Tinanggal ang Empleyadong Ito dahil sa Hindi Makatarungang Dahilan; Matapos ang 5 Taon ay Binalikan Niya ang mga Taong Nanghamak sa Kanya
Si Jose ay isang masipag at matapat na empleyado sa isang condominium. Siya ay matagal nang nagtatrabaho rito kaya alam niya na ang pasikot-sikot sa kaniyang mga responsibilidad.
Isang araw ay may nirereklamo ang isa sa mga nangungupahang restawran sa kanila. Siya ang pinaharap ng kaniyang superbisor sa kanila upang alamin at solusyunan ito.
Pag pasok sa restawran ay kinausap ni Jose ang empleyado upang alamin ang problema. Sa kanilang maayos na pag-uusap ay may lalaking sumali sa kanilang usapan. Siya ay nakaupo kasama ng mga kaibigan niya at nagpakilalang si Mister Reyes, ang may-ari ng restawran. Kung anu-ano na lang ang kaniyang mga sinabi laban sa condominium at may-ari ng building na tila ba ay sinisiraan niya ito at sa halip ay pinapabango niya ang kaniyang sarili sa harap ng mga kaibigan. Maayos at mahinahong nagpaliwanag si Jose at sinabing gagawan ng paraan ang mga problemang natukoy ng empleyado nila. Ngunit ito ay minasama ng may-ari. Siya ay nagalit at nagbitaw ng masasakit na salita kay Jose.
“Nangangatwiran ka pa talaga, ah. Napakaarogante mo. Hindi kita gustong makausap.” Kaya naman pinatawag niya ang superbisor ni Jose.
Pag dating ng superbisor ay pagalit agad na nagkwento si Mister Reyes. Siniraan niya si Jose rito at pinalabas na binastos at pinahiya siya sa mga kasamang kaibigan. Sinabi niya pang ayaw niya nang tutungtong ito sa kanilang establisyemento at nais niya itong matanggal sa trabaho.
Kinausap si Jose ng kaniyang superbisor at sinabing huling araw niya na sa trabaho. Nagulat siya at tinanong kung ano ang nangyari kaya naman kinuwento ito sa kaniya. Sa kabila ng kaniyang mga narinig ay mahinahon at maayos na nakipag-usap si Jose at pinaliwanag ang totoong buong nangyari ngunit hindi ito pinakinggan ng kaniyang superbisor. Wala siyang nagawa kaya iniligpit niya na ang kaniyang mga gamit at malungkot na umalis ng trabaho.
Sa kaniyang paglalakad pauwi ng bahay ay hindi niya matanggal sa kaniyang isipan kung ano ang nangyari. Pilit niyang iniisip kung ano ang nagawa niyang pagkakamali at bakit ganoon na lamang naging mabilis ang paghusga sa kaniya at mabilisan ang naging pagtanggal sa kaniya sa trabaho at kompaniyang kaniyang pinagtrabahuhan ng ilang taon.
Sa sobrang kalungkutan at pag-iisip sa mga nangyari at mga problemang pinansyal na kakaharapin niya sa mga susunod na araw ay napataya na lamang siya sa lotto. Dumaan na rin siya sa simbahan at taimtim na nagdasal. Pinagdasal niya na siya ay matulungan sa kaniyang mga pinagdadaanan at magabayan sa mga susunod na hakbang na kaniyang tatahakin.
Kinabukasan habang si Jose ay nagkakape at nagbabasa ng diyaryo ay nagulat na lamang siya sa kaniyang nakita. Ang mga numerong tinaya niya sa lotto ang lumabas! Siya ang natatanging nanalo ng isang bilyong piso! Halos mapaso siya sa kapeng iniinom at nagtatalon sa tuwa. Kaagad siyang pumunta ng simbahan at nagpasalamat. Sa kaniyang pagdarasal ay muli siyang humingi ng gabay sa kung paano niya ito gagamitin ng hindi ito basta masasayang.
Pagkalipas ng limang taon ay nagkita si Jose at ang kaniyang superbisor sa condominium na kaniyang dating pinagtatrabahuhan. Nagulat ito dahil si Jose ay bumaba sa isang magara at mamahaling sasakyan na may mga kasamang bodyguards. Sila ay nagkamustahan at napag-alaman na ganoon pa rin ang trabaho at posisyon ng kaniyang dating superbisor. Walang pinagbago sa dati. Pagsilip niya sa restawran ni Mister Reyes ay malaki ang kinaluma nito na tila ba ay napabayaan at wala ng gaanong customer.
Pagdating ng may-ari ng condominium ay nilapitan niya agad si Jose at kinamayan. Nagulat at nagtataka ang superbisor sa kaniyang nakita. Maya-maya ay nagsabi ang may-ari sa superbisor na tawagin ang iba pang mga superbisor at ang lahat ng may-ari ng mga establisyemento sa condominium upang magtipon sa conference room sapagkat siya ay may malaking i-aanunsiyo.
Sa loob ng conference room ay may mga nakahandang pagkain at maayos na set-up ng mga lamesa at upuan. Marami ang nagtataka sa kung ano ang meron.
Sa loob ng silid ay nakita ni Mister Reyes si Jose at tinanong sa nakakapang-insultong tono kung ano ang ginagawa niya doon. Minaliit niya ito at hinamak sa harap ng maraming tao. Hindi ito pinansin ni Jose at umupo na lamang sa isang tabi.
Maya-maya ay pumasok na rin sa silid ang may-ari at nagsimula na ang isang maliit na programa. Dito ay inanunsiyo ng may-ari na ipinagbili niya na ang buong condominium at lupa sa ibang tao. Ayon sa kaniyang pagpapakilala, ang taong ito ay nagmamay-ari na ng maraming condominium buildings at shopping malls. Noong tinawag at ipinakilala niya sa entablado ang bagong may-ari, ang dating empleyado ng condominium na si Jose, ay biglang namutla sa gulat ang dati niyang superbisor at napaupo naman sa sahig sa gulat si Mister Reyes. Pinagtinginan ang dalawa ng mga tao sa loob ng silid kaya sa sobrang kahihiyan ay kumaripas sila ng takbo palabas. Laking sisi ng dalawa sa masamang trato at pagpapahiya rito.
Nagpatuloy naman ang programa na para bang walang nangyari at winelcome si Jose ng lahat ng naiwan sa silid.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.