Imbes Disiplinahin ang Anak na Nanakit ng Kaklase ay Hinamak Pa ng Tatay ang Prinsipal; Nagulat Siya Dahil Kilalang Kilala Pala Siya Nito
Hindi mapigilan ng prinsipal na si Mr. Arturo Solis ang galit nang mabalitaan ang nangyari sa isang estudyante sa kanilang paaralan.
Awang-awa siya nang makita ang sinapit ng isang first year highschool sa kamay ng kaniyang kaklase. Bali ang ilong nito at halos hindi makilala sa pamamaga ng mukha.
Unang beses lamang itong nangyari sa loob ng walong taon niyang pamumuno sa public high school na ito.
Nang makalabas ng ospital ang batang nabugbog na si Baldo ay agad niyang pinatawag ang mga magulang ng mga estudyanteng sangkot sa insidente.
Habang iniisa-isa niya ang mga pangalan ng estudyanteng sangkot ay tila natigilan siya. Reynaldo Evangelista, Jr; ito ang pangalan ng batang nangbugbog kay Baldo. Hindi kaya anak ito ng walang awa niyang kamag-aral na si Naldo?
Unti-unting nanariwa ang mapait na nakaraan ni Arturo.
“Naldo, mamaliin ko na lamang ang mga sagot ko sa test at ituturo sa iyo ang mga tamang sagot. Huwag mo na akong pagbantaan. Hindi na ako makapagpokus sa pagtulong sa aming karinderya dahil sa ginagawa mo sa akin. Nagkakasakit na si Nanay sa sobrang pagod. Kulang na kulang ang kinikita ni Tatay sa pagpasada ng traysikel para sa aming magkakapatid.” Pagmamakaawa ng batang si Arturo sa kamag-aral na si Naldo.
“Eh anong pakialam ko sa pamilya mo!? Palagi ka kasing nagmamagaling kaya iyan ang napapala mo! Arturong turo-turo na tindero sa turo-turo!” Nanguuyam na wika ni Naldo sa pobreng kamag-aral.
Tawanan naman ang mga kaklase nila habang nanonood sa pag-uusap ng dalawa.
“Mga anak, husayan ninyo ang pagsagot sa eksam. Ang top 1 sa buong paaralan ay makakatanggap daw ng P5,000 mula kay mayor at ang top 2 naman ay makakatanggap ng P2,000.” Masayang pagaanunsiyo ng kanilang guro.
Dahil napakahalaga ng salapi para kay Arturo ay nagpasya itong huwag tuparin ang mga salitang binitawan kay Naldo. Ibinigay niya dito ang mga tamang sagot at paglaon ay isinulat din ang mga tamang sagot sa kaniyang papel.
Nang lumabas ang resulta’y agad hinablot ni Naldo ang papel ni Arturo. Nagulat ito nang nakitang pareho silang walang mali sa pagsusulit. Naninigas ang mga panga nito sa galit.
“Class, iaannounce ko na ang top 10 students sa buong eskuwelahan. Magandang balita para sa inyong section. Ang dalawa sa pinakamataas ay galing sa inyong pangkat. Ang top 2 ay walang iba kung hindi si Reynaldo Evangelista! Congratulations, Naldo!” Pagbati ng guro. Bakas sa mukha nito ang di pagka-kuntento sa nakuha. Kilala naman ng guro ni Naldo bilang maikli talaga ang pasensya kaya’t binalewala na lamang niya ito.
“Top 1, alam naman na ninyo kung sino ang pinakamasipag at pinakamabait sa klase. Arturo Solis! Congratulations! Nararapat lamang sa iyo ito.” Masayang pagbati ng kanilang guro.
Maya-maya’y binulongan na ni Naldo si Arturo. “Mamaya ka sa kin! Handa mo na ‘yang pagmumukha mo!” Mariing pagbabanta ni Naldo.
“Mr. Solis! Mr. Solis!” Pagtawag ng gurong si Ms. Rufo sa tulalang prinsipal.
Tila natauhan naman si Arturo nang paulit-ulit na kalabitin ng guro.
“Pasensiya na, may naalala lang ako. Nga pala, Ms. Rufo, ano ho ba ang hanapbuhay ng ama ng estudyanteng nambugbog?” Saad ni Arturo.
“Nakausap ko na po ang presidente ng PTA, Mr. Solis. Janitor daw ito sa isang mall. Pero palipat-lipat daw po ito ng trabaho dahil marami daw po itong nakakaaway. May ilang mga magulang din po na kapitbahay ni Mang Ronaldo ang nagsabing palagi daw po itong naghahanap ng gulo. Kahit ang misis nga daw po nito’y sinasaktan niya. Nakakaawa nga po yung misis, maaga daw pong pumanaw. Na-stress daw po at unti-unting nawala sa sarili. Dinala daw po sa mental hospital pero tinamaan din ng sakit sa baga. Hindi na daw po nagamot.” Malungkot na paglalahad ni Ms. Rufo.
At nagbalik na naman ang nakaraan sa diwa ni Arturo.
