Inangkin ng Babae ang Recipe ng Barbeque na Nagpayaman sa Kaibigan; Isang Nakakapangilabot na Pagsubok ang Kinaharap Niya Dahil Dito
Ilang lingo nang walang ginawa si Regina kung hindi magsabi ng mga hinaing sa buhay sa matalik na kaibigang si Lalaine.
Napakalaki ng problema nito sa pera. Paano ba nama’y nakulong ang anak nito dahil nahuling nagbebenta ng droga. Positibo din ito sa paggamit ng bawal na gamot. Gusto nitong piyansahan ang anak at agad na ilabas ng kulungan.
“Pabayaan mo siyang makulong, Regina. Nasa wastong edad na si Shewin. Kailangan niyang makulong at pagbayaran ang maling nagawa niya. Malay mo, paglabas niya doo’y magbagong buhay siya.” Payo ni Lalaine sa kaibigan.
Ngunit hindi talaga matiis ni Regina ang anak. Kahit hinihimok ng kunsensiya’y buo na ang plano niyang nakawin ang secret recipe ng napakasarap na barbequeng itinitinda nito.
Limang taon pa lamang ang negosyong barbeque-han ni Lalaine at asawa nitong si Javier ngunit napakarami nang naipundar ng mga ito. Sapagkat may magandang trabaho naman si Javier ay wala sanang balak ang mag-asawa na magnegosyo pa, lalo na’t alam nilang sakit lamang sa ulo ang paghahawak ng mga magiging empleyado sapagkat hindi naman agarang sila’y makakakuha ng mga mapagkakatiwalaang tao. Ngunit sa suporta ni Lalaine at sa tiyaga nitong kumuha ng malalayong kamag-anak upang mamasukan sa mag-asawa’y nakumbinse silang magbukas ng barbeque-han.
Tuwing handaan kasi’y kauna-unahang nauubos ang dala ng mag-asawang barbeque. Kakaiba kasi ang linamnam nito kahit wala pang sawsawan. Ngunit lalo pa itong sumasarap tuwing isasawsaw sa sukang pinakurat na may espesyal na timplang si Javier at Lalaine lamang ang nakakagawa. Kabi-kabila rin ang nagrerequest at nagpapaluto sa mag-asawa lalo na tuwing pasko at bagong taon.
Masamang-masama ang loob ni Regina. Noon ay nalalapitan niya naman ang mag-asawa, isang sabi niya lamang na wala siyang pambili ng bigas, pagkain, o pang-renta sa bahay ay agad na nagbibigay ang mga ito. Ngunit ngayong buhay ng kaisa-isang anak niya ang nakasalalay ay tila gustong-gusto pa ng amigang magdusa ito sa kulungan.
“Palibhasa masarap ang buhay nitong si Lalaine dahil may matinong asawa, hindi man lamang naisip na ako’y di gaya niyang buhay reyna. Minalas ako’t nakapangasawa ng walanghiya’t babaero. Sumalangit nawa ang magaling kong asawa pero hayop pa din siya!” Pagmamaktol ni Regina sa pinsan niyang si Odet, isa sa mga namamasukang taga-ihaw ng mag-asawa.
“Intindihin mo si Madam Lalaine, Ate Regina. Tama naman ang punto niya. Kapag pyinansahan mo si Sherwin ay para mo na rin siyang kinunsinte.” Pagtatanggol ni Odet sa napakabait na mag-asawang amo.
“Ah, ganon. Tandaan mo, tauhan ka lang ng mga iyan. Oras na magkasakit ka, para ka lang lumang gamit na ipapatapon niyan sa Romblon. Kasi hindi ka na nila pakikinabangan! Huwag kang masyadong magpakaalipin sa mag-asawang iyan.” Naiiritang giit ni Regina sa kaniyang pinsan.
Tila hindi naman natinag si Odet. Paano’y saksi ito na hindi lamang empleyado ang tingin sa kanila ng mag-asawa. ito pa nga ang nagsusustento ng buwanang gamot ng asawa niyang may polio at pinapaaral din ng mga ito ang panganay niyang anak na ilang buwan na lamang ay magtatapos na sa kolehiyo.
Hindi na lamang ito kumibo. “O siya, bahala ka. Magtatrabaho na ako. Marami pang customers.” Sabay talikod ni Odet kay Regina.
Palakad-lakad si Regina sa loob ng store ng mag-asawa at palihim na inoobserbahan kung paano gawin ang barbeque. Palibhasa’y kilala niya ang lahat ng empleyado dito’y wala ni isang nakahalata sa kaniyang pagmamasid. Ngawit na ang mga paa ni Regina sapagkat maghapon na siyang nakatayo’t palakad-lakad doon. Nang maupo siya’y may napansin siyang isang maliit na notebook na nakaipit sa may bandang ilalim ng lababo, nakabalot pa ito sa plastik. Tila iniingatan ito upang hindi masira o mabasa.
Agad niya itong dinampot, hinarangan pa niya ang CCTV camera bilang kabisado na niya ang pasikot-sikot sa store.
Tumungo siya sa banyo at doon binuklat ang notebook. Bingo! Naroon ang mga sangkap ng pinakamasarap ng barbeque sa buong mundo!
Nang isa-isa niyang binabasa ang sangkap ay nagtayuan ang mga balahibo ni Regina. Masuka-suka siya habang nanginginig ang kamay sa pagkakahawak ng maliit na notebook na iyon. Kaya pala napakasarap nito’y hindi baboy ang ginagamit na karne dito! Bagkus laman ng tao na nakalahad pang hinahango ng mag-asawa sa funeraria!
