Dahil Palaging Sawi sa Pag-ibig ang Kanyang Kapatid at Ina, Nagalit na sa mga Lalaki ang Dalaga, Nagbago Lahat Nang Makilala Niya ang Gwapong Boss
”Kapal talaga ng mukha ng Julius na ‘yon! Nalaman kong may bago na palang kinakasama ang walanghiya! Ni singkong duling hindi makapagbigay sa anak!” Pulang-pula sa galit na saad ni Girlie.
“Girlie, kahit naman single mom ka, kayang-kaya mong buhayin mag-isa ang anak mo! Huwag ka nang magsisigaw sa galit at baka marinig ka pa ni Samantha.” Pananaway ng ate nitong si Cristelle.
Nag-aalala si Cristelle sapagkat matalino ang kaniyang kaisa-isang pamangkin na si Samantha. Sa oras na malaman nito kung anong klaseng tao ang ama niya’y baka marumihan ang malinis nitong pag-iisip.
Tila naliwanagan naman ang kapatid na si Girlie.
“O siya,sige Ate. Matulog ka na’t maaga ka pa bukas. Unang araw mo sa trabaho, hindi ka puwedeng ma-late. Ako nang bahala magpainom ng gamot kay Mama.” Bilin ni Girlie sa kaisa-isang kapatid.
Kung hindi pa sinabi ni Girlie na bukas na nga pala ang unang araw niya sa opisina ay hindi pa ito maaalala ni Cristelle. Abala kasi ito sa pag-aasikaso sa nalalapit na kaarawan ng kanilang inang si Aling Josie.
Hindi na nakilala ni Cristelle ang kaniyang ama sapagkat hindi siya nito pinanagutan nasa sinapupunan pa lamang siya.
Akala ng kaniyang ina’y sinuwerte siya sa pangalawang lalakeng dumating sa buhay nito ngunit iniwan din siya nito matapos anakan at nagpakasal sa isang mayamang matandang negosyante.
Kaya’t ganoon na lamang ang galit ni Aling Josie nang malamang buntis ang anak na si Girlie. Mukhang naaamoy na rin nitong hindi matinong lalake si Julius. Bukod sa babaero at nananakit ay grabe pa ito kung uminom ng alak at manigarilyo. Nahuli na rin itong gumagamit ng bawal na gamot.
Kinaumagahan ay maagang nakarating ng opisina si Cristelle. Sa sakayan pa lamang ng jeep hanggang sa loob ng bagong opisina ay pinagtitinginan ito. Ibang klase talaga ang beauty ng dalaga. Mapababae o mapalalake ay talagang napapalingon dito.
Sa edad na 25 ay hindi pa nagkakaroon ng karelasyon si Cristelle. Paano ba nama’y malaki ang galit nito sa mga kalalakihan. Para sa kaniya, panget man o guwapo, mayaman man o mahirap; iisa lamang ang bituka ng mga ito. Lahat ng lalake ay mangloloko.
“Ms. Cristelle. Hi, I’m Arjo. I’m you supervisor.” Pagpapakilala ng isang matangkad at guwapong lalake.
Napatingin naman si Cristelle sa kamay nito. Sa hindi niya malamang dahilan, agad niyang tinignan kung may singsing ba ito bilang tanda na kasal na ito.
Nahalata kasi niyang ang lagkit ng mga tingin nito. Napatanong si Cristelle sa sarili. Tila nanghihina siya sa presensiya ng bagong supervisor.
“Uhm… Hindi po ako kasal, Ms. Cristelle. I’m single. Napansin ko kasing nakatitig ka sa kamay ko, baka kako tinitignan mo kung may wedding ring ako.” Pagbibiro ni Arjo sa dalaga.
“Excuse me, sir? Wala ho akong intensyong malaman ang relationship status ninyo! Napatingin lang ako sa kamay niyo pero walang ibig sabihin ‘yon.” Nakataas pa ang kilay na sambit ni Cristelle sa binata.
Tila napahiya naman si Arjo kaya’t nanahimik na lamang ito.
Buong araw ay halos hindi nagkikibuan ang dalawa sa opisina. Matapos ilahad ni Arjo ang mga gagawin ay hindi na ito nagsalita pa. Tuwing may tanong ang dalaga ay saka lamang ito sasagot.
Unti-unti namang nakaramdam ng hiya si Cristelle. Baka nga naman nagiging pakakaibigan lamang ang boss niya kaya’t ganoon kung umakto.
Nang pauwi na’y nagtataka si Cristelle kung bakit tila may sinusundo si Arjo sa loob ng clinic ng opisina. Isa itong matandang babae na nakasakay sa wheelchair.
“Ma, kamusta araw mo? Hayaan mo, konting tiis na lang. Malapit na rin ang resignation ko. Ilang lingo na lang akong papasok, pagkatapos noon ay wala na akong ibang iintindihin kung hindi alagaan ka.
