Pinagtatawanan ng Tindera ng Manok ang Babaeng ito Dahil Puro Paa Lang ang Binibili Nito; Hindi Pala Biro ang Pinagdaraanan ng Dalaga
“Heto na naman si Ms. Paa. Hindi ba nananawa sa paa ng manok iyong mga kasama mo sa bahay?” Natatawang pang-aalaska ni Maribel sa kaniyang suki. Ngunit gaya ng dati, umiling lamang ito at bahagyang ngumiti.
“Baka naman puwedeng samahan mo minsan ng laman. Malas kasi iyang ganyan, umagang-umaga ang buena mano ko’y bibili ng paa.” Saad ng tindera habang nakataas pa ang isang kilay. Hindi na ito nakapagpigil. Paano ba naman ay ilang buwan nang mahina ang kita nito sa palengke. Mabuti na lamang at malakas kumita ang asawa niyang engineer sa ibang bansa.
“Naku, pasensiya na po. Naka-budget po kasi lahat ng pera ko. Sige po, alis na ako. Pinabantayan ko lang kasi ang alaga ko sa kapitbahay namin.” Nahihiyang saad ni Sarah.
“Sige sa susunod na ikaw ulit ang buena mano ko, hintayin mo munang may maunang bumili sa iyo o kaya’y sa iba ka na lamang bumili. Malas talaga e, ilang buwan na.” Giit ni Maribel.
“Huy Maribel, aba’y sobra ka. Di bale, Miss. Bukas ipagtatabi kita ng mga paa ng manok. May kumukuha na kasi sa akin niyan, kinontrata ako. Bukas ipagtitira kita, sa akin ka na kumuha.” Wika ng mabait na tinderang si Aling Susan.
“Salamat po, mga limang kilo po sana. Babalikan ko bukas. Ito na nga po pala ang bayad Pasensya na po kayo, Madam.” Malumanay na tugon ni Sarah.
Pag-uwi sa bahay ay naroon naman ang pamangkin nitong si Nate. Isa itong special child at ipinanganak na nakalabas ang bituka. Lahat ng perang kinikita ni Sarah sa pagtatrabaho bilang bantay ng computer shop sa gabi at pagtitinda ng paa ng manok sa umaga’y dito lamang napupunta. Binawian ng buhay sa panganganak ang kaniyang ate na nanay ni Nate. Hindi na rin nila nakilala pa ang tatay nito.
Maagang naulilang lubos ang dalagang si Sarah. Na-aksidente ang kaniyang ama habang nagtatrabaho bilang construction worker at sumunod naman ang kaniyang inang nagkaroon ng sakit sa puso.
Wala nang ibang inaasahan si Sarah. Mayroon man siyang malalapitan na mga kamag-anak ay ayaw niya namang umasa sa mga ito. Tumutulong man ay hindi naman niya ito maaasahan buwan-buwan kaya’t nagpasya siyang akuin mag-isa ang responsibilidad. Highschool graduate si Sarah at hindi na nito nagawang makapagpatuloy ng pag-aaral. Sayang at napakatalino pa naman nito.
Habang naglalakad pauwi ang 2nd year highschool na si Trixie ay kumukulo na ang tiyan nito. Palibhasa’y hindi siya nakakain sa eskuwelahan sapagkat naiwan niya ang kaniyang baon sa bahay. Sa sobrang gutom ay para siyang asong naglalaway sa naaamoy. “Ang bango! Amoy adobo! Pinaparusahan yata ako.”
Paglingon niya’y nakita niya ang isang babaeng naghahalo ng ulam sa kawali. Mukhang malinis naman ang puwesto nito at sa katunaya’y maganda at napakakinis pa nga ng babaeng tindera.
Agad siyang lumapit dito. “Ate magkano po iyan?”
“5 na lang sa iyo, tutal ay estudyante ka pa lang. 7 kasi talaga ang isa nito. May kanin din akong tinda, 5 ang isa.”
Pinagsama-sama na lamang ni Trixie ang mga barya sa kaniyang bag at bulsa. Swerte namang nakalikom siya ng 15 pesos.
Sa kasarapan ng pagkain ay may narinig siyang batang umiiyak sa loob ng maliit na bahay sa gilid ng tindahan. Agad pumasok ang tindera sa loob.
Sinundan niya iyon ng tingin at nagulat siya nang makitang nakaratay lamang ang bata at tila may supot na nakakabit sa tiyan nito. Awang-awa siya sa kundisyon ng bata’t napaluha.
Maya-maya’y dagsa na ang tao na bumibili ng paa ng manok. Habang buhat ang alaga’y di magkandaugaga si Sarah sa pagtitinda.
Walang paa-paalam na kinuhanan ng video ni Trixie ang dalaga habang nag-aalaga at di magkanda ugagang nagtitinda. Tinulungan niya rin iyong magtinda hanggang sa maubos ang mga paa ng manok.
Pag-uwi sa bahay ay agad niya itong ipinost sa Facebook. Inilagay niya rin ang numero ni Sarah upang makontak ito ng mga taong gustong tumulong.
“Nak, baka magkasakit ka niyan sa pinaggagagawa mo! Hindi ka kumakain!” Pabulyaw ngunit naglalambing na paalala ni Maribel sa anak.
“Ang sarap ng kinain ko, ma! Adobo siya pero paa lang ng manok. Masarap pala iyon? Ang bango kasi kaya hindi ko na napigilang kumain.” Pagmamalaki ni Trixie sa ina.
“Saan iyan? Baka mamaya’y magkasakit ka niyan. Hindi puwede yang ganyan na kakain ka na lang kung saan-saan.” Giit ni Maribel sa anak.
“Tignan mo pa ‘tong pictures, ma! Ang ganda pa nga ng tindera. Ang linis ng tindahan. Pinipilahan nga iyan.”
Nang makita ang litrato sa cellphone ng anak ay patuloy sa pagtingin si Maribel hanggang sa mapanood nito ang video.
Napatakip ng bibig si Maribel sa nakita. Ito ang babaeng pirming buena mano niya. Ang babaeng kinaiinisan niya!
Niyakap na lamang niya ang anak. “Nak, proud na proud ako sa ‘yo. Kita ko sa video na tumutulong ka pa oh. Ang tabachingching ng tumutulong magtinda!” Pagbibiro niya sa anak.
Kinabukasan ay ipinatabi ni Maribel sa kaniyang mga tauhan ang lahat ng paa ng manok na dapat ay ititinda niya at tumungo sa bahay ni Sarah kasama ang anak na si Trixie.
Nagulat sila nang makitang lagpas hanggang kanto na ang pila sa maliit na tindahan nito. Ang dami na ring kumukuha ng video dito at may mga reporter pa na pumapanayam dito.
“Ayan yung naglagay sa Facebook ng video! Yung bata!” Wika ng isa sa mga cameraman.
Agad namang nagpulasan ang mga taga media at lumapit kay Trixie. Bilang pangarap talaga nitong maging isang sikat na reporter ay pacharming-charming pa ito habang nagpapa-interview. Sa gilid ay tatawa-tawa na lamang si Maribel at proud na proud sa anak.
“Madam, mukhang ang dami niyong ibibigay na paa ng manok kay Sarah. May pinagmanahan pala talaga ang anak! Ano po bang pakiramdam ninyo na sa murang edad ng anak ninyo ay nakatulong siya ng malaki sa isang pobreng kagaya ni Nate at Sarah?”
Kabadong-kabado si Maribel at hindi alam ang isasagot nang biglang lumapit si Sarah.
“Maraming salamat po, Ma’am Maribel sa pagpapalaki ng isang mabuting tao sa katauhan ni Trixie. Mula po ngayon ay hindi ko na kailangang solohin ang lahat. Marami na pong nag-offer na tulungan kami. Kahit ako po’y pag-aaralin daw nila ng kolehiyo.” Lumuluhang sambit ng dalaga.
Agad namang niyakap ni Maribel si Sarah at lubos ang pagsisisi nito sa nagawa.
Gagawin mo rin ba ang ginagawa ni Sarah para sa kaniyang pamangkin? Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?