Kilala ang Lalaking Ito Bilang Basagulero at Mahilig sa Rambol, Ngunit sa Likod ng kaniyang Sigang Imahe ay Nagtatago ang Isang Mabait na Anak
Lumaki si Aaron na kinatatakutan sa kanilang lugar, wala siyang sinasanto at kilala na siya roon bilang basagulero at kilabot na takaw-gulo.
“Aaron, may dayo na naman na mga gang dun sa kabilang kanto, ano puntahan natin?” wika ng kaniyang barkada.
“Wag na, pag dito na sila nanggulo satin saka lang tayo kikilos ayos ba?”
Halos lahat ng kabataan sa kanilang lugar ay mataas ang tingin sa kaniya dahil siya ang lider ng kanilang grupo. Sa tuwing may mga dayong grupo na nanggugulo sa kanilang lugar ay grupo ni Aaron ang humaharap sa kanila.
“Sinong matapang dito?” biglang sigaw ng isang lasing na lalaking may kasama ring gang.
“Nako Aaron ayan na sila, ano tirahin na ba natin?” tanong ng kaniyang kasama.
“Sino kayo? Kung wala naman kayong magandang gagawin dito sa lugar namin mabuti pa umalis na kayo,” sagot ni Aaron.
Ngunit nagmatigas ang mga lalaki at tila ba naghamon pa ng away. Pasiga-siga silang naglakad patungo kina Aaron at doon na nagsimula ang isang gulo. Kaliwa’t kanang suntok ang tinanggap ng mga lasing na lalaki mula kina Aaron, nang mapansin nilang tagilid na ang kanilang grupo sa rambol ay isa-isa na rin silang nagsitakbo papalayo.
“Aaron, ano ka ba naman anak? Sabi ko naman sayo tigilan mo na yang pakikipag-basag ulo mo, tingnan mo puro sugat ang mukha mo,” wika ng kaniyang inang labis na nag-aalala.
“Okay lang po ako ma, ayos na yon para hindi na sila bumalik dito at manggulo,” sagot niya.
Lingid sa kaalaman ng marami ay napakalambing na anak ni Aaron sa kaniyang ina, basagulero man ang tawag sa kaniya ng karamihan ngunit sa loob ng kanilang tahanan ay napakabuti niyang anak.
“Ma, ako na po diyan sa hugasin, maupo na kayo doon at magsisimula na ang paborito niyong palabas,” wika niya sa ina.
“Sus eto talagang anak ko, sige, pati yung mga kawali hugasan mo na din ha,” sabay pisil nito sa kaniyang pisngi.
Ngunit isang malagim na pangyayari ang biglang bumago sa masaya nilang pamumuhay. Minsang nakatambay si Aaron kasama ang kaniyang barkda sa isang tindahan nang tawagin siya ng kaniyang kaibigan.
“Aaron! ‘Yong mama mo, inatake yata. Nakita lang namin siya na nagsasampay sa bakuran niyo tapos bigla siyang bumagsak, dalian mo!” sigaw ng lalaki.
Dali-daling tumakbo si Aaron pauwi, saktong pagdating niya roon ay isinasakay na ang kaniyang ina sa isang tricycle na papaalis na upang ihatid ang walang malay na babae sa ospital.
“Ma! Ma, ‘wag kang bibitaw. Hindi ko kaya ma!” sigaw niya.
Humahagulgol na si Aaron at awang-awa na sa kaniya ang isa niyang kaibigan habang pinapanood siya.
“Kuya bilisan niyo pa! Baka hindi na siya umabot sa ospital,” pakiusap niya sa drayber.
Nang makarating sila doon ay agad na isinugod sa emergency room ang kaniyang ina. Ilang oras siyang naghintay sa labas at nagdatingan na rin ang kaniyang mga barkada.
“Tol, andito lang kami, wag kang mag-aalala,” wika ng isa.
“Salamat ‘tol, alam ko naman maasahan ko kayo,” sagot niya.
Lumabas ang doctor dala ang magandang balita na naisalba pa nila ang kaniyang ina, ngunit upang makasigurado ay kailangan nitong manatili pa roon ng ilang araw.
“Wala ka nang dapat ipag-alala hijo, ligtas na ang mama mo. Pero para makasigurado tayo ay dito muna siya kahit dalawang araw,” wika ng doktor.
“Salamat ho, maraming salamat dok,” naiiyak na sagot ni Aaron.
Araw gabing binabantayan ni Aaron ang kaniyang ina. Nang payagan na sila ng doktor na makalabas ay iniabot na rin sa kanila ang bill sa ospital.
“Ang laki ng problema ko tol, saan ako kukuha ng ganitong pera? Pag ‘di ko ‘to nabayaran hindi rin kami makakalabas at lalong lalaki ang bill ni mama,” namomroblemang wika ni Aaron.
“Oo nga ang laki, kahit yata ibigay ko sayo lahat ng laman ng wallet ko ngayon hindi man lang mangangalahati yung babayaran niyo.”
Kung kani-kaninong kamag-anak na lumapit si Aaron upang manghiram ng pera, ngunit dahil alam ng mga ito na wala naman silang pinagkakakitaan para maipambayad utang ay pinagdamutan siya ng mga ito.
“Ang dadamot niyo! Halos mamatay na yung mama ko wala man lang kayong maitulong, pag kayo nangailangan ng tulong wag na wag kayong lalapit samin,” wika niya sa kaniyang tiyuhin.
“Wala naman kayong maitutulong sa amin kaya makakaasa kang hindi kami lalapit sa inyo, umalis ka na dito,” sagot nito sa kaniya.
Pagbalik ni Aaron ng ospital ay laking gulat niya nang makitang naroon ang lahat ng kaniyang mga kaibigan at ilan sa kanilang mga kapitbahay. Nakaimpake na rin ang gamit ng kaniyang ina at tila ba hinihintay na lamang nila siya upang makauwi.
“Anong nangyayari? Ma hindi pa po ako nakahiram ng pera eh, hindi pa tayo makakaalis.”
“Okay na Aaron, naikwento sa amin netong kaibigan mo ang problema mo kaya’t nagtulong-tulong kaming magkakapitbahay kasama nitong grupo mo para makaipon ng sapat na pera,” wika ng matanda niyang kapitbahay.
“Napakalaki ng naitulong mo para mabawasan ang mga sangganong nanggugulo sa ating lugar, simula noong mabuo ang grupo niyo ay wala ng nagbabatuhan ng bote sa kalsada, kaya eto ang tulong na ibabalik namin sa iyo,” sabat pa ng asawa nito.
Naluha na lamang si Aaron sa kabutihang loob ng mga tao sa kaniyang paligid. ‘Di niya lubos akalain na ang isang sangganong kagaya niya ay pasasalamatan at tutulungan nila. Iniuwi nila ang kaniyang ina at doon ay masayang naghihintay ang mga taong tumulong sa kanila. Mayroon din silang pinamiling ilang groceries para sa kanilang pang-araw-araw na pagkain. Ngunit upang matulungan ang kaniyang ina ay nagpasiya na si Aaron an maghanap ng trabaho.
“Ma, natanggap na akong service crew sa isang fastfood chain, hindi naman ganun kalaki yung kita pero pwede na ring panimula,” masayang wika niya sa ina.
“Mabuti naman anak, masaya ako para sa iyo,” sabay yakap sa anak.
Gayunpaman ay nanatiling buo ang grupo ni Aaron, sa kanilang libreng oras ay nagiikot pa rin sila sa kanilang lugar upang mapanatili ang kapayaan.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.