Tila hinimas naman ang puso ng dalaga sa nakita.
Mula nang masaksihan ang senaryo nang gabing iyon ay ipinakita ni Cristelle sa binata ang tunay niyang ugali. Palakaibigan, mabait, at malambing ito. Sadyang mula pagkabata lamang ay tumatak sa isip niya ang pag-aabandona ng ama sa kaniya at lahat ng mapapait na karanasan ng kaniyang ina at kapatid sa mga masasamang lalake.
Lumipas lamang ang ilang lingo at tila’y matalik na matalik na magkaibigan na kaagad ang dalawa.
Nagpasya si Cristelle na imbitahin ang binata sa kaarawan ng ina. Agad naman siya nitong pinaunlakan at tila excited na excited pa itong parang bata. Palibhasa’y laging laman ng kuwento niya ang pamangkin na si Samantha, kaya’t gustong gusto itong makilala ng binata.
“Nga pala, anong sasabihin mo kay Mama kapag pinakilala mo ako? Puwede bang boyfriend ang pagpapakilala mo sa akin?” Malambing na saad ng binata.
Kilig na kilig naman si Cristelle ngunit ayaw na niyang magkamali ulit. Nang sabihin niya sa binata ang saloobin ay naintindihan naman nito iyon.
Nang dumating sa kanilang bahay ay agad na ipinakilala ni Cristelle si Arjo sa kaniyang nanay at kapatid. Tila wala namang nakita ang mga ito at hindi man lamang nginitian si Arjo. Hiyang-hiya naman ang dalaga dito.
Maya-maya’y may narinig silang tila nagbabalibagang gamit sa harap ng kanilang bahay.
Si Julius! Pinagbababato na ang kanilang bahay at may hawak pa itong baril.
“Ipakita ninyo sa akin ang anak ko! Kung hindi ay magkakamatayan tayo!” Namumula ang mga mata nito at halatang wala sa katinunan.
“Daddy! Daddy!” Hindi namalayan ng lahat, sa bilis ng mga pangyayari ay tumakbo palabas ng bahay ang batang si Samantha. Takot na takot si Cristelle at humahangos, hinabol nito ang pamangkin at pinigilang lumapit sa amang wala sa katinuan at may hawak pang baril. Agad namang sumunod si Arjo sa dalaga.
Hanggang sa may narinig silang putok ng baril.
Nagulat ang lahat ng makitang nakahandusay sa lupa si Arjo, duguan ito at may tama ng bala sa tiyan.
Agad na isinugod si Arjo sa ospital. Kinuyog naman ng taumbayan si Julius, binugbog ito at dinala sa presinto.
Hindi naman malaman ni Girlie at Aling Josie ang gagawin. Ang lalakeng tinatarayan lamang nila kanina ang nagligtas ng buhay ng dalawa sa mga pinaka-importanteng tao sa kanilang buhay.
Walang humpay ang iyak ni Cristelle. Naalala pa nitong wala nang ibang mag-aaruga sa di makalakad na ina ni Arjo. Naisip niya rin na handa nitong ibuwis ang kaniyang buhay para sa kaniya. Magsisinungaling lamang siya sa sarili kung sasabihing hindi niya ito mahal. Mahal na mahal niya na ito at natatakot lamang siyang magkamali.
Nang matanggal na ang bala sa katawan ng pobreng binata ay halos hindi humihinga ang magiina sa balitang ihahatid ng doktor.
“100% na natanggal po namin ang bala sa kaniyang tiyan. Wala naman hong tinamaang organ. Ligtas na ho siya sa kapahamakan. Sinalinan na din namin siya ng dugo. Magandang balita ng doktor sa mag-iina.
Ilang araw ding nagtagal sa ospital si Arjo. Sa mga panahong iyon ay ang mag-iina ang nag-aruga sa nanay nitong maysakit.
Tila tuwang-tuwa pa ang nanay nito na may bago na siyang mga kaibigan at kakuwentuhan. Palibhasa’y lalake si Arjo at hindi nito alam ang mga bagay na gustong pagkuwentuhan ng ina gaya ng mga drama sa TV tuwing hapon at gabi.
“Kailan na ba kasi ang kasalan?” Tanong ni Aling Josie sa anak.
“Pagkagaling po ni Arjo, Mama. Ibibigay ko na ang kamay ko sa kaniya. Tutal ay botong boto naman kayo ni ate sa kaniya.” Sagot ng dalagang abot hanggang tainga ang ngiti.
“Magaling na magaling na ako! Halika na’t magpakasal na tayo!” Sagot ng akala nila’y natutulog na si Arjo.
Nagtawanan na lamang ang lahat at kinilig nang maglapat ang mga labi ni Arjo at Cristelle.
Naniniwala ba kayo na hindi lahat ng lalake ay manloloko? Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?