Tadyak dito, suntok doon. Halos hindi na maidilat pa ni Arturo ang kaniyang mga mata nang bugbogin siya ni Reynaldo.
“Pambili ko dapat iyang P5,000 ng mga laruan at bagong damit! Sa ‘yo pa napunta! Aanhin ko tong P2,000 gusto mo ipalamon ko pa to sa ‘yo?” Galit na galit na saad ni Reynaldo kay Arturo.
“Magandang umaga ho, Mr. Solis. Ako nga po pala si Jen, ang ina ng batang sinaktan. Ito po yung anak ko, medyo namamaga pa nga po ang mukha niya.” Mugto pa ang mga nito na tila’y hindi tumitigil sa pag-iyak.
“Ah… Eh… Magandang umaga… Pasensiya na.. May mga bumabalik lamang na alaala sa aking isip..” Sagot ni Arturo.
Hindi naman nito napigilan at niyakap ang batang si Baldo. Bakas sa mga mata nito ang matinding stress sa pinagdaanan.
Maya-maya ay biglang gumalabog ang pintuan sa tanggapan ni Arturo. Nagulat ang lahat ng atakihin ng isang lalake ang guwardiya ng eskuwelahan.
“Anong problem niyo sa ‘kin ha?! Walang kasalanan ang anak ko! Away bata iyan! Talagang nararapat lang mabugbog iyang Baldong ‘yan dahil sa kayabangan at pagpapahiya niya sa anak ko!” Nang makita ni Arturo ang mukha ng lalake ay nanlamig ito. Tama ang kaniyang hinala! Ito nga ay walang iba kung hindi ang kamag-aral na nang-alipusta at nanakit sa kaniya noon. Ang kamag-aral na si Reynaldo!
Tila nagulat din ito nang makita si Arturo. “Oh, kaya naman pala pinagiinitan niyo kami! Di ba nakatikim ka din sa ‘kin noong mga bata pa tayo? Palibhasa, isa ka pang nagmamagaling! Magsama-sama kayo! Pagbuhol-buholin ko pa kayo!” Pagbabanta nito.
“Naniniwala talaga ako na kung ano ang puno ay siya ring bunga. Alam mo bang dahil sa mga pang-aalipusta mo sa akin ay natuto akong mag-pursigi sa buhay? Maraming salamat sa mga taong kagaya mo. Dahil sa inyo, natuto kaming magsikap at lumaban. Pinapatatag ninyo kami.” Saad ni Arturo.
Inilahad naman ni Arturo sa lahat ang kaniyang karanasan sa kamay ni Reynaldo. Gulat na gulat ang lahat sa nalaman.
Maya-maya pa’y biglang may dumating na mga pulis. “Mr. Reynaldo Evangelista, inaaresto po namin kayo sa salang pagnanakaw sa isang maliit na karinderya sa inyong lugar. Patong-patong din po ang kasong isinampa ng inyong mga kapitbahay ukol sa inyong pananakit at pagbabanta.”
Walang nagawa si Reynaldo. Namumutla ito at hindi na makapagsalita. Nakatingin na lamang ito sa anak na si Naldo Jr. Pinosasan na ito ng mga pulis at isinakay sa kanilang mobil.
“Papa! Huwag mo akong iwan! Sino na lang ang makakasama ko?! Iniwan na nga ako ni Mama!” Lumuluhang saad ni Naldo Jr.
Bilang menor de adad pa lamang ay inaruga si Naldo Jr. ng mga taga kawani ng gobyerno.
Awang-awa sa sinapit ng mag-ama hindi lamang si Arturo pati na rin ang mga guro at kapwa magulang at estudyante ng mga ito ngunit wala rin silang magawa. Kailangang matuto ng leksiyon ang mga taong nagkamali.
Pinatawad na rin ni Baldo at ina nitong si Jen ang mag-ama. Regular pang dinadalaw ng mga ito si Naldo sa pinagdalhan ditong bahay ampunan.
Walang sawa ring nagpapaabot ng tulong kay Naldo Jr. si Arturo. Nais pa nga niya itong pag-aralin ng kolehiyo sa oras na makapagtapos ito ng high school.
Sa kasamaang palad, ang ama nitong si Reynaldo ay napag-initan daw sa loob ng kulungan. Inundayan ito ng saksak ng kapwa preso at hindi nito kinaya ang matinding tama sapagkat tumagos ito sa kaniyang puso.
“Maraming salamat po sa inyong kabutihan, Baldo at Aling Jen. Hindi ko makakalimutan lahat ng ito. Marami na din akong natutunan dito sa bahay ampunan. Natuto na rin akong manalangin sa Panginoon. Naniniwala akong payapa na si Papa saan man siya naroroon. Hindi pa huli ang lahat para sa akin. Bata pa ako. Babawi ako sa inyong kabutihan kapag ako’y nakapagtapos at nagkaroon ng magandang trabaho. Paki parating na rin ang aking pasasalamat kay Mr. Solis.” Bakas sa mukha ni Naldo Jr. ang pagsisisi. Tila ibang tao na ito.
Naniniwala ba kayo na kung anong puno ay siya ring bunga? Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?