Inday TrendingInday Trending
Itinakwil ng Tatay ang Anak sa Labas ng Kaniyang Yumaong Asawa; Ito Pa Pala ang Maaasahan Niya sa Oras ng Pangangailangan

Itinakwil ng Tatay ang Anak sa Labas ng Kaniyang Yumaong Asawa; Ito Pa Pala ang Maaasahan Niya sa Oras ng Pangangailangan

Hindi mapigilan ni Franco ang sarili na hindi itrato ng maayos ang anak ng kaniyang yumaong asawa sa ibang lalaki. Sampung taon na ang nakakaraan nang mabuntis ito ng kanilang drayber.

“Lumayas ka dito! Pinakain kita! Tinuring kita na pamilya ko, tapos sinulot mo ang asawa ko?” sigaw niya noon sa drayber.

“Boss, pasensya na po talaga, hindi ko po sinasadya.”

“Tama na Franco, patawarin mo ako! Parang awa mo na!” sabad ng nagmamakaawang asawa.

“Isa ka pa! Wala kang utang na loob, binigay ko lahat sa iyo!”

Agad na lumayas ang drayber at hindi na muling nagpakita pa sa kanilang pamilya. Labis namang nahirapan si Franco na tanggapin at patawarin ang asawang nagkasala.

“Franco, ito na ang kape mo, ipinaghanda na rin kita ng merienda,” wika nito.

“Lagay mo lang diyan,” sagot niya sa malamig na tono.

Hindi niya magawang tignan ang asawa at tabihan ito sa kama, kahit nakikita naman niyang nagsisikap itong bumawi sa kaniyang pagkakamali. Lalo pang nag-alab ang galit ni Franco nang malamang buntis ang kaniyang misis.

“Anak ka ng! Napaka-kire mo! Nagpakamot ka na nga sa iba, nagpabuntis ka pa! Napakalaking kahihiyan nito sa pamilya natin!” sigaw niya sa umiiyak na asawa.

“Maniwala ka hindi ko sinasadya, Franco maawa ka! Hayaan mong buhayin ko ang anak ko.”

Upang maiwasan ang pagkalat ng eskandalo na kinasasangkutan ng kanilang pamilya ay inako ni Franco ang bata, pinalaki niya ito sa kaniyang tahanan kasama ang dalawa pa niyang anak, yun nga lang ay iba ang naging pakikitungo niya rito.

“Papa!” sigaw ng kaniyang mga anak nang siya ay dumating mula sa trabaho.

“Ang mga anak ko, ang aasim niyo ah, puro laro na naman ang inatupag niyo, sige maglinis muna kayo bago ko ibigay ang pasalubong niyo,” wika niya sa dalawa bago sila nag-unahang tumakbo patungo sa banyo.

“Papa may pasalubong din po ako?” tanong ni Devon, ang anak ng kaniyang asawa sa ibang lalaki.

Hindi pinansin ni Franco ang bata at naglakad na patungo sa silid. Ni minsan ay hindi siya nagpakita ng pagmamahal para rito, makita pa lamang niya ang bata ay naalala niya ang panlolokong ginawa ng kaniyang asawa.

“Andiyan ka na pala. Halika maghapunan na tayo,” wika ng kaniyang misis.

“Tawagin mo na ang mga bata,” sagot niya.

Sa kanilang paghahapunan ay biglang nakaramdam ang kaniyang asawa ng pananakit ng dibdib, unti-unti itong bumagsak sa sahig at agad siyang isinugod ni Franco sa ospital.

“Franco patawarin mo ako, si Devon, maawa ka sa bata, huwag mo siyang pababayaan,” ang huling mga salita niya bago tuluyang malagutan ng hininga.

Sa pagpanaw ng asawa dahil sa atake sa puso ay parang gumuho ang mundo ni Franco, anuman ang kanilang naging nakaraan ay hindi naman nawala ang kaniyang wagas na pag-ibig para rito. Mag-isa niyang itinaguyod ang tatlong bata hanggang sa sila ay makapagtapos ng pag-aaral.

“Papa, pinatawag niyo daw po ako,” wika ni Devon.

“Ngayong tapos ka nang mag-aral ay kaya mo na siguro ang sarili mo, makakaalis ka na sa pamamahay ko,” wika niya.

“Pero bakit po? Anong kasalanan ko?”

“Hindi kita anak Devon, anak ka ng nanay mo sa ibang lalaki, ang makita ka rito araw-araw ay isang paalala ng mapait na nakaraan namin, kaya magipake ka na at lumayas.”

Umalis si Devon na lumuluha, bagaman alam niyang anak siya sa labas ay hindi niya inakalang isisisi sa kaniya ng kinalakhang ama ang kasalanan ng kaniyang ina.

Lumipas ang maraming taon at nagkaroon na ng kaniya-kaniyang buhay ang dalawang anak ni Franco. At sa kaniyang pagtanda ay sari-saring sakit na ang kaniyang nararamdaman.

“Kailangan niyo ho ng permanenteng makakasama sa bahay, lalo na ngayong mahina na ang tuhod niyo.” wika ng doktor.

“Kaya ko naman ‘to dok, isa pa’y may pamilya na ang mga anak ko, hindi na nila ako mababantayan.”

Isang araw habang siya ay namamahinga sa kaniyang balkon ay biglang dumating si Devon.

“Pa, nabalitaan ko po ang nangyari sa inyo, tinawagan ako ni kuya na baka pwede ko kayong samahan.”

“‘Di ba pinalayas na kita? Hindi ko kailangan ang tulong mo, makakaalis ka na.”

Ngunit nagmatigas si Devon at nanatili sa kaniyang bahay, siya na rin ang gumawa ng mga gawain kagaya ng paglilinis, pagluluto, paglalaba at pagpapanitili ng kaayusan ng bahay.

Samantalang habang tumatagal ay lalong nanghihina si Franco, anumang takwil niya kay Devon ay nanatili ito upang siya ay alagaan.

“Bakit mo to ginagawa Devon? Ni minsan hindi kita tinuring na anak, pinalayas pa kita, bakit ka nandito?” tanong niya.

“Kasi papa kita, at kahit anong pagtulak mo sa akin ay ikaw pa rin ang ituturing kong ama, kaya hayaan niyo po akong tulungan kayo,” umiiyak na paliwanag ni Devon.

Hindi na napigilan ng dalawa ang sarili at pareho na silang naluha, pagkatapos ng napakaraming taon ay tila ngayon lang gumaan ang pakiramdam ni Franco.

“Patawarin mo ako Devon, anak, patawarin mo ako, hindi ko dapat binuhos sayo ang galit ko sa mama mo.”

“Naiintindihan ko yun pa, pwede ba tayong magsimula ulit?”

Sinubukan nilang bawiin ang mga panahon na hindi sila nagkasundo bilang mag-ama. Nanatili si Devon sa piling ni Franco araw-araw upang alagaan ang matanda hanggang sa ito ay tuluyan ng namahinga. Kahit maraming beses siyang nasaktan sa mga sinasabi at ginagawa ng itinuring na ama, pinili niya pa rin itong alagaan bilang pagtanaw ng utang na loob sa pagpapa-aral at pagpapalaki sa kanya.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement