Inday TrendingInday Trending
Ang Sikreto ng Pamilya ni Lyn

Ang Sikreto ng Pamilya ni Lyn

Nag-iisang anak si Lyn ng mag-asawang Samantha at Matteo. Umiikot ang buhay niya sa pagpasok sa eskwelahan at paglalaro mag-isa kapag nasa bahay. Isang araw, nakatanggap ng tawag mula sa probinsya si Matteo. Nagkasakit ang kanyang ina at kinakailangan niyang umuwi sa lalong madaling panahon kaya nagmamadali itong umalis papuntang probinsya. Sinabihan ni Matteo ang asawang si Samantha na ito na muna ang bahala sa kanilang anak habang wala siya.

Isang gabi, inutusan ni Samantha ang anak na pumunta sa kapitbahay nilang si Mang Damian.

“Anak, punta ka muna kay Mang Damian, may ibibigay siya sa iyo. Sabihin mo lang iyong pinag-usapan kamo namin,” utos ni Samantha.

“Opo mama,” maikling sagot ng bata.

Dali-daling nagtungo si Lyn sa bahay ni Mang Damian. Agad niyang kinatok ang pinto.

“Mang Damian, tao po, Mang Damian,” malakas na tawag ni Lyn.

Nang may nagbukas ng pinto.

“O bakit Lyn?” bungad na tanong ng lalaki.

“Iyong pinag-usapan daw po ninyo ni mama, pinapakuha na po niya,” magalang na sagot ng bata.

Dumukot ito sa bulsa at ini-abot sa kanya ang isang libong piso.

“Ay, pera pala ang kukunin ko,” bulong ni Lyn sa sarili.

“Salamat po,” aniya at bumalik na sa kanilang bahay.

Halos araw-araw ay ganoon ang pangyayari. Araw-araw ay binibigyan ng pera ni Mang Damian si Samantha. Inakala ni Lyn na normal lang ang lahat. Ngunit isang hapon, pauwi siya galing sa eskwelahan bitbit ang magandang balita na nasa unang karangalan siya sa kanilang klase. Masayang-masaya si Lyn lalo na nang matanaw niya ang ina na nakatayo sa pinto. Nang makalapit na siya sa kanyang ina, nagulat siya dahil umiiyak ito. Namumugto ang mga mata. Tinanong niya ito kung bakit pero di ito sumagot. Kaya minabuti niya na pumasok na sa loob ng bahay. Ngunit nagulat siya sa ayos ng kanilang bahay. Basag-basag ang mga gamit nila. Magulo, makalat parang tinamaan ng malakas na bagyo. Luminga-linga si Lyn. Doon niya nakita sa isang sulok ng kanilang bahay ang umiiyak niya ring ama. Bigla siyang nakaramdam ng saya dahil bumalik na ito galing probinsya.

“Papa, kailan pa po kayo dumating?” tanong niya rito.

Ngunit hindi ito sumagot at tahimik lang na nakaupo sa isang sulok. Mayamaya ay nagsalita rin si Matteo.

“Pumasok ka muna sa kuwarto mo anak,” anito.

Walang nagawa si Lyn kundi sundin ang utos ng ama. Pumasok siya sa sariling kuwarto at doon lang siya maghapon.

“Ano kaya ang nangyari?” patuloy pa ring pagtataka ng bata.

Hindi pa rin maintindihan ni Lyn ang mga naganap sa araw na iyon. Naguguluhan pa rin siya. Hindi niya alam ang dahilan kung bakit ganoon ang naabutan niya sa kanyang pag-uwi. Gusto niya itanong sa kanyang mama ngunit wala siyang lakas ng loob. Araw-araw at gabi-gabi rin niyang naririnig ang pag-aaway ng kanyang mga magulang. Puro ito sumbatan at girian. Ang dating masaya at tahimik niyang pamilya ay biglang naging magulo, miserable at puro pagtatalo. Gusto niyang makawala sa ganoong sitwasyon. Gusto niyang ibalik yung dati nilang buhay.

Nang sumunod na araw ay napagdesisyunan ng mag-asawa na ipaalaga muna sa kanyang tiyahin si Lyn. Sobrang iyak ng bata nang malaman iyon.

“Mama, papa ayoko pong sumama sa kanila,” hagulgol ni Lyn.

“Mas maaalagaan ka ng Tiya at Tiyo mo. Hayaan mo anak at kukunin ka ulit namin kapag naayos na namin ng mama mo ang problema?” wika ni Matteo.

