Tinawag ng Anak na Sinungaling ang Kaniyang Ama Dahil Natuklasan Niya ang Lihim Nitong Trabaho, Mapatawad Pa Kaya Niya Ito?
Araw araw na pumapasok si Efren sa opisina upang maghanap buhay. Aalis siya sa kanilang bahay suot ang maayos at plantsadong polo, ihahatid ang anak na si Clarisse sa eskwelahan at saka tutungo sa kaniyang trabaho.
“Tayo na anak, mahuhuli ka na sa klase,” tawag niya sa anak.
“Opo ‘tay, papunta na po,” sagot ng bata.
Dala ang isang itim na bag at ang mabigat ng bag ng kaniyang anak ay nilalakad ng mag-ama ang kalsada papunta sa paaralan ni Clarisse.
“Ba-bye tatay, ingat ka po sa opisina.”
“Ikaw din anak, mag-aral kang mabuti ha? Susunduin kita mamaya,” sagot ni Efren.
Makailang ulit na nililingon ni Clarisse ang kaniyang ama. Napakalapit ng loob niya rito dahil mula nang pumanaw ang kaniyang ina ay silang dalawa na lamang ang naging magkatuwang sa buhay.
Maaga rin siyang natuto ng mga gawaing bahay, sa kaniyang murang edad ay natutunan niya ang kahalagahan ng pagiging masinop sa bahay. Araw-araw ay hatid-sundo siya ni Fredo kaya’t batid niyang kailangan niyang tulungan ang ama.
“Kamusta ang araw mo sa opisina tay? May bago ka bang kliyente?” tanong niya habang sila ay naglalakad.
“Ah oo anak, marami akong kliyente ngayon, bukas ay babalikan ko sila para makabili tayo ng FRIED CHICKEN!” masayang sagot ni Fredo.
Masayang naghapunan ang mag-ama bago inumpisahan ni Clarisse ang kaniyang mga takdang-aralin. Nang mahirapan sa matematika ay nagpatulong siya sa ama.
“Tay, ‘di ba magaling ka po sa math? Pwede niyo ba akong tulungan?” tanong niya.
Napakamot ng ulo si Fredo dahil ang totoo ay hindi siya nakatapos ng pag-aaral ngunit lakas loob niyang sinubukan na tulungan ang anak sa takdang-aralin nito.
“Oo naman anak! Magaling si tatay diyan, akin na at tuturuan kita.”
Kinabukasan ay maaga silang gumising upang muling pumasok sa kani-kanilang destinasyon. Inihatid ni Fredo si Clarisse at nang makapasok na ang anak ay nagtungo na sa kaniyang hanapbuhay.
“Clarisse, nakita ko yung tatay mo kahapon, akala ko ba sa opisina siya nagtatrabaho? Bakit nagtutulak siya ng kariton?” wika ng kaklase ni Clarisse.
“Hoy baka hindi yun ang tatay ko, sa malaking opisina siya nagtatrabaho, hindi mo ba nakikita yung suot niya pag hinahatid at sundo niya ako?” pagdepensa niya sa ama.
“Hindi! Siya yun, sigurado ako! Kahit tanungin mo pa siya.”
Ayaw paniwalaan ni Clarisse ang mga akusasyon ng kaniyang kaklase, at upang mapatunayan sa sarili na tama siya ay sinundan niya ang ama kinabukasan.
“Sige na tatay, papasok na po ako,” paalam niya.
“Sige anak, mamaya ulit.”
Nang makalayo si Fredo ay lumabas muli si Clarisse ng paaralan at sinundan ang ama. Laking gulat niya nang matuklasan ang pinakatatagong sikreto ng kaniyang ama. Nagpapalit siya ng damit na t-shirt at short at inumpisahan ang pangangalakal ng bote, plastik at dyaryo. Hindi na napigilan ni Clarisse ang sarili at nilapitan si Fredo.
“Sinungaling ka tatay! Akala ko ba masama ang magsinungaling? Sabi mo sa opisina ka pumapasok eh,” umiiyak na wika niya.
“Patawarin mo ako anak, ayoko lang kasi na pagtawanan ka ng mga kaklase at kaibigan mo dahil isang hamak na mangangalakal ang tatay mo,” paliwanag ni Fredo.
Awang-awa si Clarisse sa itsura ng kaniyang ama, para sa kaniyang kapakanan ay nagbibilad ito araw-araw upang mangalakal ngunit wala siyang kaalam-alam. Niyakap niya si ang ama at ipinangakong hindi mauuwi sa wala ang lahat ng kaniyang paghihirap.
“Magtatapos ako ‘tay, para sa’yo, wag kang mag-aalala at magiging proud ka sa akin,” pangako niya.
“Proud na proud naman ako sa iyo anak, mas matalino ka pa nga kaysa sa akin eh,” sagot ng ama.
Pinagtatawanan man ng iba niyang mga kaklase ay taas noong ipinagmamalaki ni Clarisse ang kaniyang ama. Mas pinaghusayan niya pa ang kaniyang pag-aral nang sa gayon ay masuklian ng mga medalya ang mga sakripisyo nito sa kanya.
Makalipas pa ang apat na taon ay nakatapos si Clarisse sa hayskul bilang Valedictorian. Sa kaniyang speech ay labis niyang pinasalamatan ang amang si Fredo.
“Tay, wala po akong ibang pagaalayan ng mga medalyang ito kundi kayo. Simula pa lamang po ito ng ating tagumpay, ipinangako ko po sa inyo noon na gagawin ko ang lahat para isang araw ay hindi mo na kailangan pang magtulak ng kariton, dadating po tayo doon tatay, mahal na mahal ko kayo….”
Pagkatapos ay isinabit niya sa ama ang kaniyang natanggap na medalya. Nagtayuan ang mga taong labis na naantig sa istorya nilang dalawa. Binalot ang hall ng masigabong palakpakan at naluluhang mga manonood.
Isang malaking kayaman para sa isang magulang ang magkaroon ng mabait at masunuring anak na marunong tumanaw ng utang na loob at marunong magpahalaga sa kaniyang mga sakripisyo.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!