Pinagsasamantalahan ng Amain ang Dalagita, Mabuti na Lamang at Iniligtas Siya ng Bayaning Guro
Takot na kinarga ni Amelia ang kanyang bunsong kapatid, si Eldrid- dalawang taong gulang. Nakakapit naman sa kanyang balakang ang sumunod sa kanya na si Bianca, siyam na taong gulang. Narinig na kasi nilang bumukas ang pinto ng kanilang bahay, tiyak niyang ang kanyang tiyo Romel na iyon. Ito ang pangalawang asawa ng kanyang nanay, ang tatay kasi nila ay pumanaw na noong isang taon dahil sa isang aksidente sa pabrikang pinapasukan nito.
“Melia!” sigaw nito, lalong kinabahan ang dalagita nang marinig na lasing na naman ang kanyang tiyo.
“H-ho?” tanong niya at bahagyang isinilip ang kanyang ulo mula sa pintuan ng kanilang kwarto.
“Nanay mo?”
“Hindi pa ho dumarating tiyo, baka nagpapaubos pa ng paninda sa palengke,” sabi niya.
“Anak ng p*ta naman, ano’ng ulam?!” sigaw ng lalaki, napalabas naman siya ng kwarto upang paghainan ito ng makakain. Walang trabaho ang kanyng Tiyo Romel, nabubuhay sila sa pagtitinda ng nanay niya sa palengke. Walang ibang ginawa ang lalaki kung hindi magsugal at uminom ng alak. Hindi nga alam ni Amelia kung bakit natatagalan pa rin ito ng nanay niya, sa tuwing may magtatanong sa babae ay nagagalit pa ito at ipinagsisigawang wag kwestyunin ang desisyon niyang mahalin si Romel. Lingid sa kaalaman ng kanyang ina, bukod sa batugan ay manyakis rin ang kanyang Tiyo.
Kahit anong bilin ni Amelia sa kanyang kapatid na si Bianca ay lumabas pa rin ito sa kwarto upang tulungan siya sa gawain, “Di ba sabi ko sayo sasamahan mo lang si Eldrid sa kwarto?” bulong niya rito.
“Ate tulog na po si Eldrid eh, tutulungan na po kitang maghugas ng pinggan,” inosenteng sabi nito. Walang kaalam alam na inilalayo lamang siya ng nakatatandang kapatid sa posibleng kapahamakan.
“Basta doon kana, dalian mo na. Mag-pajama ka na, palitan mo iyang shorts mo.” matigas niyang utos rito. Bago pa man makabalik ang bata sa kwarto ay nasipat na ito ng kanilang tiyo Romel na nakahiga sa sofa sa salas, hindi pala ito tulog.
“Bianca, halika nga rito.” tawag nito sa bata. Agad namang naalarma si Amelia, kaya dali-dali niyang binanlawan ang may sabong kamay at lumapit sa kanyang tiyo. “T-tiyo Romel, wag ho si Bianca. A-ako nalang ho,” tinatapangan niya ang loob habang sinasabi iyon pero ang totoo ay nanginginig na ang kanyang mga kamay at pinipigilan lamang ang luha. Kailangan niyang gawin ito, sira na siya- hindi niya hahayaang pati ang kapatid ay masira rin.
Napangisi si Romel at tumango, inihatid ni Amelia ang kanyang kapatid sa loob ng kwarto at inutusang ikandado iyon. Siya ang lumapit sa kanyang tiyo at pikit matang tinanggap ang kalaswaan nito.
Katorse anyos pa lamang si Amelia pero ang dinadala niya ay sobrang bigat na. Sinubukan niya nang magsabi sa kanyang nanay tungkol sa mga ginagawa ng tiyo niya pero nagalit lamang ito sa kanya at sinabihan siyang naggagawa-gawa ng kwento. Paniwalang-paniwala ang babae na imbento niya lamang iyon dahil hanggang ngayon ay di niya matanggap na patay na ang kanyang ama. Nahahalata na rin ng kanyang gurong si Ms. Mendez ang pagiging tulala ng bata, palagi niya itong sinusubukang kausapin pero hindi ito nagsasalita. Iyak lamang ito nang iyak. Isang hapon, bago umuwi ay nagulat pa si Ms. Mendez nang ibalik na sa kanya ni Amelia ang mga libro nito.
“Bakit mo iiwan? Nabibigatan ka bang dalhin araw-araw, ayos lang naman. May book shelf naman tayo rito,” pagpapatay malisya niya, ayaw niya kasing isipin na titigil na ito sa pag-aaral kahit pa ganoon na nga ang lumalabas.
“M-ma’am, ayaw ko na hong mag-eskwela, wala naman hong patutunguhan ang buhay ko. Tutulong nalang ho ako sa nanay kong magtinda at tututukan ang mga kapatid ko,” sabi nito.
“Hindi pwede.” matigas na sabi ni Ms. Mendez.
“Ma’am, ayoko na ho!” hindi maiwasang mapasigaw si Amelia, masyado na kasing naiipon ang emosyon sa kanyang dibdib.
“Hindi nga pwede! Kung ano man iyang pinagdaraanan mo, sasabihin mo sa akin at tutulungan kita. Tumingin ka sa mata ko Amelia, tutulungan kita.” sinserong sabi ng guro.
Nahihiya at natatakot man ang dalagita ay nagtapat siya sa guro, napaiyak ang babae nang marinig ang buong kwento ng bata. Hindi na hinayaan pa ni Ms. Mendez na umuwi ang dalagita sa bahay ng mga ito, sa tulong ng DSWD ay nakuha nila ang dalawa pang kapatid nito at nahuli naman ng pulis si Romel. Ang nanay ni Amelia ay nagalit pa sa dalagita dahil sa paninira nito sa kanyang tiyo Romel pero siniguro ni Ms. Mendez kay Amelia na magiging maayos pa rin ang buhay nila kahit na anong mangyari.
Nagsikap ang dalaga, may maganda na siyang trabaho ngayon- isa na siyang manager sa Maynila at siya na rin ang nagpapaaral sa dalawa niyang kapatid. Tuwing Linggo ay dumadalaw siya sa bahay ni Ms. Mendez.
“May tanong lang po ako,” sabi niya rito isang hapong nagmemeryenda sila sa balkonahe ng bahay nito.
Tumingin sa kanya ang guro at ngumiti, “Ano?”
“Bakit po hindi ninyo ako sinukuan? Pwede namang hayaan ninyo na lang ako noong nagpaalam akong ayoko nang mag aral, inabala pa ninyo ang sarili nyo.. paulit ulit kayo ng tanong sa akin kung ano ang problema ko, bakit?” tanong niya.
“Dahil alam ko ang pakiramdam. Na-gahasa rin ako.”
Natulala si Amelia, kaya pala ganoon nalang ang iyak nito noon, nakikita pala nito ang sarili sa kanya. Niyakap niya ang guro at paulit ulit na nagpasalamat. Ang dalawang babaeng ito ang patunay na ano man ang pagsubok na ating pagdaanan sa buhay ay kayang kaya nating bumangon, sa tulong ng dasal, pag ibig at suporta ng mga nagmamahal sa atin.
Pagkatapos ng bagyo ay palaging may bahaghari.