“Pero ano po ba ang problema?” tanong niya sa humihikbing tono.

Hindi na sumagot ang kanyang ama. Di niya namalayan na isinakay na siya ng kanyang tiyahin sa taxi at umalis na sa lugar na iyon.

Habang nasa sasakyan ay patuloy ang pag-iyak ni Lyn dahil mahihiwalay na siya sa mga magulang.

“Huwag ka mag-alala, kukunin ka ulit nila. Makakasama mo ulit ang mama at papa mo. May mga kailangan lang silang ayusin,” wika ng kanyang Tiya Cleofe.

“Sa amin ka muna pansamantalang titira, Lyn. Masaya sa amin, maraming pagkain at makakalaro mo pa ang mga pinsan mo,” sabad naman ng kanyang tiyuhing si Fredo.

Tumira si Lyn sa bahay ng kanyan Tiya Cleofe at Tiyo Fredo. May dalawang anak ang mga ito, isang babae at isang lalaki na mas matanda kaysa sa kanya. Ngunit di tulad ng mga magulang ay may kasamaan ang pag-uugali ng kanyang mga pinsan. Isang araw, iyak nang iyak si Lyn sa sobrang sakit ng kanyang binti dahil sa pagpalo sa kanya ng walis tambo ng babae niyang pinsan habang wala ang kanyang Tiyo at Tiya sa bahay. Grabe rin kung siya ay paluin ng kanyang lalaking pinsan kapag may kaunting pagkakamali siyang nagagawa. Hindi na niya nakayanan ang pananakit ng mga ito kaya nagsumbong na siya sa kanyang tiyahin.

“Ayoko na po dito! Gusto ko na pong bumalik sa amin,” mangiyak-ngiyak niyang sabi.

“Naku, pagpasensyahan mo na ang mga pinsan mo ha, hindi kasi sila sanay na may ibang kasama rito sa bahay,” paliwanag ng tiyahin.

“Hayaan mo at pagsasabihan namin sila. Hindi uubra iyan sa amin,” sabad ni Fredo.

“Basta po, Ayoko na pong tumira dito,” patuloy na hagulgol ni Lyn.

Naawa ang mag-asawa sa kalagayan ng pamangkin kaya ibinigay siya ng mga ito sa isa pang kapatid ng kanyang ama na si Tiya Isabel. Wala itong anak kaya nakasisiguro sila na magiging maayos si Lyn sa pangangalaga nito. Agad nilang dinala roon ang pamangkin at hindi nga sila nagkamali, maayos ang pag-aalaga sa kanya ni Isabel. Itinuring siya nito na parang tunay na anak.

“Ngayon ay dito ka na sa akin titira hija. Wala naman akong kasama rito sa bahay kaya masaya ako na dito ka sa akin dinala nina Cleofe. Hindi na ako maiinip rito dahil may bata na akong kasama,” anito.

Minsan ay dinadalaw siya ng mga magulang sa bahay ng kanyang Tiya Isabel. Ngunit napapansin niya na sa bawat pagdalaw ng kanyang mama at papa ay hindi ito magkasabay. Hindi man lang nagkukuwento ang kanyang ina tungkol sa kanyang ama at ganoon din naman ang kanyang ama. Binibigyan lang siya ng pera kapag dinadalaw siya ng mga ito. Sa pagdalaw sa kanya ni Samantha ay nangako ito na ibibili siya ng lahat ng kanyang naisin sa darating na kaarawan niya. Umasa naman si Lyn at naghintay ngunit lumipas ang mga araw at natapos na ang kanyang kaarawan ay hindi pa rin dumadalaw ang kanyang ina, maging ang kanyang ama ay hindi rin nakapunta.

Makalipas ang isang buwan ay bigla na lamang silang binulabog ng nakalulungot na balita.

“Lyn, maghanda ka hija at pupunta tayo sa ospital,” yaya ni Isabel sa pamangkin.

“Bakit po?” tanong ng bata.

“Ang mama mo…” anito sa hindi masabing dahilan.

“Ano pong nangyari kay mama?”

Nang pumunta sila sa ospital ay napag-alaman nila na isang linggo na pala itong nakaratay doon. At sa mga sandaling iyon ay nag-aagaw buhay na. Bigla na lang daw itong nahilo habang naglalakad sa kalsada at hinimatay. Ayon sa pagsusuri ng mga doktor ay na-stroke si Samantha at nagkaroon ng malalang kumplikasyon. Mayamaya ay lumabas sa kuwarto ang isang nurse.

