Ninakaw ng Panadera ang Recipe ng Iba Para Sumikat Siya; Ikinabagsak ng Kanyang Negosyo nang Mabuking ang Kanyang Gawain
Ang White Dust Cakes and Pastry Shop ay isang specialty cake shop na pagmamay-ari ni Wendy. Isang magaling na panadera na nag-aral si ilang culinary at baking school sa Europa. Kilala ang kanilang panaderya dahil sa magaganda, kaakit-akit, eleganteng presentasyon at kamahalan ng presyo ng kanilang mga produkto. Mayroon na itong limang branches na nagkalat sa buong Pilipinas at layon ni Wendy na makilala siya at ang kaniyang panaderya sa buong mundo.
“Siguraduhin niyong mukhang mamahalin ang desenyo ng ating mga keyks, ha. Pag maganda sa paningin ang ating mga produkto maaakit ang mga kustomer na bumili nito.”
Limang beses sa isang taon bumabyahe si Wendy sa iba’t-ibang panig ng mundo para tumuklas ng mga panibagong produkto na maaaring niyang kopyahin, angkinin ang recipe at ibenta sa kaniyang panaderya. Dahil sa talas ng kaniyang panlasa ay madali niyang nakukuha ang mga sangkap na ginamit ng iba. Isang bagay na hindi alam ng kaniyang mga nabibiktimang panadero at ng mga masugid niyang kustomer.
Sa pagkakataong ito ay sa isang maliit na pastry shop sa Amerika napadpad si Wendy. At ang white strawberry tart ng tindahan ang nais niyang maisama sa linya ng mga produkto ng kaniyang panaderya.
Tulad na dati niyang gawi kinukumbinsi niya ang panadero ng shop para ibahagi sa kaniyang kung paano ginagawa ang nasabing produkto. Magpapanggap siyang host ng isang food program mula sa ibang bansa na balak ipakilala ang mga best seller ng shop sa mga masugid nitong manonood. At para hindi mahalata ang tunay niyang pakay ay mangungupahan siya ng isang lehitimong production team na mag-vivideo ng buong produksyon.
“Can you give me a copy of the program where you featured our pastry shop. I want to play it on our t.v. screen. It will be a good opportunity to attract customers.” Pakiusap ng panaderong nag-demo kay Wendy kung paano ginagawa ang mga mabenta nilang produkto.
“Sure. No problem. I will give you a copy as soon as possible.” Pangako ni Wendy sa panadero matapos nitong magpakuha ng litrato na kasama siya. Isang pangako na hindi balak tuparin ng panadera.
Dumating ang tsansa ni Wendy na makilala bilang magaling na panadera sa buong mundo. Isang kompetisyon para sa pinakamagaling na panadero sa buong Asya ang magaganap sa Singapore at balak lumahok ni Wendy sa nasabing kompetisyon. Masusing binusisi ni Wendy ang lahat nang nakalap niyang recipe sa buong mundo. May limang round ang kompetisyon at kailangan niyang pumili ng limang recipe, isa para sa bawat round.
Nakalusot si Wendy sa apat na round ng kompetisyon na walang aberya. Lalong lumaki ang tyansa niyang manalo ngayong nasa final round na siya. At ang napili niyang ipanlaban ay ang white strawberry tart na natuklasan niya sa Amerika. Sinunod niya ang bawat hakbang sa paggawa nito at maganda ang kinalabasan. Malaki ang tiwala niya na ito ang magpapanalo sa kaniya sa kompetisyon.
Nang inanunsyo na kung sino ang nagwagi ay hindi makapaniwala si Wendy sa kaniyang narinig. Hindi na nga siya nanalo bilang third place, nadiskwalipika pa siya sa kompetisyon. Buong tapang niyang kinuwestiyon ang hatol ng mga hurado.
“I passed every round with no problems at all. Why am I suddenly disqualified when it’s already the final round of the competition?” Sigaw ni Wendy sa mga hurado na yumanig sa buong venue ng kompetisyon.
“How dare you use my family recipe that has been passed down from generation to generation and claim it as yours. You got the ingredients to a T but your technique failed you. In this lifetime only two have perfected that recipe my grandmother and my brother who runs a small pastry shop in the U.S.”
Pagkatapos ay ipinakita ng hurado ang kaniyang pruweba sa lahat ng naroroon, ang litrato ni Wendy kasama ang panadero na nagturo sa kaniya ng recipe. Ipinagmalaki ng nasabing panadero na napili ang kaniyang pastry shop na i-feature sa isang programa sa kaniyang kapatid na nagkataong isa sa mga hurado ng kompetisyon.
Ang ginawa ni Wendy ay nalathala sa maraming food magazine sa buong mundo. Nasira ang kaniyang reputasyon bilang isang magaling na panadero. Wala na ring kustomer ang tumangkilik sa mga produkto niya sa White Dust Cakes and Pastry Shop. Sa bandang huli ay napilitan itong magsara. Wala din gustong kumuha kay Wendy bilang pastry chef kahit sa abroad pa ito nag-aral. Ang tanging trabahong napasukan niya ay bilang tagaluto sa canteen ng isang pampublikong paaralan.