Napakasugapa ng Matandang Ito na Masayang Nanlalamang ng Kapwa; Malas Niya Dahil Apo Niya Mismo ang Naglabas ng Baho Niya
Matagal nang biyuda si Aling Myrna dahil maagang pumanaw ang kanyang mister, gayunpaman ay maginhawa pa rin ang kanyang buhay dahil ang kanyang mga anak ay nasa abroad na lahat. Malayo ang loob sa kanya ng sariling mga anak dahil may kasamaan ang kanyang ugali, pero di naman siya pinababayaan ng mga ito.
Sa katunayan, sila nga ang nagpapadala sa kanya ng pera buwan-buwan. Ang panganay niyang si Rojer ay nakapag asawa ng isang stewardess at kapwa nasa Europa na ang dalawa, si Minerva ang pangalawa na isang nurse sa London na nakapangasawa rin ng kapwa Pilipinong nurse, ang bunso ay si Chard na ngayon ay nasa Korea, iniwan nito ang mag ina sa kanya pero pinalayas ni Aling Myrna ang kanyang manugang- dahilan niya ay kahati niya pa ito sa ipinapadala ng anak. Siniraan niya kay Chard ang babae at ngayon ay siya ang nag-aalaga ng kanyang apo para naman bumango ang pangalan niya.
“Hello?Oo mare, naku, salamat. Buti na lang at bibigyan mo ako ng ube, wala nga kaming handa eh.” sabi niya sa telepono, kausap niya ang kaibigan na si Aling Tasing. Ngayon kasi ang graduation ng kanyang apo sa kinder kaya may konting salu-salo sila sa bahay, pero syempre, hindi niya iyon sinabi sa kumare upang mabigyan siya nito ng handa. Ganoon siya palagi, gustung-gusto niyang nanghihingi pero ayaw niya namang namimigay. Ang gusto niya, kabig lang nang kabig. Kahit sa mga simpleng bagay ay pala-silip siya.
“Sige mare, kunin ko nalang pag nagkita tayo sa eskwelahan ha? Mga alas diyes raw ng umaga ang simula ng program diba, kita tayo roon. Bye mars!” masuyong sabi niya bago ibinaba ang telepono. Napairap pa siya, sigurado naman siyang matabang ang ube na ibibigay nito. Maya-maya pa ay inutusan niya na ang limang taong gulang niyang apo, si Andrei, na magbihis. Tahimik namang tumango ang bata at nagsuot na ng uniporme. Si Aling Myrna ang nagbitbit ng puting toga nito tapos ay tumawag na sila ng tricycle para magdiretso sa eskwelahan.
“Andrei wag mong sasabihin sa mga kaklase mo at sa mga nanay nila na may handa tayo ha? Atin lang yun, aba, ayoko ngang magbigay-meron naman sila eh. Pero bibigyan tayo nina Tasing ng ube, nanghingi rin ako kina Elena ng maja blanca, naku ang sarap ng kain ko siguro mamaya.” bilin niya sa bata habang nakasakay sila sa tricycle. Natanaw ni Aling Myrna ang kapitbahay na si Aling Aida, ang apo nito ay kaklase ni Andrei sa eskwela kaya nakasuot rin ng pang-graduation ang bata. Kinalabit niya ang tricycle upang tumigil ito sa harap ng dalawa.
“Mars sabay na tayo, kasya naman eh!” yaya niya rito, inutusan niya ang apo na umupo sa gilid ng tricycle.
“Hay salamat, ang hirap ngang sumakay eh. Nasa school na yata yung ibang tricycle at doon nakapila.” sabi ng babae, ikinandong naman nito ang kasamang bata. Kaunting kwentuhan, kaunting bola at tila nagparinig na si Aling Myrna sa babae na wala siyang pamasahe.
“Naku po! Mama magkano ngang bayad? Otso isa? Wala pala akong barya,” sabi niya. Tila nakaramdam naman si Aida kaya ito na ang nagkusa, “Ikaw naman mars, ako na. Ito na o,” sabi ng babae at iniabot sa tricycle driver ang pera.
Napangisi naman si Aling Myrna sa kanyang apo na nakamasid lang. Pagkababa ng tricycle ay inakay niya na ang bata sa gate ng eskwelahan at habang naglalakad sila ay tila ba proud pa siya na binigyan ito ng leksyon, “Ganoon ang diskarte, tignan mo nakakalibre tayo. Madaling mang uto ng tao, loloko-lokohin mo lang o, tiba-tiba na.” sabi niya rito. Tumango naman ang bata at paniwalang-paniwala sa kanyang lola.