Tulirong-tuliro si Regina. “Sabi ko na nga ba! Bait-baitan ang mag-asawang ito! May karimarimarim at malupit na lihim pala ang mga ito!” Saad niya sa sarili.
Upang magpalakas sa mga pulis ay agad itong tumungo sa police station upang isuplong ang kababuyang ginagawa ng mag-asawa.
Nang mag-ikot ikot naman si Javier sa kanilang store ay napagtanto nitong nawawala ang notebook na pinagkakatago-tago nilang mag-asawa. Napailing na lamang ito at agad na tumingin sa kaniyang cellphone, tila tinitignan kung may tumawag o tumatawag sa kaniya. Naalala niyang maghapon nga palang nagbabad doon ang problemadang matalik na kaibigan ng asawa niya. Napailing na naman ito. Agad naman nitong tinignan ang CCTV sa store at nakumpirma niyang si Regina nga ang dumampot nito.
Nang makarating naman sa police station ay humahangos pa si Regina. Sa isip niya, baka mapadali ang paglabas ng kaniyang anak sa kulungan sa gagawin niyang pangbibisto sa kahayupan at kababuyan ng mag-asawa. Ngunit wala siyang kaalam-alam na siya pala ang huli sa bitag.
Lingid sa kaalaman nito’y matagal nang alam ng mga pulis ang tungkol sa nakuha niyang notebook at sinumang makakuha nito’t magsuplong ang siyang nagnakaw nito.
Agad niyang inilahad sa sarhento ang planong palihim na pagkuha ng recipe at buwelta niya’y kahit masama ang balak niya sa umpisa’y malaking bagay ang natuklasan niya. At para ito sa ikabubuti ng karamihan. Lalo na’t buong kamaynilaan ay baliw na baliw sa barbeque ng mag-asawa.
“Para ho ako’y lubusan ninyong paniwalaan, ito pa ho ang notebook na naglalaman ng impormasyon. Malaking ebidensiya ho ito!” Pagbibida ni Regina.
“Ma’am Regina Suarez, kayo po ay inaaresto namin sa salang pagnanakaw.” Saad ni Sarhento Martinez.
Akmang poposasan ng mga pulis si Regina ngunit biglang dumating ang matalik na kaibigan nitong si Lalaine.
Hindi maintindihan ni Regina ang nangyayari. Tila siya’y binabangungot lamang. Kinukurot niya ang sarili ngunit lahat pala ito’y tunay. “Ano nga ba’ng nangyayari???” Saad niya sa sarili.
“Regina, pangalawa ka na sa nagtangkang magnakaw ng aming recipe. Dahil inaasahan na naming mangyayari ito, sinadya naming palabasing nakakadiri ang mga sangkap ng aming barbeque upang ang sinumang magtangkang gayahin ito ay dumiretso kay sarhento o sa mga pulis. Hindi na kami mahihirapang tuntonin ang salarin bilang sila na mismo ang lalapit sa mga kapulisan. Mahal na mahal kita at para na rin kitang tunay na kapatid! Ngunit paano mo ito nagawa sa akin?” Lumuluhang saad ni Lalaine.
Tila tumigil ang mundo ni Regina. Pahiyang-pahiya siya sa kaniyang sarili.
“Kung nagawa nating patawarin si Odet, honey… Patawarin na natin si Regina. Alam kong desperada lang siyang mailabas ang anak niya sa kulungan kaya niya ito nagawa. Pero alam ko namang mabuting tao siya.” Saad ni Javier.
Hindi makapaniwala si Regina sa narinig. Si Odet na kaniyang pinsan pala ang unang nagtangkang magnakaw at sa halip na ipakulong nila ito’y tinulungan pa nila.
Lumuhod si Regina at humingi ng tawad sa mag-asawa. Agad naman siyang hinila ni Lalaine mula sa pagkakaluhod at itinayo, saka niyakap siya ng mahigpit.
“Tama ka, Lalaine. Aminado akong hindi naging maayos ang pagpapalaki ko sa aking anak kaya’t hahayaan kong pagbayaran niya ang mga kasalanan niya.” Humahagulgol na sambit ni Regina.
Pagkalipas ng limang taon, nabalitaan ni Regina na sa susunod na buwan ay makakalaya na ang kaniyang anak na si Sherwin. Ayon sa mga pulis, napakalaki daw ng pagbabago nito at isa na ito sa mga worship leaders sa kanilang simbahan sa bilangguan.
Limang taon na rin ang nakalipas ng siya ay umuwi sa probinsya nila sa Romblon. Ang pampuhunan na ipinagkaloob sa kaniya ng mag-asawa para makapagsimula ng maliit na babuyan ay kaniyang napalaki. Ang noong limang baboy na inaalagaan niya’y nasa mahigit isang daan na. Nakabili na rin siya ng mga bakanteng lote at kaniyang tinaniman ng palay at mais.
“Mama! Nabalitaan ko ang nangyari sa ‘yo. Patawarin mo ako at nagawa mo pang pagtaksilan ang bestfriend mo dahil lang sa kabulastugan ko! Ngayong malapit na ako kay Lord, magsisimula akong muli at titiyakin kong magiging proud ka na sa akin.”
Labis ang naging pagbabago ni Sherwin. Nang makapagtapos ito sa kursong pagpapastor ay naging tagapagsalita ito sa kanilang simbahan sa Romblon. Napakarami nitong natulungang kabataang napariwara.
Kung ang Diyos nga’y nakakapagpatawad, sino ba naman tayo upang hindi magpatawad? Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?