Matayog ang Pangarap ng Binatilyo Para sa Kanyang Pamilya Pero Gumuho Lahat Iyon dahil sa Isang Malagim na Pangyayari
Kinse anyos pa lamang si Julio. Ang kanyang nanay ay isang GRO na sumama na sa nobyo nitong foreigner habang ang tatay niya naman ay namatay sa sakit na Tuberculosis taong 2015. Ngayon ay ang kanyang 87-anyos na lola na lamang ang kasama niya sa bahay, at ang kapatid niyang si Jelaine- pitong taong gulang na ang bata pero ang pag-iisip nito ay katumbas ng sa isang tatlong taong gulang lamang.
Nakatira sila sa isa sa pinakamahihirap na lugar sa Tondo, Manila. Ang bahay nila ay pinagtagpi-tagping yero, sa lumang kahoy na ginawa nilang papag natutulog ang kanyang lola at si Jelaine, habang siya naman sa sahig.
Napalingon si Julio nang makaramdam siya ng kalabit sa braso niya.
“K-kuya, ice cream.” sabi ng bata, nakangiti ito at puno ng pag-asa ang mukha. Narinig kasi nito ang kalembang ng naglalako ng sorbetes.
Napangiti rin naman si Julio, kinuha niya ang kaunting barya na naipon niya sa pag-iigib ng tubig sa mga kapitbahay, inakay niya si Jelaine at nilapitan ang nagtitinda.
“Kuya pagbilan nga, sa matamis na apa.” sabi niya.
Takam na takam siya sa bawat pagsandok ng tindero, ganoon rin ang kapatid niyang hindi magkandatuto sa pagdungaw.
“Ilan?”
“I-isa lang ho.” sabi niya, napasulyap sa baryang hawak niya, sa susunod nalang siguro sya bibili. Nagastos niya na kasi sa bigas ang iba pang kinita niya.
“Talamat kuya,” masayang sabi ng kapatid niya habang nilalasap ang masarap na sorbetes. Hinalikan naman ito ni Julio sa ulo bilang sagot.
Kinagabihan ay masayang nagsalu-salo ang tatlo, sardinas ang ulam nila.
“Saan na ba yung salamin ko? Sino na naman ang kumuha ng salamin ko?” medyo naiinis na sabi ng matanda. Pilit nitong hinihimay ang isdang mula sa lata.
“Lola Nanay, wala nang tinik yan. De lata po yan eh. Pwede na yang kainin ng ganito,” sabi ni Julius. Sinubuan pa ang matanda,”O diba. Tsaka matagal ka nang walang salamin. Naupuan mo,” paalala niya rito. Hinayang na hinayang pa nga siya noon dahil libre lang ang salamin na iyon ng isang kandidatong nagpapasikat noon sa kanila.
“Ganoon ba? Sino ka nga ba? Si Arellano?” sabi ng matanda na tinutukoy ay ang ama ni Julio, dahil sa katandaan ay ulyanin na ito.
“Julio po, apo nyo,” sabi niya. Itinuloy na nila ang pagkain, paminsan-minsan ay sinusubuan ni Julio ang lola niya, minsan ay ang kapatid niya. Siya na ang tumayong ilaw at haligi ng pamilya.
Kinabukasan ay maagang nagising ang binatilyo, magpapaigib daw kasi ang kapitbahay nila. Bitbit niya ang tatlong timba at papunta na sa bahay ng mga ito nang masalubong niya ang ilang grupo ng kalalakihan, bago lang ang mukha ng mga ito at halatang hindi taga-roon.
Kahit anong tabi niya ay nabangga siya ng isa. Tinignan siya nito ng masama at nilapitan….
Idinilat ni Julio ang kanyang mga mata.
Medyo nagtataka siya dahil nakahiga siya sa kalsada, patay! Hindi pa kumakain ang kapatid at lola niya!
Binilisan niyang tumayo at naglakad patungo sa tindahan, mangungutang nalang siya ng sardinas. Kahit ilang balde ang igibin niya ay hindi na aabot, malilipasan ng gutom ang dalawa.
“Te.. te Panchang..Pakuha po ng isang sardinas. Bukas ang bayad te pag nakaluwag luwag ako..” tawag niya sa maliit na tindahan. Nakita niya ang tinderang natutulog habang bukas ang TV. Di siya pinapansin nito.
Ayaw na sigurong magpautang sa dami ng nahiram ko, sa isip isip ni Julio.
Hindi siya pwedeng sumuko, kailangan niyang gumawa ng paraan. Ayaw niyang nagugutom ang lola niya at kapatid.
Kung siya nga lang eh mabibigyan ng pagkakataon sa buhay, pagbubutihin niya talaga ang pag aaral niya. Magtatapos siya, ipapagamot niya ang kapatid niya at ang lola niya ay bibilhan niya ng maraming maraming salamin.
Hindi na magtitiis ang mga ito sa sardinas. Hindi na hihiga ang lola niya sa matigas na papag. Hindi na kailangang matakam ng kapatid niya sa ice cream dahil ibibili niya ito ng maraming maraming ganoon.
Masyado siyang nadala sa malalim na pag iisip at napalingon na lamang siya dahil maraming nagkukumpulang tao sa pwestong tinayuan niya kanina, aba, first time yata makakita ng mga ito ng natutulog sa kalsada. Sa dami ng taong grasa sa kanila, naninibago pa ba ang mga ito?
“Kawawa naman, kilala ko yan eh,” sabi ng isa.
“Paano na kaya ang pamilya nyan..” sabi pa ng isa.
Nagtaka si Julio kung ano ang tinutukoy ng mga ito kaya nakipagsiksikan siya upang makita iyon.
Hindi naman siya nahirapan at nakasingit siya kaagad, natulala siya nang makita kung ano ang pinagkakarimusahan ng mga tao.
Naroon siya, nakahiga.
May tama ng bala ang ulo niya at natuyo na ang dugo. Sa dibdib niya ay may tatlong tama rin, na tumagos sa lumang T-Shirt na suot niya.
May nakasabit na karatula sa kanyang leeg.
ADIK AKO, HUWAG TULARAN
“Hindi!” sigaw niya pero walang nakarinig.
Hindi siya adik! Diyos ko, ni hindi nga siya nakahawak ng sigarilyo sa buong buhay niya. Hindi malaman ni Julio kung saan pupunta, kahit na sino ang kausapin niya ay walang nakakakita sa kanya.
Kaya tumakbo siya nang tumakbo, hanggang makarating siya sa bahay nila.
Nasa pinto ang kanyang kapatid, nakatanaw sa labas. Nasa likod nito ang lola niya at sinusuklay ang buhok ng bata.
“Lola, ano orat uuwi kuya?” sabi ng bata.
“Mamaya lang andyan na ‘yun. Baka bumibili pa ng ulam natin, uuwi yun. Naghihintay tayo eh.”
Napaluhod na lamang si Julio at napatingin sa langit. Ngayong wala na siya, ngayong na-biktima siya ng extrajudicial killing, paano na ang pamilya niya?
Nagdasal siya sa Diyos na sana ay wag pabayaan ang mga ito. Sana, kahit wala na siya ay maging maayos pa rin ang buhay ng mga ito. Sana kahit isa sa mga pangarap niya para sa mga ito ay matupad.
Sana, siya na ang huling biktima.