Inday TrendingInday Trending
Akala ng Seaman ay Madidismaya ang mga Anak sa Munting Regalo Niya, Iba Pala ang Nais ng mga Ito

Akala ng Seaman ay Madidismaya ang mga Anak sa Munting Regalo Niya, Iba Pala ang Nais ng mga Ito

Apat na taon nang pumapanhik sa barko si Ed bilang seaman. Kasal na siya at mayroong dalawang anak, si Annie na limang taong gulang at si Marie na pitong taong gulang. Dati ay dalawa sila ng kanyang misis na nagtatrabaho sa pabrika ng mga pantalon pero mula nang suwertehin siya at pinag-aral ng kanyang tiyuhing dati ring seaman, ay pinatigil niya na ang misis at siya nalang ang naghanapbuhay. Maganda ang kaniyang kinikita. Kung tutuusin ay sumobra pa nga kaysa sa pangangailangan ng buong pamilya niya. Nakapagpagawa na siya ng bahay sa magandang subdivision, nakabili ng sasakyan at may maliit nang negosyo. Nasanay na sila sa magandang buhay lalo na ang kanyang mga anak kaya naman ngayong natuklasan ni Ed na may sakit siya, at di muna makakaakyat ng barko ay namomroblema talaga siya. Lumabas kasi sa kanyang medical exam na medyo hindi mahalaga ang lagay ng kanyang kalusugan, at ang payo ng kanyang agency ay nagpahinga muna ng ilang buwan.

Marahil ay paraan na rin ito ng kanyang katawan upang magreklamo, masyado kasi siyang bugbog sa trabaho. Kahit pinapagbakasyon siya ng pamunuan ng barko ay tumatanggi siya. Sayang din ang perang kikitain niya sa mga linggong di siya aakyat nang barko. Ang mga anak niya ay pawang sa private na eskwelahan nag-aaral at may kamahalan ang mga tuition fee.

“Hon, galing naman tayo sa hirap. Hindi kami mahihirapan kung babalik din tayo doon, basta health mo ang intindihin mo.” sabi ni Marianne, ang kanyang misis.

“Paano naman? Nasa private school ang dalawa. Kawawa naman kung ibabalik natin sa public.” Sagot naman niya, habang hinihimas ang sentido. Masyadong masakit sa ulo ang kanyang problema ngayon.

“May naipon naman tayo. Tapos may negosyo, sapat na naman siguro ang income natin para sa mga buwan na magpapahinga ka at di aakyat ng barko. Sabi nga nila diba, kapag maiksi ang kumot, matutong mamaluktot.” pagpapalubag pa ng misis sa kanya.

Tama naman ito, mga bata lang talaga ang iniisip niya. Lalo pa at birthday ng kanilang bunsong anak na si Annie sa isang araw. Dati rati ay bongga ang celebration nito pero ngayon ay baka simpleng salu salo lang ang maibigay niya, masakit iyon sa kanya bilang ama.

Mabilis lumipas ang araw at kaarawan na ng kanyang bunso. Nagluto ng spaghetti ang misis niya at umorder nalang ng puto. Bumili rin sila ng cake, gustuhin man ni Ed na ikain sa labas ang pamilya ay hindi raw praktikal iyon lalo na sa sitwasyon nila ngayon.

“Happy birthday to you.. Happy birthday to you.. Happy birthday, happy birthday..Happy birthday to you! Blow the candle!” Sabay sabay na kanta ni Ed, Marianne, at Marie kay Annie na noon ay masayang nakatitig sa kanyang cake.

Saglit na pumikit ang bata habang nakangiti, taimtim na inusal ang kahilingan tapos ay hinipan na ang kandila.

“Happy birthday baby. Pasensya ka na kung walang laruang gift si Papa.. alam mo naman na di pa ako makakaalis kaya medyo kapos kami ngayon ni Mama.” malungkot na sabi ni Ed, dinampian ng halik sa noo ang anak.

Inaasahan na niyang maiiyak ang anak at magmamaktol. Tiyak siyang malulungkot ito dahil ni hindi niya ito madala sa mall. Ngayon lang nangyari na hindi niya mabilhan ng laruan ang bata, sanay pa naman ito na tuwing birthday ay naibibigay niya anuman ang hilingin. Inihanda na ni Ed ang kanyang dibdib sa mahaba-habang paliwanagan pero ganoon na lamang ang kanyang pagkagulat nang sa halip ay masaya pa ring ngumiti si Annie, walang bahid ng lungkot o pagmamaktol. Niyakap siya nito nang mahigpit at bumulong.

“Okay lang, papa. Natupad na po ang wish namin ni Ate Marie.” nakangiting sabi nito. Humagikgik din ang kapatid nito, tumatangu-tango at pumapalakpak pa.

“Huh? Ayaw mo ng mga laruan?” takang tanong naman ni Ed at Marianne. Nagkatinginan silang mag asawa. Ano naman kayang kahilingan ang sinasabi ng mga bata? Wala naman silang natatandaang ipinabili ang mga ito noong mga nakaraang araw.

Umiling ang bata.

“Ang wish lang naman po namin ni Ate Marie ay nandito ka po. Kahit walang toys.”

Tila hinaplos ang puso ni Ed. Napakasimple lang pala ang hiling ng kanyang mga prinsesa! Buong akala niya ay laruan at kung anu-anong mamahaling bagay ang makakapagpasaya sa mga ito. Siya lang pala! Napabuntong hininga siya, ilang birthday ba ng mga ito ang napalagpas niya? Sinisiguro niyang nagpapadala siya ng malaking pera para sa mga ito noon, pero palagi naman siyang nasa barko. Nanghihinayang din kasi siyang umuwi. Tahimik namang pinahid ng kanyang misis ang luha nitong di namamalayang tumulo na pala.

Dinagukan lang yata siya ng Diyos para magising sa katotohanan. Kinailangan pang magkasakit siya para lang maisip iyon.Gumaling din si Ed pero natuto na siya, palagi na siyang umuuwi sa mga anak at inuuna ang mga ito kaysa sa trabaho. Alam na niya na higit sa pera, mas mahalagang magkakasama ang isang pamilya.

Ibahagi sa amin ang iyong saloobin sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.

Advertisement