Inday TrendingInday Trending
Ubod ng Yabang ng Lalaking Ito Dahil sa Galing at Angking Talento, Hanggang sa Nakahanap Siya ng Katapat

Ubod ng Yabang ng Lalaking Ito Dahil sa Galing at Angking Talento, Hanggang sa Nakahanap Siya ng Katapat

Marami ang humahanga ay Delfin pagdating sa pagguhit. Magaling kasi ang mga kamay niya, talaga namang isang tingin lang ay kaya niya nang i-drawing ang isang tao na may emosyon, bawat makasaksi sa kanyang mga gawa ay walang ibang masabi kung hindi, “wow!”. Kaya naman medyo lumaki na ang ulo ng binata. Nasa ikalawang taon siya ngayon sa kolehiyo at kumukuha ng kursong Fine arts sa isa sa mga unibersidad sa Maynila. Totoo namang siya ang pinakamagaling sa klase, at ipinamumukha niya iyon palagi sa lahat ng nakakakilala sa kanya. Hindi tuloy niya masyadong kasundo ang mga kamag aral dahil kapag nakakausap niya ang mga ito ay wala siyang ibang ginagawa kung hindi magyabang at maliitin ang mga ito.

“Class, next Saturday na pala yung sinasabi ko sa inyong exhibit. Naka-display doon ang mga gawa ng mga magagaling at batikang artist, gusto kong maging observant kayo at magmasid mabuti. Kapag nakapili kayo ng tatlong pinaka-paborito ninyong art work ay isulat ninyo iyon sa reaction paper nyo at isulat ninyo rin ang dahilan kung bakit. Sa Monday ninyo isa-submit ang reaction paper ha, galingan ninyo.” sabi ng kanilang guro.

Excited ang lahat maliban kay Delfin, ano pa ba ang titignan niya roon? For sure naman ay halos ka-level na ng mga gawa niya ang mga naka-display roon. Baka nga mas magaling pa siya.

Mabilis lumipas ang mga araw at sumapit ang Sabado, muntik pang ma-late si Delfin sa meeting place nila. Mabuti na lang at nakahabol siya bago umalis ang van na sasakyan nila papunta sa exhibit. Masayang nagkukwentuhan ang lahat pero tahimik lang siya at mas piniling magkabit ng earphones, nakakainis ang mga maingay niyang kaklase. Masyadong sabik na makakita ng mga batikan, palibhasa sila mismo ay mga pipitsugin. Sigurado nga siya, pagtanda nila ay baka magtrabaho ang mga ito na taga-guhit ng mga larawan sa children’s book. O baka ang iba ay maging pintor sa ma kindergarten, iyon bang nagda-drawing ng mga cartoon character sa pader ng eskwelahan.

Nang maraming nila ang exhibit ay natuklasan nilang hindi lang pala sila ang eskwelahang pupunta roon, may mga ibang unibersidad rin na bumisita. Agad silang naghiwa-hiwalay at mag isang umikot sa lugar si Delfin. Isang painting ang nakaagaw ng kanyang atensyon kaya agad niya iyong nilapitan at tinitigan, kinuhanan niya ito ng litrato mula sa kanyang cellphone at napangiti pa nang titigan iyon.

“Ang galing ano, sa painting palang malalaman mo na rin kung ano ang nararamdaman ng artist,” sabi ng isang babae. Nakatingin ito sa kanya, mukhang estudyante sa ibang eskwelahan. Sigurado naman si Delfin na isa ito sa mga dalagang nagpipicture lang at ipo-post ito sa social media para magmukhang artistic at hangaan ng lahat kaya di niya ito kinibo.

Pero muling nagsalita ang babae, “Malalaman mo rin kung sino yung mga ka-pareho niyang mag isip dahil ang mga yun lang ang makaka-appreciate ng gawa niya, lalo pa kung abstract.”

Medyo naiinis na si Delfin dahil kung anu ano ang pinagsasabi ng babae na baka kung saan lang nito narinig, for sure naman, hindi nito naiintindihan ang mga sinasabi, nagpapasikat lang sa kanya.

“Miss, you don’t have to try so hard. Kung kaya mo sinasabi yan para feeling matalino ka, sige na. Pero no, I don’t think you understand art. Kahit kailan di mo maiintindihan ang ibig sabihin ng art na ito, kaya go ahead and take pictures na para may mai-post ka sa social media,” pambabara niya rito.

Bago pa makasagot ang babae ay pareho na silang napalingon sa kanilang teacher na malayo pa lamang ay sumigaw na. Ah, siguro ay namamangha ito dahil siya ang nakakita agad sa pinakamagandang painting sa exhibit.

“Oh my God! Alyssa, it’s you right?” sabi ng kanyang guro. Gulat na napalingon naman si Delfin sa kanyang katabi na noon ay tumatango tango habang nakangiti.

“Glad to see you! This is Delfin, one of the top students sa aking class this year,” sabi ng guro, taas noo naman si Delfin.

“Delfin, this is Alyssa. She’s my student last year pero nag-transfer siya sa ibang school. I can say na she’s the best student for me, sa sobrang galing niya ang daming nag ooffer ng scholarship sa batang ito. Tignan mo, kahit na estudyante siya ay pinili ng organization na i-display ang gawa niya, fantastic, Alyssa.” puri nito sa babae at itinuro pa ang painting na kanina pa tinititigan ni Delfin.

Pahiya naman ang lalaki, may mangilan ngilan rin kasi siyang mga kaklase na nakarinig sa ginawa niya sa magaling palang pintor kaya naghahagikgikan ang mga ito sa likod. Nakangiti lang naman sa kanya si Alyssa, magalang pa itong nagpaalam sa kanila. Alangang hahanga o maiinggit si Delfin sa babae, ang alam niya lang, nakahanap siya ng katapat. Hindi man sinabi sa kanya nang harapan aya naipamukha sa kanya ng babae na hindi siya ang pinakamagaling sa lahat, tanggal ang yabang niya.

Hindi malilimutan ni Delfin ang araw na iyon, nakakahiya man ay natuto naman siya ng leksyon.Bukod doon, kung hindi siya napahiya ay hindi dadami ang mga kaibigan niya; hindi rin niya makikilala ang ina ng mga anak niya at babaeng nagpatibok sa puso niya ngayon, si Alyssa.

Ilang beses pa silang nagkita sa mga exhibit pero ibang Delfin na ang humarap sa babae, mapagkumbaba at marunong tumanggap ng pagkakamali kaya hindi naging mahirap na mahulog ang loob dito ni Alyssa.

Ngayon ay may dalawa na silang anak, bagamat parehong magaling gumuhit ang dalawang bata ay tinuturuan nila ang mga ito na huwag maging mayabang.

Advertisement