“Nasaan daw po ang anak ni Samantha Esposa? Maaari na po siyang pumasok sa loob,”anito.

Pagpasok sa loob ng mag-tiyahin ay naabutan nila sa loob ng kuwarto ang kanyang ama na umiiyak. Iniiyakan nito ang kanyang ina na walang ng buhay na nakaratay sa kama. Hindi na nito nakayanan ang kundisyon at kusa ng bumigay. Napansin din niya ang isang lalaki. Lalaking sobrang pamilyar sa kanya. Ang lalaking palaging nag-aabot ng pera sa kanilang mag-ina. Si Mang Damian.

“Bakit narito si Mang Damian? Anong kinalaman niya sa pamilya ko? Anong ginagawa niya rito?” mga tanong na gumugulo sa isipan ni Lyn. Habang patuloy siya sa pag-iisip ng mga kasagutan sa mga tanong niya ay biglang nagsalita si Matteo.

“Wala na ang mama mo, anak,” patuloy na humahagulgol na lumapit sa kanya.

Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksyon hanggang sa napahagulgol na rin siya at saka lumapit sa labi ng kanyang ina. Niyakap niya ito at hinalikan.

“Mama, bakit mo kami iniwan?” hagulgol ni Lyn.

Ilang araw lang ibinurol ang ina pagkatapos ay inilibing na rin. Nagpaalam na rin ang ama ni Lyn at bago ito umalis ay may ipinagtapat ito sa kanya.

“Anak, simula ngayon ay ang Tiya Isabel mo na ang mag-aalaga sa iyo. Dito ka na rin sa kanya titira,” anito.

“Po, pero papa paano po kayo, ayaw niyo na po ba akong makasama?” tanong ng bata.

“Hindi naman sa ganoon, anak kaso magkakaroon na kasi ulit ako ng bagong pamilya. May nakilala akong babae at mahal na mahal ko siya kaya niyaya ko na siya na magpakasal kami.”

Saglit na nagulat si Lyn sa muling pagpapakasal ng ama. “Papa, hindi niyo po ba ako ipapakilala sa kanya?” hirit pa niyang tanong.

“Hindi na, e kasi ayaw niya ng may ibang tao sa bahay kaya hindi muna kita maipapakilala sa Tita Girly mo, pero gagawa ako ng paraan para makilala niyo ang isa’t isa. At may isa pa pala akong ipagtatapat sa iyo anak. Kilala mo ba si Mang Damian?”

“Opo, siya po iyong kapitbahay natin na palaging nagbibigay ng pera kay mama.”

“Oo. Ginagawa niya iyon dahil obligasyon niyang magbigay ng pera sa inyong mag-ina dahil siya ang TUNAY mong ama, Lyn,” bunyag ni Matteo.

“Ano po?” gulat na tanong ng anak.

“Siya ang tunay mong papa. Naghiwalay sila ng iyong mama dahil sa mga hindi nila napagkakasunduan dati. Nang iniwan ng papa mo ang iyong mama ay saka niya ako nakilala. Itinuring kita na para kong tunay na anak. Inilihim namin sa iyo ang lahat dahil ayaw gampanan ng iyong tunay na ama ang kanyang responsibilidad sa iyo. Ayaw ka rin niyang kilalanin bilang anak niya dahil hindi siya mahilig sa bata. Minahal ko ang iyong mama ngunit mahal pa rin niya si Damian kaya iyon ang pinagsimulan ng aming mga pagtatalo hanggang sa nauwi rin sa hiwalayan. Patawarin mo kami ng iyong mama kung pinaniwala ka namin na may masaya at buo kang pamilya,” wika ni Matteo.

Hindi na napigilan ni Lyn ang mapaiyak sa mga ipinagtapat ng kanyang ama. Sa una pa lang pala ay wasak na ang kanyang pangarap na magkaroon ng buong pamilya. Kahit sa murang isipan ay unti-unti na niyang naunawaan ang kanilang sitwasyon. Mabuti na lamang at nariyan ang kanyang Tiya Isabel na mahal na mahal siya at tunay na anak ang turing sa kanya. Masuwerte pa rin si Lyn, hindi man niya nakamtam ang magkaroon ng normal na pamilya ay may mga nakahanda pa ring magmahal sa kanya ng buong-buo, walang labis at walang kulang.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement