Binawian ng Buhay ang Dalagang Biktima ng Kulam, sa Kanyang Burol ay Nagtakbuhan ang Mga Tao dahil Bumangon Siya sa Ataul
Ang kwentong ito ay naganap noong 1960s, hindi pa uso ang kahit na anong gadget kaya ang mga tao ay umaasa lamang sa libro at madaling maniwala sa mga sabi-sabi.
Sa probinsya na lumaki si Stella, nakatira siya sa isang maliit na baryo at mayroon nang sariling pamilya. Ang mister niya ay lumuluwas sa bayan tuwing may trabaho ito bilang karpintero, habang siya naman ay nagbabantay sa kanyang maliit na anak. Maayos na sana ang lahat kung hindi lang ubod ng chismosa ni Stella. Ang liit-liit na nga lang ng lugar nila at liblib pa, nagagawan niya pa ng issue lahat ng tao.
Isang hapon ay walang magawa si Stella, katutulog lang ng anak niya at siyesta time kaya niyaya niya ang isang kapitbahay na tanggalan siya ng kuto. Doon sila tumambay sa maliit na balkonahe ng kanyang kubo at nagsimula nang magkuto-han.
“Yung asawa ko nga eh, ang amo taga-Maynila. Kaya maraming naikukwento sa kanya. Ang laki kamo ng bahay na pinapagawa, mga 155 square meters ba iyon, basta ang laki.” pagyayabang ni Stella sa kapitbahay niyang si Helen.
“Talaga? Edi malaki rin pala ang sahod ni kumpare no?” sabi nito, abalang tinitignan ang suyod kung may nabingwit bang kuto.
“Ba oo, di na rin biro. Mataas na ang posisyon niya sa mga karpintero eh. Ang alam ko, may alam rin sa panggagamot ang amo ng asawa ko, pero di doktor ha. Iyon bang mga kumakalaban sa masamang espiritu. Kakapakinig ko nga sa kwento ni mister eh nakukuha ko na rin ang kaalaman. Mga multo ganyan, nakakaramdam ako.” sabi niya pa, kahit wala naman talaga silang napag-usapang ganoon ng mister niya. Ugali na niyang mag imbe-imbento ng kwento may masabi lang.
Tahimik ang paligid kaya napapitlag sila nang sumigaw ang kanilang kapitbahay.
“Celing! Gumising ka! Diyos ko po!”
Dahil mga chismosa sila ay agad silang tumakbo at nakisilip sa bintana ng mga ito, nakita nilang sumisigaw ang kapitbahay na si Akang, hawak hawak nito sa bisig ang 25 anyos na dalagang kapatid, si Celing. Sikat sa baryo nila ang dalaga dahil maraming nanliligaw, maganda ito at talagang dinarayo pa ng mga binata mula sa Maynila. Marami ring naiinggit rito. Isa na roon si Stella, maging ang mister niya kasi ay nanligaw rin kay Celing dati; hindi lang sinagot.
“Diyos ko! Tulungan nyo kami!” sabi ni Akang.
“Stella! Diba at sabi mo ay may alam ka sa panggagamot?” natarantang sabi ni Helen. Napatingin naman sa kanya ang mga kapitbahay, pati na si Akang.
“Parang awa mo na Stella, tulungan mo ang kapatid ko.” nagmamakaawa ito.
Ayaw ni Stella na mapahiya kaya tumayo siya at lumapit. Kinapa-kapa niya si Celing, kahit na anong kurot niya rito o tapik ay hindi ito gumigising, bagamat may pulso naman ang dalaga. Di malaman ni Stella kung ano ang sasabihin, kaya pinabayaan niya nalang lumabas sa bibig niya ang unang pumasok sa isip niya.
“Nakulam siya.”
Napatakip sa bibig niya si Akang at napuno ng bulung bulungan ang paligid, lahat ng tao ay paniwalang-paniwala.
“Marami kasing naiinggit dyan eh,”
“Baka manliligaw na nabigo.”
“Kaya mahirap rin ang ligawin, maigi at may itsura lang ako,”
Ilan lang sa bulungan ng mga tao.
Apat na araw na ang lumipas pero hindi pa rin gumigising si Celing. Kung anu-ano na ang ginawa nila rito, nilagyan ng sisiw, uwak, mga dahon na panlaban raw sa kulam, pinagsuot ito ng bestidang pula at marami pang iba. Pero wala. Nawawalan na ng pag-asa si Akang.
Isang linggo pa ang lumipas ay nagpasya na ang kapatid na ipalibing si Celing. Hindi nila ito ipina-embalsamo dahil ayaw tanggapin ng embalsamador, mainit pa raw kasi. Naniniwala naman silang kaya mainit ay dahil nga kinukulam. Ayaw pakawalan ng mangkukulam ang kaluluwa ng babae.
Bago ilibing si Celing ay nagtipon-tipon muna ang mga kapitbahay para sa kanyang huling lamay, nagnonovena sa unahan ang mga kababaihan habang ang iba naman ay nasa likod at nagkukwentuhan, lahat ay takot sa kulam.
Nakitulong pa si Stella na magbigay ng kape sa mga bisita, natapon ang mainit na tubig sa kamay niya nang sumigaw ang isa sa matandang babaeng nagdarasal sa unahan.
“Bumangon ang patay!”
Nagtakbuhan ang mga tao, nang lumingon si Stella ay nanlaki ang mata niya. Naroon si Celing, nanghihinang tumayo at pilit na inaalis ang kalahati ng katawan sa ataul na gawa sa tabla. “t-tulungan nyo ko..”
Tanging ang kapatid lamang nitong si Akang ang nakalapit sa babae, hindi ito zombie, buhay talaga si Celing!
Sa wakas ay dumayo na sila sa doktor at noon nila napagtantong na-comatose ang babae, sanhi ng impeksyon sa utak nito. Ma-swerte itong nagising pa, binigyan lamang ng gamot at ineksamen.
Ma-swerte rin ito dahil hindi nalibing ng tuluyan.
Walang mukhang maiharap si Stella sa mga kapitbahay niya, nabuking kasing nagpapanggap lang siya. Dahil pa sa kanya, muntik mamatay ang isang tao. Natutunan niya na mula noon na maging totoo sa sarili, alisin ang inggit sa katawan at makuntento sa buhay na walang sinisirang iba.