Inday TrendingInday Trending
Matalino ang Babae Kaya Mataas ang Tingin Niya sa Sarili, Pero Lumubog Siya sa Putikan nung Bumalik ang Kaklaseng Minaliit Niya Noon

Matalino ang Babae Kaya Mataas ang Tingin Niya sa Sarili, Pero Lumubog Siya sa Putikan nung Bumalik ang Kaklaseng Minaliit Niya Noon

“Eto na naman si Greta, ang trying hard na inglisera. Baluktot naman magsalita. Walang sense.” Sigaw ni Beth sa buong klase.

“What so? Read, write, speak English break, English still.” Pagmamayabang ni Greta sa kaniyang mga kaklase.

Palaging tinutukso si Greta ng kaniyang mga kaklase sa pangunguna ni Beth. Pero dahil malapit na siyang kunin ng kaniyang mga magulang na nagtratrabaho bilang mga OFW sa Amerika, ngayon pa lang ay kailangan na niyang magsanay magsalita ng ingles. Kung hindi ay mahihirapan siyang mamuhay sa bansa ng mga puti.

Sigurado si Beth na katulong lang din ang kababagsakan ni Greta sa Amerika tulad ng kaniyang mga magulang. Sa sobrang baba ng IQ ng kanyang kaklase ay malabong may tumanggap sa kaniya na paaralan. Masisira lang ang reputasyon nito kung magiging estudyante nila si Greta. Pero kung siya ang bibigyan ng pagkakataong mag-aral sa ibang bansa ay malamang pag-agawan pa siya dahil sa katalinuhan niya. Valedictorian ba naman at nationwide quiz bee champion ang magiging estudyante nila, palalampasin pa ba nila? Pero dahil wala siyang kamag-anak sa ibang bansa ay pagtiyatiyagaan na lang niya ang Unibersidad ng Pilipinas.

“Best tomorrow, Beth. Arrow the top in U.P.” Bati ni Greta kay Beth matapos ang kanilang graduation ceremony.

“You’ll go down in flames!” Pang-aasar ni Beth sa kaklase.

Katulad ng inaasahan ay namayagpag si Beth sa unibersidad na kaniyang pinasukan at napukaw niya ang atensyon ng maraming kalalakihan.

Kung gaano kataas ang IQ ni Beth ay doble naman ang kabobohan niya pagdating sa pag-ibig. Madali siyang napapaikot ng mga lalaki. Sabhihan lang siya ng ilang mga matatamis na salita at bigyan ng mga mamahaling regalo ay sinasagot na niya agad ang mga ito. Hindi na muna niya kinikilatis o kinikilala ang kaniyang mga manliligaw. Halos lahat ng mga kalalakihan sa kaniyang kurso ay nakarelasyon na niya at ni isa ay hindi tumatagal ng isang linggo.

Hanggang sa dumating si Kenneth sa buhay ni Beth. Naniniwala si Beth na siya na ang nakatakdang lalaki para sa kaniya. Sa lahat ng kaniyang mga naging nobyo, si Kenneth lang ang bukod tanging tumagal ng tatlong buwan kaya nagawa niyang ibigay ang kaniyang sarili ng buong-buo. Pero tulad ng mga naunang nobyo ni Beth, hindi seryoso sa kaniya ang lalaki.

“Paano ba iyan? Ako ang nanalo sa pustahan. Sabi ko naman sa inyo, eh, ako ang makaka-third base kay Beth. Asan na limang libo ko.”

Nagkamali na naman si Beth sa minahal niyang lalaki. Nakipagpustahan si Kenneth sa mga dati niyang nobyo at dahil nakuha na nito ang kailangan niya sa kaniya at agad pinutol ng lalaki ang kanilang relasyon.

Ang buong akala ni Beth ay si Kenneth na ang itinakda para kaniyang maging kabiyak kaya labis niyang ipinagdamdam ang pakikipaghiwalay nito sa kaniya. Lalong gumuho ang kaniyang mundo nang malaman niyang nakipagrelasyon lang sa kaniya yung lalaki dahil sa isang pustahan. Malaki ang naging epekto nito kay Beth. Bumaba ang tingin niya sa kaniyang sarili at nakaapekto ito sa kaniyang pag-aaral. Sa bandang huli ay hindi siya nakapagtapos ng kolehiyo.

Mula sa future lawyer at bar top notcher to kitchen appliance promodiser, iyan ang kinabagsakan ni Beth. At nanganganib pang magsara ang kompanyang kaniyang pinagtratrabahuan dahil mahina ang benta ng kanilang mga produkto. Nakipag-ugnayan ang may-ari sa isang marketing consultant firm sa Amerika para mapigilan ang tuluyang pagsara ng kompanya. At hindi inaasahan ni Beth na ang dati niyang kaklase na nilalait niya noon dahil sa pagpupumilit nitong magsalita ng ingles ang may-ari ng firm na inupahan ng kaniyang boss.

“Beth, hindi sumagi sa isip ko na pagiging promodiser lang ang kababagsakan ng pambato ng eskwelahan namin. But according to the data given to me, you have to lowest sales every month. Which is surprising knowing that you are the best speaker in our school. Sa tingin ko kailangan mo nang i-update yung mga punchlines mo baka hindi na sila effective. Don’t worry. I will conduct a seminar for that. Be sure to attend.”

Isang malaking sampal sa mukha ni Beth na nagawang magtagumpay ni Greta sa ibang bansa habang siya ay lumubog sa putikan. Pero parang binuhusan siya ng nagyeyelong tubig nang sinundo ito ng kaniyang asawa kasama ang dalawa nilang anak. Ang asawa ni Greta ay walang iba kung hindi ang dati niyang nobyo na si Kenneth.

Ang tiwala ni Greta sa sarili ang nagbunsod sa kaniya para magtagumpay. Ang paniniwala ni Beth na nangingibabaw siya sa lahat dahil matalino siya ang sumira sa tiwala niya sa kaniyang sarili at naglubog sa kaniya sa putikan.

Advertisement