalawa, katwiran ni Ronald, masyado na silang matagal na naghihintay. Ngayon ay nagdadalantao si Gloria sa ikalawa nilang anak.

Walang pagsubok na makakatalo sa pusong tunay na nagmamahal.

Advertisement