Inday TrendingInday Trending
Kapangyarihan ng Antigong Salamin

Kapangyarihan ng Antigong Salamin

Maingay sa loob ng silid aralan at nagkakagulo ang mga estudyante sapagkat huli na ng halos treinta minutos ang kanilang guro para sa asignaturang Ingles. Sa isa sa apat na sulok ng silid ay naroroon si April, nakasubsob lamang sa kanyang makapal na libro, tila abalang-abala sa pagbabasa at hindi alintana ang pagsasaya ng kanyang mga kaklase. Nasa ganito siyang ayos nang lapitan siya ng grupo ni Mylene, ang mga kaklase niyang naturingan nga na magaganda ay saksakan naman ng sama ng mga ugali.

“April, pahiram nga ng libro mo, mag-aaral kami ng mga kaibigan ko!” wika ni Mylene sa mataas na tono. Nakapamaywang pa at nakataas ang isang kilay na perpektong inilinya ng makeup.

“Pero Mylene, nag-aaral din ako at kung hindi ako nagkakamali ay mayroon ka ring sariling libro,” sagot naman niya sa malumanay na boses. Ayaw niyang makipagtalo rito at sa grupo nito dahil may pagsusulit sila mamaya sa susunod nilang klase at nais niyang ituon ang buo niyang atensyon sa pag-aaral.

“Akina sabi, e!” giit ng dalaga na pilit inaagaw ang libro mula sa kanya.

“Ano ka ba, nagre-review din ako! Huwag mong agawin ang libro ko!” aniya habang inaagaw sa kamay ni Mylene ang libro.

Ngunit sadya yatang desidido ito na sinarin ng araw niya.

“Teka, ano ito?” sabi ni Mylene habang iwinawagayway ng kanan nitong kamay ang isang papel na maingat na nakatiklop.

“Love letter ba ito?” tanong nito kay April sa nakalolokong boses. Sa pagkakataong iyon ay naagaw na nito ang atensyon ng kanilang mga kaklase.

“Pakiusap, ibalik mo sa akin iyan…” nagmamakaawang pakiusap ni April. Mataimtim itong umusal ng isang panalangin na huwag sanang basahin ni Mylene ang nakasulat sa papel. Ngunit, hindi dininig ang kanyang hiling.

“My dear classmates, hayaan ninyo akong hiramin ang inyong oras sandali,” wika ni Mylene na bahagya pang tumingin kay April na noo’y pigil-pigil ng dalawa niyang kaibigan na sina Foville at Emelou sa magkabilang braso.

“Mahal kong Gino, sana malaman mo kung gaano kita kamahal. Sana mapansin mo rin ako balang-araw. Nagmamahal, April.” sabi ni Shiela sa pinaarteng tono, na sinundan pa ng matinis na halakhak habang binabasa ang sulat.

“Ibalik mo sa akin iyan,” sigaw ni April nang makawala ito sa pagkakahawak ng dalawang kaibigan ng dalaga.

“Hayan! Hayan na ang kahibangan mo!” ganting sigaw nito na sinundan ulit ng isang halakhak sabay takip sa bibig.

“Anong akala mo? Magugustuhan ka rin ni Gino? Ambisyosa ka rin talagang babae ka? Ang pangit-pangit mo! Hindi tanga si Gino para magustuhan ka ‘no, kaya ngayon pa lang tantanan mo na ang pagpapantasya mo!” natatawang wika ni Mylene habang dinuduro-duro pa ang kawawang dalaga na walang nagawa kundi ang mag-iiyak dahil sa sobrang pagkapahiya.

Matapos ang ginawang pagpapahiya ay umalis na ang grupo ni Mylene na tuloy pa rin ang pagtawa ng malakas.

Kinahapunan habang nakaupo si April sa isang sementadong upuan sa labas ng eskwelahan ay sinalat niya ang kanyang mukha. Puno ng mapupulang tigyawat ang kanyang pisngi, walang kasing kapal ang kanyang mga kilay at malaki ang kanyang ilong. Kung minsan, tinatanong niya ang Diyos kung bakit sa dinami-dami ng tao sa mundo ay siya pa ang nagkaganito. Inaamin niya, masama ang kanyang loob sa lahat ng taong walang ginawa kundi ang pagkatuwaan siya at lait-laitin, na tila ba nasisiyahan pa sa tuwing nakikita siyang nasasaktan at umiiyak.

Hindi man siya biniyayaan ng ganda ay biniyayaan naman siya ng talino. Ito lang ang tanging katangiang maari niyang ipagmalaki. Naisip niya ang kanyang ama at namayapang ina, busug na busog siya sa mga ito ng pagmamahal. Laging itinatanim ng mga ito sa kanyang isipan na maganda siya sa kabila ng kanyang panlabas na kaanyuan. Ngunit hindi pa rin niya maramdaman ang kakuntentuhan. Lagi na lamang niyang iniisip na wala na rin naman siyang magagawa. Dapat na lamang niyang tanggapin ang katotohanang ang mga pangit na gaya niya ay walang kalalagyan sa mapangmatang mundo.

Nasa ganito siyang pag-iisip nang may biglang nagsalita sa kanyang tabi.

“Hija, may maitutulong ako sa problema mo,” wika ng isang matandang babae.

“Teka, ano pong ginagawa niyo dito? Paanong…”

“Paano akong napunta sa tabi mo? Masyado kasing malalim ang iniisip mo, hija,” anito na bahagya pang natawa sa reaksyon niya.

“Sandali, may ipapakita ako sa iyo,” sabi nito saka naghalungkat sa dala-dala nitong malaking bag na kulay itim.

“Heto, sa iyo na lang ito. Tiyak na makatutulong iyan sa iyo,” hayag ng matanda habang iniaabot ang isang antigong salamin.

“E, aanhin ko naman po itong salamin? Saka paano po ito makatutulong sa akin?” magkasunod na tanong ni April sa matanda.

“Wala na akong sapat na panahon upang sagutin ang mga tanong mo, hija. Basta, magtiwala ka sa akin. Pag-uwi mo sa inyong bahay ay saka mo malalaman kung paano makatutulong sa iyo ang antigong salamin,” paliwanag nito sa kanya.

May katanungan pa ulit siya ngunit nang lingunin niya ang matanda ay wala na ito sa harap niya.

“O, nasaan na si Lola?” nagtataka niyang tanong sa sarili. Hinanap niya ang matanda ngunit hindi na niya ito makita.

Hindi man ganap na naunawaan ni April ang ibig sabihin ng matanda ay nagmamadali pa rin siyang umuwi sa bahay. Pagdating niya sa kanila ay agad siyang pumasok sa kanyang kuwarto.

“Ano naman kaya ang maitutulong nito sa akin?” tanong ni April sa kanyang sarili. Kanina pa niya pinagmamasdan ang antigong salamin na ibinigay sa kanya ng mahiwagang matanda. Medyo nawiwirduhan siya sa inakto nito kanina ngunit naengganyo rin siyang malaman kung ano ang maitutulong sa kanya nito.

“Pssst!” nang biglang may sumitsit sa kanya.

Biglang kinabahan si April sapagkat siya lamang mag-isa ang nasa kuwarto ngunit bakit may sumisitsit sa kanya.

“Pssst!” Muling naulit ang pagsitsit ngunit mas malakas na ito sa pagkakataong iyon. Doon na siya nakaramdam ng takot kaya dali-dali siyang nagtalukbong ng kumot at nakiramdam.

“Gaga! Tumingin ka sa salamin. Nandito ako!” sabi ng tinig.

Pagtingin niya sa salamin ay nakita niya kung kanino nanggaling ang mahiwagang boses.

“Sino ka?” tanong niya habang nakatingin sa isang napakagandang babae na nasa loob ng antigong salamin.