Buti nalang at tama lang ang kanilang pagdating, saktong pag upo ng kanyang apo ay nagsimula na ang programa. Nagdasal muna tapos ay kumanta ng Lupang Hinirang, abala pa si Aling Myrna sa pakikipagdaldalan sa katabi niyang nanay at nagtatanong kung may handa bang pagkain ang mga ito. Nagsisinungaling rin siya, sinasabi niyang di siya nakapagluto dahil di nagpadala ang mga anak niya. Bago ang sabitan ng medalya ay nagsalita ang guro nina Andrei.
“Ito po ang unang antas nila sa edukasyon. Sabi nga nila, pangalawa sa tahanan, dito natin hinuhubog ang mga bata at ang kanilang pangarap. Narito po ang aking mga estudyante mula sa section Apple upang sabihin kung ano ang gusto nilang maging sa kanilang paglaki. Hindi po namin ito napaghandaan upang hindi maturuan ng mga magulang ang mga bata, nais kasi namin na marinig talaga ang natural na sagot ng mga bata,” nakangiting sabi nito. Cute na cute naman ang mga tao nang pumila ang mga estudyante sa kinder sa stage.
Proud na tumayo si Aling Myrna, aba, apo niyang iyong pang lima sa unahan. Nais siguro nitong maging bumbero, mahilig ito sa mga fire truck eh. O kaya naman pulis.
“Shikyna, ano ang gusto mong maging at bakit?” tanong ng guro sa unang estudyante.
“Gusto ko pong maging doktor, para makapag-gamot ako ng may sakit na kapwa.” sabi ng bata, nagpalakpakan ang lahat.
“Red, anong ang gusto mong maging at bakit?” tanong sa ikalawang estudyante.
“Gusto ko pong maging..” medyo nahiya pa ang bata pero nagtuloy rin naman, “gusto ko pong maging pulis para magligtas ng kapwa.”
Sunud-sunod na tinanong ang dalawa pang estudyante, at tuwang tuwa ang mga tao sa kanilang sagot.
“Gusto ko pong maging abogado, ipagtatanggol ko ang kapwa ko!”
“Gusto ko pong maging teacher para makapagturo sa kapwa.”
Excited na si Aling Myrna dahil susunod na ang kanyang apo, talaga namang pumunta pa siya sa unahan at binulungan ang mga nanay na apo niya na ang susunod.
“Andrei, ano ang gusto mong maging paglaki mo, at bakit?” tanong ng guro. Saglit na nag isip si Andrei, nang mapatingin sa kanya ay nagliwanag ang mukha nito.
“Gusto ko pong maging…kapwa. Katulad po ng lola ko, sabi niya kasi, madali lang daw mang uto ng tao. Loloko-lokohin mo lang, tiba-tiba.”
Natahimik ang lahat, maging si Aling Myrna ay hindi malaman kung babalik na lamang ba sa kanyang upuan. Hiling niyang bumuka ang lupa at kunin siya, iligtas sa kahihiyang kinalalagyan niya ngayon.
Mabuti na lamang at nagsalita ang guro, “Ang mga bata talaga, mapagbiro minsan,” sabi nalang nito upang pagaanin ang sitwasyon, tapos ay nagtuloy na sa susunod na estudyante. Tulala pa rin si Aling Myrna. Nang matapos ang programa ay agad siyang umuwi, ni hindi niya na nakuhang kunin ang ube at maja blanca na inungot niya sa mga nanay kanina.
Hindi niya magawang pagalitan ang apo dahil alam niyang nagsasabi lang ito ng totoo, hindi marunong magsinungaling ang mga bata. Ang malas niya lamang dahil sa ganitong paraan pa siya naturuan ng leksyon.
Di nagtagal ay unti-unting nagbago si Aling Myrna, natuto na siyang magbahagi sa ibang tao dahil alam niyang tinitingala siya ng kanyang apo. Pinuntahan niya rin ang manugang at humingi rito ng tawad, siya mismo ang umamin sa kanyang bunsong anak na siniraan niya lamang ang misis nito. Dahil sa kanyang pagpapakumbaba ay napalapit na ang loob ng kanyang mga anak sa kanya. Sa katunayan, sa susunod na Pasko ay napag usapan na uuwi ang mga ito sa Pilipinas upang makasama siya.
Ang laki ng ngiti ni Aling Myrna, salamat sa kanyang apo dahil napahiya man ay natuto naman siya.
Ang kwentong ito ay isang paalala sa mga magulang na palaging gumawa ng mabuti dahil tayo ang nagsisilbing modelo sa ating mga anak. Lagi nating tatandaan, na sa mata ng isang bata, lahat ng ginagawa ng matanda ay tama.