Inday TrendingInday Trending
Tila Banal at Aktibo sa Simbahan ang Malditang Babaeng Ito; Nasupalpal Siya nang Mabuking ng mga Ka-Myembro ang Tunay Niyang Kulay

Tila Banal at Aktibo sa Simbahan ang Malditang Babaeng Ito; Nasupalpal Siya nang Mabuking ng mga Ka-Myembro ang Tunay Niyang Kulay

Maingat na inilagay ni Ara ang kanyang maliit na bibliya sa bulsa ng kanyang bag sa unahan, sa loob ay mayroon pa siyang malaking Bibliya na siyang binabasa niya tuwing kasama niya ang mga kasamahan niya sa simbahan. Isa siyang active na miyembro ng kanilang church, nangunguna pa nga siya sa pagbibigay ng leksyon sa mga sumisimba sa kanila, namimigay rin siya ng mga maliliit na bibliya upang di malimutan ng tao ang mabubuting gawa ng Diyos, at aniya ay ma-gabayan ang mga ito sa araw araw na gawain.

“O guys, see you sa event later. Sana lahat tayo makapunta kasi magandang opportunity iyon to praise God and be together, God bless you all!” nakangiting sabi niya sa mga kasama.

“Yes po Miss Ara,” sabi rin ng mga ito na hangang hanga sa kanyang kabutihan at umalis na.

Nagtatrabaho sa isang opisina sa Maynila si Ara, at pag walang pasok ay nakatambay siya sa kanilang simbahan. Pero taliwas sa sinasabi ng bibig ng dalaga at sa mga itinuturo niya sa kapwa, hindi siya totoong mabait. Mahilig siyang mamintas at sumilip sa kamalian ng iba, may pagka-inggitera rin siya at mapang-samantala, pakiramdam niya ay napapaikot niya ang lahat dahil sa imahe niyang mabait. Sino ba naman ang makakatanggi sa mala-anghel sa bait na tulad niya? Wala.

Totoo namang naniniwala siya sa Diyos pero hindi niya isinasagawa ang mga salita nito, buo rin ang paniniwala niyang malinis siya at walang mali sa kanya, sadyang marurumi lang ang mga taong nakapaligid sa kanya.

Sumakay na siya ng jeep para umuwi sa tinitigilan niyang apartment, habang nakasakay ay inilabas niya ang maliit na bibliya at doon ay nagbasa, itinataas niya pa iyon upang makita ng ibang nakasakay na isa siyang relihiyosa at mabuting tao. Maya-maya pa ay may mag-nobyo sumakay, bata pa ang mga ito pero siguro ay pitong buwang buntis na ang dalagita. Halatang naiilang ang dalawa sa palihim na sulyap ng ibang tao pero lalo pa silang inilagay ni Ara sa alanganing sitwasyon nang ibaba niya ang bibliya at tahasang titigan ang mga ito. Tinignan niya mula ulo hanggang paa at napapatungong dalagita, sabay bumulong ng “Malandi, buti nga sa’yo.” at umirap.

Itinuloy niya na ang pagbabasa ng bibliya hanggang makarating siya sa inuupahang apartment. Makalipas ang ilang oras ay muli siyang naligo para maghanda na sa event nila ngayong gabi, malaki-laki ang dadaluhan niya at maraming importanteng tao sa church ang pupunta. Nagpahid siya ng di kakapalang make up,sapat na para magmukha siyang maganda at malinis, may talumpati kasi siya sa unahan. Magbibigay siya ng maiksing leksyon tungkol sa pagiging tao.

Nag-taxi nalang siya dahil alam niya namang may mga batang hamog at mga patay gutom na magtatangkang nakawan siya kapag nakitang maganda ang ayos niya. Inirapan niya pa nga ang mag inang pulubi nang kalabitin nito ang bestida niya habang nag-aabang siya ng taxi, bwisit kasi, pag narumihan ba ang dress niya may pambayad ang mga ito?

“Mahalin natin ang kapwa natin dahil doon natin maipapakita kung gaano natin kamahal ang Diyos. Mga kaibigan ko, kahit na anong lupit ng mundo ay huwag nating hayaang mahawaan ang ating puso, manatili tayong busilak.” Pagpa-practice niya pa ng tamang sasabihin sa unahan, tuloy tuloy siya sa pagsasalita hanggang makarating sa kanyang destinasyon.

