Inday TrendingInday Trending
Huling Bulong ni Tita

Huling Bulong ni Tita

Pitong taong gulang pa lamang si Jana nang mangibang bansa ang kanyang ina, nagtrabaho ito bilang domestic helper sa Kuwait. Mula noon ay ang tita Cate niya na ang nag-alaga sa kanya. Matandang dalaga ito, hindi na nakapag-asawa kakaalaga sa mga kapatid at pamangkin.

“Tita, happy mother’s day!” masayang wika ng ngayo’y 17 years old nang si Jana.

Napangiti naman ang tiyahin, pinipigil ang luha. Tila na-sorpresa pa ito sa cake na binili niya para rito. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na na-regaluhan niya ang tiya, bagamat matagal niya nang gustong gawin iyon.

“Ikaw naman, hindi naman ako ‘mother’,” natatawang biro nito.

“Hindi naman sa panganganak lang ibinabase ang pagiging ina tita, anak mo ako sa heart mo. Without you ay hindi ko na alam kung paano ako dahil tiyak kong walang mag-aalaga sa akin,” madamdaming wika niya.

Kapag nakikita niyang ngumingiti ang kanyang tita Cate ay sulit na rin ang hirap na dinanas niya mabili lamang ang cake na iyon. Kahit kasi tutol ito at ang mommy niya ay nagpumilit pa rin si Jana na mamasukan bilang kahera sa maliit na grocery. Alam niya namang may pera sila, gusto niya lang talagang malaman ang pakiramdam na kumikita ng sarili.

“Naku, binati mo na ba ang mommy mo? I-videocall mo at magtatampo naman iyon,” paalala nito.

“Opo natawagan ko na kanina.”

Sa totoo lang, kaya lalo siyang napamahal sa kanyang tiya ay dahil hindi ito makasarili. Kahit pa ito ang nag-aalaga sa kanya ay hindi nito kinalilimutang ipaalala na maging malapit pa rin siya sa kanyang ina sa abroad.

“Ano raw ang sabi?” usisa nito.

“Edi nag-thank you. Tsaka, uuwi raw po siya sa isang linggo. Tita wag kang mag-give up ha?” lumamlam ang mata niya pagkasabi noon.

Malungkot na tumango ang kanyang tiya, habang nakangiti. May bandana ito sa ulo dahil nalalagas na ang buhok, maitim rin ang paligid ng mata at bibig nito. Gayon rin ang leeg. Sunog ang ilang bahagi ng kutis dahil sa radiation na hatid ng chemo therapy.

May k*anser kasi ang babae, noong isang buwan lang nila natuklasan pero stage 4 na pala. Grabe ang iyak ni Jana noon, mas mahina pa nga yata ang loob niya kaysa sa tita Cate niyang may sakit.

Mabilis lumipas ang mga araw at umuwi na ang kanyang ina.

“O dahil nariyan ka na Maria, hindi na ako mababahala kung paano si Jana. Tsaka dalaga na naman itong anak mo, isama mo nalang sa Kuwait o magbusiness kayo rito,” sabi ng tita Cate niya habang nagme-meryenda sila isang hapon.

“Ate Cate naman, wag ka ngang ganyan magsalita.” sabi ng kanyang ina.

“Hindi nakakatuwa ang biro mo tita, ayaw ko ng ganyan.” pinipigil ang luha na sabi ni Jana.

“Ah sus, ang baby ko. Wag ka nang umiyak. Darating naman talaga iyon, tsaka pag na-tegi naman ako. Hindi kita mumultuhin, ang una kong gagawin-yayakapin kita. Kaya wag kang matakot okay?” tumatawang wika nito pero seryoso lang silang mag-ina.

“Ayaw kong isipin iyan ate. Hindi ko kaya, hindi namin kaya ni Jana na maabutan kang walang buhay sa harap namin. Mawawasak ang puso namin pareho kaya lumaban ka,” seryosong sabi ni Maria.

Namayani ang katahimikan sa kanilang tatlo.

“Oo nga pala. Diyos ko ate pinalulungkot mo ako, nagbook ako ng ticket pa-Baguio. Para sa ating tatlo, magbonding naman tayo,” pilit na pinasigla ng ina ni Jana ang boses nito.

“Tingnan mo nga ako. Mahihirapan lang ako sa byahe. Kayong mag-ina nalang, bumawi kayo sa mga oras na nawala sa inyo.”

May point naman ang kanyang tita Cate, kawawa rin ito kung pipilitin pa nilang magbyahe kaya silang mag-ina na lamang ang nanatili sa Baguio. Dalawang araw lang naman, pinakiusapan nalang nila ang isang kapitbahay na silip silipin ang tiyahin niya tuwing umaga at bago matulog.

Nakahiga na si Jana sa hotel, sa wakas ay inantok rin siya. Napakali lang siya nang tumawag ang kapitbahay nila at kumpirmahing maayos naman ang lagay ng kanyang tita Cate. Unti-unti na niyang naipikit ang mata nang hindi namamalayan. Kinabukasan ay maaga pa ang gising nilang mag-ina dahil bi-biyahe na sila pauwi.

Makalipas ang ilang oras, alas singko na ng madaling araw.

“M-Ma, pahinging kumot..” bulong ni Jana, nakapikit pa. Sobrang lamig naman kasi. Binuksan ba ng mama niya ang aircon?

Medyo nagulat pa siya nang makapa niyang nakakumot na siya, idinilat niya nang kaunti ang mga mata. Madilim ang paligid dahil nakapatay ang ilaw at wala ring ilaw ang aircon, ibig sabihin ay hindi ito gumagana. Bakit sobrang lamig naman?

May umiihip pang hangin sa kanyang batok. Kinapa niya ang ina sa kanyang tabi pero wala ito. Tumayo siya at bubuksan ang ilaw pero tinayuan siya ng balahibo nang may biglang bumulong sa kanyang tenga.

“Mahal kita..”

“Tita Cate?!” tanong niya, saktong pindot sa switch ng ilaw pero walang ibang tao roon sa kwarto kung hindi siya.

Dali-dali siyang lumabas ng kwarto, inabutan niya ang inang nakaupo sa sofa at nakatungo. Hawak nito ang cellphone.

“Ma, I don’t know if I’m just dreaming but narinig ko si tita Cate-“

“Wala na siya.” lumuluhang sabi nito nang tumingala sa kanya.

“H-Ho?”

“Katatawag lang ng kapitbahay natin. Tatanungin niya kasi sana ang ate kung magpapabili ng pandesal, naabutan niyang walang buhay. Payapang nakahiga sa kama niya,” napahagulgol na ito.

Tulala naman si Jana, nagyakap silang dalawa.

“Hanggang sa huling sandali Jana, tayo pa rin ang iniisip niya. Alam niyang mahina ang loob natin kaya hinintay niya tayong umalis bago siya mamaalam. Tayo pa rin Jana, tayo pa rin ang inuna niya..” humihikbi ito.

Nangangatog pa ang dalaga nang maghatid ng rosas sa ataul ng kanyang tita Cate, ngayon ang araw ng libing nito. Hindi pa rin siya makapaniwala na tinotoo nito ang biro, na ang una nitong gagawin paglisan nito sa mundo ay ang yakapin siya.

Masakit man ay tinanggap na rin nila, habangbuhay nilang tatanawing utang na loob ang mga sakripisyo ng babae para sa kanila, lalo na kay Jana.

“Salamat sa lahat tita, mahal rin kita..”

Advertisement