Ayaw Patahimikin ng Kaluluwa ng Yumaong Nobya ang Binata, Nais Pala Siya Nitong Iligtas Mula sa Kasakiman ng Iba
Ayaw na naman lubayan ni Natalie si Stanley. Gabi-gabi na lang niyang naririnig ang mga hagulgol nito sa dilim. Hindi na niya alam kung ano ang dapat niyang gawin. Tinutupad naman niya ang pangako niya dito. Hindi niya pinababayaan ang pamilya ng dalaga. Pero sadya yatang napakabigat ng kanyang kasalanan para habang buhay siyang multuhin ng kaluluwa ni Natalie.
High school sweethearts sina Stanley at Natalie. Si Stanley ang popular heartthrob samantalang si Natalie naman ay isang iskolar, ang dakilang campus nerd.
Isang bagay na walang kontrol ang binata ay pagiging habulin niya ng mga kababaihan, ang ugat ng maraming pagtatalo nilang magkasintahan. Ang dahilan ng pagkamatay ni Natalie. Kung sana ay naging malamig ang pakikitungo niya sa mga kababaihan ay hindi magseselos ang dalaga. Walang magaganap na away. Walang mamamatay sa aksidente. Buhay pa sana si Natalie ngayon.
“Iho, kulang yung pambayad ni Matthew para sa reception ng kaniyang kasal. Baka pwede mo namang gawan ng paraan?”
“Ako na po ang bahala, Nanay Lolit.” Sagot ni Stanley sa nanay ni Natalie.
Halos araw-araw ay ginagatasan siya ng ina ni Natalie. Pero dahil nangako siya sa dalaga na papasanin niya ang responsibilidad sa pamilya nito ay hinahayaan niya lang ito.
Kanina pa hinahanap ni Stanley ang venue ng reception ngunit para siyang pinaglalaruan ng kung sino dahil paikot-ikot lang siya sa lugar. Hindi naman niya matawagan si Nanay Lolit dahil nawalan ng barterya ang cell phone niya na kani-kanina lang ay naka-full battery charge pero bigla na lang namatay bago magtanghali. Nung may nakitang siyang estasyon ng pulis ay nagtungo siya doon para magtanong.
“Nasunog yung restaurant na iyan kagabi. Maghanap ka na lang ng ibang makakainan.”
Walang nagawa si Stanley kung hindi puntahan sa bahay si Nanay Lolit. Sa loob ng kaniyang sasakyan ay naghihintay ang kaluluwa ni Natalie sa shot gun seat. Tahimik lang ang babae habang nagmamaneho si Stanley. Nakatingin ng diretso sa daan. Walang kibo at hindi umiiyak.
“May alam ka bang magandang lugar na pwedeng pagdausan ng reception?” Basag ni Stanley sa katahimikan.
Galit siyang nilingon ni Natalie. Umuusok ang kaniyang ilong at nanlilisik ang kaniyang mga mata. Hindi na lang kumibo ang binata at nagpatuloy sa pagmamaneho habang hindi inaaalis ng dalagang multo ang kaniyang mga mata kay Stanley.
Magulong bahay ang dinatnan ni Stanley nung makarating siya kina Nanay Lolit. Nagkalat ang mga basag na vase, baso at pinggan. Sira-sira din at nakataob ang mga appliances kung saan-saan. Nagbagsakan ang mga kwadro na nakasabit sa dingding. Nag-alala ang binata na baka nilooban ang bahay at napahamak ang pamilya ni Natalie kaya tinangka niyang lumabas ng bahay para humingi ng tulong pero bago pa siya makarating ng pinto ay pinigilan na siya ni Natalie. Abot tenga ang ngiti ng dalaga na siyang ipinagtataka ni Stanley. Hanggang makarining siya ng mga sigawan sa kwarto mula sa ikalawang palapag.
“Kaya hindi matahi-tahimik ang kaluluwa ni Ate Natalie kahit matagal na siyang patay ay dahil ayaw mong tumigil sa kasakiman mo! Tigilan niyo na ang panloloko kay Kuya Stanley! Hangga’t hindi kayo tumitigil ay hindi kayo patatahimikin ni Ate!”
“Kulang pa ang kabayarang binigay niya sa pagkamatay ng kapatid mo!”
“Wala siyang kasalanan! Sinungaling! Sabihin mo na sa kaniyang ang totoo!”
“Anong katotohanan?” Sigaw ni Stanley nang marating niya ang kinaroroonan nina Nanay Lolit at Matthew.
Dala ang isang bungkos ng tulip ay tinungo ni Stanley ang puntod ni Natalie. Dito siya dumiretso matapos niyang malaman ang buong katotohanan.
Walang kasalanan si Stanley. Matapos mag-away ang dalawang magkasintahan ay nakatanggap ng tawag si Natalie mula kay Matthew. Inilahad niya sa kapatid ang balak ng kanilang ina na puntahan ang mga magulang ni Stanley para paniwalain sa isang kasinungalingan na nagdadalantao siya. Gusto niyang agad na makasal ang dalawa para maambunan siya ng kayamanan ng binata. Sa pagmamadaling mapigilan ang ina ay pinaharurot ni Natalie ang minamahehong niyang sasakyan. Isang aksidente ang naganap noong gabing iyon. Sumalpok ang minamanehong sasakyan ni Natalie sa isang malaking trak.
Kahit wala na ang kaniyang nobya ay balak pa rin tuparin ni Stanley ang pangako niya kay Natalie na hindi niya pababayaan ang pamilya nito pero inabuso ni Nanay Lolit ang kaniyang kabaitan. Hindi matahimik si Natalie hindi dahil sa sinisisi niya ang kaniyang nobyo dahil sa kaniyang kamatayan kung hindi dahil sa hindi niya nagugustuhan ang pang-aabuso ng kaniyang ina kay Stanley.
Habang papaalis si Stanley sa sementeryo ay muli niyang narinig ang tinig ni Natalie sa huling pagkakataon.
“Sa wakas ay napalaya na kita sa kadenang ginapos sa iyo na aking ina. Hindi mo responsibilidad ang aking pamilya. Sarili mo ang intindihin mo. Hanapin mo ang babaeng muling magpapatibok ng iyong puso. Mamuhay ka ng masaya at puno ng pagmamahal.”