“Ang pangalan ko ay Blanca at ang pangalan mo ay April ‘di ba? Problemado ka kasi lagi kang nilalait at inaasar ng mga kaklase mo at hindi ka rin pinapansin ng lalaking hinahangaan mo, tama ba?” tuluy-tuloy na sabi ng babae sa salamin.

“O-oo, tamang lahat ang sinabi mo. Pero teka, paano mong nalaman ang mga iyon? Saka paano ka napunta diyan?” nalilito niyang tanong sa kausap.

“Gaga ka talaga. Una sa lahat, noon ka pa namin sinusubaybayan ng matandang si Becka kaya namin nalaman ang lahat ng himutok mo sa buhay. Pangalawa, ang matandang iyon ang nagkulong sa akin dito sa pesteng salamin na ito!” mahabang litanya ni Blanca.

“Naguguluhan pa rin ako. Pero, ano iyong sinasabi sa akin ng matanda na makatutulong daw sa akin itong salamin?” tanong niya sa kausap.

“Ganito iyon. Ipikit mo ang iyong mga mata at isipin mo kung ano ang gusto mong maging hitsura,” wika ni ni Blanca habang pinagmamasdan si April na kasalukuyang ginagawa ang mga idinikta niya. “Tama, ganyan nga. Ngayon, dumilat ka at pagmasdan mo ang iyong sarili sa salamin,” saad pa ni Blanca.

Manghang-mangha si April sa kanyang nasilayan.

“Ako ba talaga ito, Blanca?” hindi makapaniwalang tanong ni April. “Ang ganda-ganda ko!” aniya pa.

Ang kaharap niya ngayon sa salamin ay isang napakagandang babae. Isang mukha na kaiinggitan ng lahat ng mga kababaihan at pagpapantasyahan ng lahat ng mga kalalakihan.

“Ikaw nga iyan. Ngunit ang bisa ng kapangyarihan ng salamin ay hanggang alas dose lang ng hatinggabi. Simula ngayon, maaari mo ng gawin ang lahat ng nais mo sa lahat ng mga taong nanakit sa iyo.” hayag pa ni Blanca.

“Oo,” sagot ni April na may naglalarong matamis na ngiti sa mga labi.

Kinaumagahan halos mapanganga ang lahat nang pumasok siya sa pinto ng kanilang silid aralan. Kasabay niyang pumasok ang kanilang guro sa Filipino.

“Magandang umaga! Mukhang natulala kayo sa kasama ko, a. Siya ang bago ninyong kaklase, si Celestine Anonuevo. Isa siyang irregular student at sa subject ko lang ninyo siya magiging kaklase,” mahabang paliwanag ng kanilang guro.

Sa buong oras ng kanilang klase, tila walang lalaki ang nakinig sa leksyon sapagkat ang lahat ay walang kakurap-kurap na nakatitig kay Celestine. Ang nangyayaring iyon ay labis na ikinangitngit ng grupo ni Mylene.

“Sino ba ang babaeng iyun? Nakakainis! Nakita niyo ba ang reaksiyon ng mga kaklase nating lalaki? Naku! At pinagpapantasyahan pa talaga nila ang Celestine na iyon!” galit na sabi ni Mylene sa mga kasama.

“Aray!” sabay-sabay na tili ng tatlo. Binangga kasi ni Celestine si Mylene dahilan upang matapon ang softdrinks sa suot nitong uniporme.

“Aba, marunong ka bang mag-excuse, tatanga-tanga!” sigaw ni Mylene na gigil na gigil at akmang sasampalin sana si April ngunit agad naman itong nasalag ni Gino na noon ay kasama ng huli.

“Huwag na huwag mong sasaktan si Celestine!” wika ng lalaki sa maigting na boses.

Lihim na natawa si April. Hulug na hulog na talaga sa kanya si Gino. Sa wakas! Hindi rin ito nakatanggi sa kanyang alindog.

“Tingnan mo kasi ang dinadaan mo! At pwede ba, kung may tanga man dito ay ikaw iyon at hindi ako!” matapang niyang sabi na sadyang nilakasan ang tinig upang makahatak ng atensyon ng ibang taong naroon. Ang nais niya talaga ay ang ipahiya ang grupo ni Mylene kung kaya sadya niyang binangga ang tatlo.