“Manong o, baka naman dinagdagan mo yang metro ha?” pagtataray niya sa matandang taxi driver.

“Hindi ma’am, hindi ko po magagalaw iyan.” sabi naman nito. Padabog niya nang inabot ang bayad at bumaba na. Napanganga pa siya nang makita ang lugar kung saan gaganapin ang kanilang program, ang gara! May mga mamahalin pang camera na nakapaligid at nagpe-play iyon sa malaking screen sa unahan ng stage. Wala pang tao, mukhang nauna siya dahil di niya pa matanaw ang mga kasama, puro waiter ang naroon. Feeling Donya talaga siya habang naglalakad palapit sa table kung saan magre-register ang mga dadalo. Taas noo niyang kinausap ang babae.

“Ara Ferrer,” sabi niya.

“Good evening po Ms. Ferrer, hanapin ko lang po ang name nyo,” magalang na sabi nito. Medyo napataas ang kilay ni Ara dahil di tumayo ang babae nang batiin siya. Ang mga waiter ngang nakasalubong niya ay tumungo pa.

“Medyo bastos ka rin ano?” sabi niya.

“H-ho?” gulat na napatingin ang babae.

“Bakit di ka tumayo man lang nang i-greet mo ako? That’s not how you treat you guests! Sino’ng nag-hire sayo?” mataray niyang tanong.

“K-kinuha ho ako ni Sir Lemuel, ma’am sorry, pilay ho kasi ako. Nagpa-part time lang ako rito,” ang tinutukoy nito ay ang isa sa President nila sa Club sa kanilang church.

“Kukuha nalang rin si Lemuel ay dispalinghado pa. Ano kung pilay ka? Dapat di ka sa ganito nagtatrabaho. Can’t you see sosyalan ito? Baka di mo ako kilala, ako ang guest speaker dito. Malaki ang part ko rito sa church kaya wag kang babastos-bastos sa akin. Isang kausap ko lang kay Sir Lemuel, sasabihin ko ngang wag kang bayaran, luka-lukang to.” sabi niya.

“Miss Ara!” tawag sa kanya ng isa sa mga miyembro ng kanilang church. Nanlaki ang mata niya nang makita kung nasaan ito. Lingid sa kanyang kaalaman ay nasa loob na ang maraming miyembro, nag-meeting lamang ang mga ito kanina sa gilid kung kaya hindi niya napansin. Pero lahat ng ginawa at sinabi niya ay rinig na rinig ng mga ito dahil naka-record iyon sa mga camera at nakikita sa malaking screen na nasa unahan.

Lalo pa siyang nanlumo nang makita ang dismayadong si Sir Lemuel. Tumalikod si Ara at patakbong lumayo sa event. Hindi niya alam kung may mukha pa siyang ihaharap sa kanilang church.

Wala na sana siyang balak bumalik pero hindi siya tinigilan nina Sir Lemuel at ng kanyang mga kasama, hinikayat pa rin siyang bumalik ng mga ito. Nangako ang mga ito na hindi siya huhusgahan sa kung ano pa man ang kanyang ginawa. Nilunok ni Ara ang kanyang kahihiyan at sinubukang bumalik, nagulat pa siya nang makatabi niya sa pagsimba ang babaeng pinahiya niya noon, paulit-ulit siyang humingi ng tawad rito.

“Ara, gusto mo na bang bumalik sa pagiging speaker natin?” tanong ni Sir Lemuel sa kanya, katatapos lamang ng kanilang prayer meeting.

Umiling si Ara na siyang ikinagulat ng lahat, sanay kasi ang mga ito na siya mismo ang nagvo-volunteer sa sarili noon.

“Gusto ko muna pong maging taga-pakinig para matuto ako. Ayoko po munang magsalita sa unahan dahil gusto ko, sa susunod na magbibigay ako ng leksyon sa iba ay karapat dapat na ako.”

Napangiti si Sir Lemuel, mukhang natuto talaga ang babae sa kanyang karanasan.

Sabi nga nila, bago ka tumingin sa muta ng iba ay siguruhin mong walang muta sa sarili mong mga mata.

Advertisement