Inday TrendingInday Trending
Dahil Milyonaryo na, Minamata-mata na Lamang ng Lalaki ang Kapatid na Dating Tumulong sa Kanya; nang Malasin Siya ay Dito Rin Siya Humingi ng Tulong

Dahil Milyonaryo na, Minamata-mata na Lamang ng Lalaki ang Kapatid na Dating Tumulong sa Kanya; nang Malasin Siya ay Dito Rin Siya Humingi ng Tulong

“Ano bang mapapala mo sa pagbebenta ng sabon? Matagal na kitang hinihikayat magtrabaho sa akin. Malaki na nga ang suweldo, kapatid mo pa ang may-ari ng kumpanya. Tanga ka talaga! Ilang taon ka nang nagbebenta ng sabon, ilang taon ka na ring isang kahid, isang tuka!” Inis na giit ni Rico sa kapatid na si Nikki.

Wala namang kibo si Nikki. Ang hindi alam ng kapatid ay mas malaki pa ang kaniyang kinikita sa pagbebenta ng sariling gawang mga sabon kumpara sa inaalok ng kaniyang kapatid na suweldo. Hindi niya lamang masabing natatakot siyang mag-away lamang sila dahil kabisado na niya ang ugali ng kaniyang kuya, lalo na pagdating sa pera.

Ilang beses na siyang inaalipusta ng kaniyang Kuya Rico. Palibhasa’y milyonaryo na ito.

Simula naman nang maging matagumpay ang negosyo nito’y nagpasya itong bumukod na ng bahay kasama ng dalawang anak nito at asawa.

Nang nagsisimula pa lamang ito’y halos ang pagtitinda niya lamang ng sabon ang bumubuhay sa kanilang lahat. Kasama nila sa bahay ang kanilang ina na si Aling Marina at Lolang si Nanay Belinda. Nang mga panahong iyo’y si Rico at asawa pa lamang nitong si Carla ang kasama nila sa bahay. Si Nikki ang nagbabayad ng kanilang kuryente, tubig, at mga pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain.

Nagtataka naman si Nikki sapagkat tila nakalimot na ang kaniyang kuya. Kung mata-matahin nito ang pagbebenta niya ng sabon ay akala mo’y hindi rin siya nakinabang dito.

30 anyos na si Nikki ngunit ngayon pa lamang niya naranasang umibig. Inakala pa nga ng lahat na siya’y tatandang dalaga. Nagpasya siyang ipakilala na ang nobyong si Eric sa ina bilang wala nang ibang binanggit ang nobyo kung hindi pagpapakasal at pagkakaroon ng sariling pamilya.

Mahiyain ang nobyong si Eric, taliwas sa kaniyang Kuya Rico na madaldal at mataas ang kumpiyansa sa sarili. Kaya nang kaniyang ipakilala ito’y tila hindi boto dito si Rico. Lalo na nang malaman nito ang trabaho ni Eric na isang karpintero.

“Isang tindera ng sabon at isang karpintero. Mainam iyan, mamumuhay kayo niyan ng masagana!” Saad ni Rico sa kapatid na si Nikki nang makaalis na si Eric sa bahay ng kanilang ina.

Bilang alam ni Nikki sa kaniyang sarili na mahal na mahal siya nito at kahit hindi limpak limpak ang salapi nito’y napakabuti nitong tao’y sinagot na niya ang kaniyang kapatid.

“Isang walang trabaho at isang empleyado. Mainam ‘yan! Namuhay kayo ng masagana ngayon dahil sinuportahan ko kayo noong mga panahong walang-wala kayo at nagsisimula pa lamang ang inyong negosyo, Kuya!” Naaalibadbarang sagot ni Nikki sa kapatid.

Tila nagpanting naman ang tainga ng kaniyang kapatid sa narinig at akmang sasampalin siya nito.

“Tama na! Huwag kayong mag-away! Bago ka manghusga, Rico ay kilalanin mo muna ng husto si Eric! Ikaw naman Nikki, iwasan mong manumbat!” Nanginginig na awat ni Aling Marina sa mga anak.

Tila may narinig naman silang galabog sa di kalayuan.

Ang kanilang Nanay Belinda! Akmang tatayo ito ngunit nanikip bigla ang dibdib nito kaya’t bumagsak ang pobreng matanda.

Agad nila itong isinugod sa ospital.

“Ma, wala akong mailalabas na pera para sa pagpapaospital kay Nanay Belinda. Malaki ang kailangan kong puhunan sa negosyo, hindi ko puwedeng basta-basta galawin ang pera ng kumpanya.” Saad ni Rico na tila sinusubok ang kapatid. May pambayad naman ito sa ospital ngunit gusto lamang nitong subukan ang kapatid.

“Ako nang bahala, kuya! Hindi nga dapat natin ito pinag-uusapan ngayon. Magpokus tayo sa pagiging maayos ng lagay ni Nanay!” Naluluhang saad ni Nikki. Alalang-alala ito sa nanghihinang si Aling Belinda.

“E di ikaw na magaling! Papalakpak na ba ko? Tignan lang natin kung magkasya iyang kakarampot mong pera. Sa huli’y sa kin ka rin lalapit.” Wika na Rico sa mayabang na tono.

Ilang araw ding kinailangang manatili ni Aling Belinda sa ospital. Nagkaroon ng tubig ang baga nito at may bara ang puso. Nagamot naman ito ngunit gaya ng inaasahan ay napakalaki nga ng bayarin nila sa ospital.

“P340,000 ang bill. Ewan ko ba kay Rico kung bakit dito pa tayo dinala sa pang-mayamang ospital. Nananadya yata talaga ang kapatid mo. Pasensya ka na, anak. Hindi ko na rin alam kung anong nangyayari sa kuya mo. Parehas lang naman ang pamamaraan ko ng pagpapalaki sa inyo. Tila habang dumarami ang kaniyang pera’y nagiging mayabang at inggrato.” Saad ng lumuluhang si Aling Marina sa anak.

Niyakap na lamang ni Nikki ang ina bilang ayaw na nitong gatungan pa ang parehong obserbasyon niya sa kapatid.

“Wow! Mayabang at inggrato pala ako! Samantalang noong bata ako, wala pang muwang yang bidang-bida ninyong anak, nagtitinda ako ng sampalok para lang may makain tayo!” Namumula sa galit na wika ni Rico.

“Nak, pare-pareho lang tayong may sakripisyo. Hindi na para isa-isahin natin iyon. Isang pamilya tayo.” Giit ni Aling Marina.

Agad namang tumalikod si Rico, “Pangatawanan niyo ‘yan! Magagaling kayo e!” At saka ito dali-daling lumayas.

“Hon, ‘wag kang mag-alala. May nabentang lupa si Tatay. Binigyan nga niya ako ng parte. Sobra-sobra pa iyon para masagot na rin ang panggastos sa gamot ni ni Nanay Belinda. Huwag na huwag mong gagalawin ang ipon mo. Gusto ko’y mapalawak mo pa ang negosyo mo.” Malumanay na sambit ni Eric sa kasintahang si Nikki.

“Eric, hindi ko alam kung paano kita pasasalamatan. Sakto kasi na magbubukas ako ng aking shop. Handa na sana akong ipagpaliban iyon para kay Nanay Belinda. Maraming maraming salamat. Huwag kang mag-alala, gagawin kitang partner sa aking negosyo para naman makabawi ako sa iyo.” Malambing na saad ni Nikki.

“Gusto ko lang mawalan ka ng iniisip. Lahat ng makakabuti para sa iyo’y gagawin ko. Mahal na mahal kita.” Wika ni Eric.

Walang ano-ano’y iniabot ni Eric ang perang nakuha mula sa naibentang lupa ng kaniyang ama. Gaya ng binata ay bukal din ang puso ng ama nito kaya’t nang ipaalam ni Eric ang desisyon sa ama’y suportado siya nito. Palibhasa’y botong-boto ito kay Nikki.

Sa kabilang banda’y hindi naman makatiis ang asawa ni Rico sa nalamang sitwasyon ni Nanay Belinda. Agad itong tumungo sa ospital dala ang dapat na pambayad ngunit laking gulat nito nang ikuwento ni Aling Marina ang pangyayari.

Nang ikuwento sa asawa’y pahiyang-pahiya si Rico sa sarili. Nangako itong hinding-hindi na magpapakita kailanman sa kaniyang pamilya.

Ilang taon ang lumipas ay tuluyang nagpakasal ang magkasintahang sina Nikki at Eric, tila sinuwerte sila sa tinahak na negosyo.

Lingid sa kaalaman ng lahat, unti-unting nalugi ang negosyong pinapatakbo ni Eric.

Sumapit ang araw ng pasko, napakaraming pagkain ang inihanda ni Nikki. Kinumbinsi ito ng asawang puntahan ang kaniyang Kuya Rico upang imbitahan sa kanilang bahay.

Paglabas ng kanilang gate ay nagulat si Nikki.

Naroon ang kaniyang kuya, kasama ang asawa nito’t dalawang anak. Tila ibang-iba na ang itsura ng mga ito at parang nabasa niya na kung ano ang kinahinatnan nila.

Umiiyak na lumapit si Rico sa kapatid at mahigpit itong niyakap. Gumanti naman si Nikki ng mas mahigpit na yakap. Naluha ang asawa nitong si Carla. Ika nito, wala pa daw kain ang kaniyang mga pobreng pamangkin.

Pinatuloy nila sa bahay ang pamilya ni Rico. Nagpasya si Eric na doon na patirahin ang mga ito habang naghahanap ng trabaho si Rico.

Sa tulong ni Nikki at Eric ay unti-unting nakabangon si Rico. Isa na itong manager sa isang fastfood chain. Ang mag-asawa na rin ang nagpapaaral sa kanilang mga pamangkin bilang hindi naman kalakihan ang kinikita ni Rico.

“Iba pa din kapag kumpleto tayo. Sa hirap o sa ginhawa… Sana’y magkakasama pa rin tayong lahat” Giit ni Nanay Belinda.

Isa-isang niyakap ni Aling Marina ang kaniyang mga apo at anak.

Kung ikaw si Nikki, bibigyan mo rin ba ng pangalawang pagkakataon ang iyong kapatid? Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

Advertisement