“Gino, babe, tara na. Huwag nating patulan ang mga walang kuwentang iyan!” saad pa ni April sa nang-iinis na boses.

Saktong alas dose ng hatinggabi. Hindi mapakali ang ama ni April na si Mang Delfin, kanina pa kasi nito hinihintay ang dalaga. Nagtataka ito sapagkat noon lamang inabot ng ganoong oras ng gabi ang kanyang anak. Mayamaya ay dumating na rin ito.

“April, anong oras na? Bakit ngayon ka lang?” sita ni Mang Delfin sa anak na nagbalik na sa tunay nitong anyo.

“Papa naman , e, tigilan niyo ako! Pagod ako, please! Huwag niyo akong sermunan ngayon,” magaspang nitong sagot sa ama.

“Saan ka natutong sumagot ng ganyan April? Hindi ka namin pinalaking ganyan ng mama mo,” sabi ng ama sa nangingnig na boses.

“Ayoko ng sermon kaya papasok na ako sa kuwarto ko,” sagot ni April.

“Blanca! Blanca! Magpakita ka sa ‘kin!” sigaw ni April habang hinahalughog ang kanyang mga gamit.

“Nasaan na ba ang pesteng salamin na iyon?!” inis niyang sabi.

“Ako ba ang hinahanap mo?” tanong ni Blanca na may nakalolokong ngisi sa labi.

“Gawin mong pang habang buhay ang kagandahan ko. Hindi ko namalayan ang oras kanina kaya bumalik na naman ako sa dating April na pangit. Pagandahin mo ako habang buhay,” wika pa niya na animo ay baliw na kinakausap ang antigong salamin.

“Sabi na nga ba at gaya rin kita. Magiging sakim ka oras na matikman mo ang kagandahan,” sabi ng babae saka humalakhak nang malakas. “Ngayon, Tandang Becka naniniwala ka na ba sa akin? Panalo ako sa pustahan. natin. Palayain mo na ako dito at ikulong mo na ang babaeng ito sa salamin!” malakas na wika ni Blanca sa matandang nakapasok sa kuwarto nang hindi nila namamalayan.

Sa isang iglap ay nagkapalit ng puwesto ang dalawang babae. Nakalaya si Blanca at si April naman ang nakulong sa antigong salamin.

“Anong ibig sabihin nito? Pakawalan ninyo ako! Pakawalan ninyo ako!” pagmamakaawa ni April sa dalawa.

“Naging sakim ka, April. Napuno ng paghihiganti at pagmamalaki ang puso mo. Nakalimutan mo ang mga taong nagmamahal sa iyo ng tunay. Nagkamali ako ng pagkakakilala sa iyo. Ikinalulungkot ko ngunit mananatili ka sa loob ng antigong salamin at makalalabas lamang kung may isa pang babaeng gaya mo ang magiging sakim sa kagandahan,” wika ni Becka sa seryosong boses habang nagpalit ito ng anyo na mula sa pagiging matanda ay naging isang napakagandang diwata.

“Ipinapangako ko, magbabago na ako, pakawalan mo lamang ako dito! Pakawalan mo ako!” pagmamakaawa ni April habang patuloy na umiiyak.

“Hindi. Nakalimutan mo na ang tunay na kagandahan ay wala sa panlabas na kaanyuan kundi naririto,” sagot ng diwatang si Becka habang itinuturo ang kaliwang bahagi ng dibdib, sa tapat ng puso.

Ang pagkakamali ni April ay nasilaw siya sa kagandahang ipinahiram sa kanya at nakalimutan ang totoong kagandahan ng kanyang kalooban. Ngayon ay kailangan niyang maghintay ng susunod sa kanya na makukulong sa salamin ng diwata, ngunit habang hindi ito dumarating ay ipinasok muna ni Becka ang antigong salamin sa kanyang mahiwagang taguan at ilalabas na muli sa tamang panahon.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement