Inday TrendingInday Trending
Hindi Kita Kilala Pero Mahal Kita

Hindi Kita Kilala Pero Mahal Kita

Palaging binabasahan ng libro si Bea ng kaniyang ina bago matulog. Ang paborito niyang mga kwento ay tungkol sa mga prinsepe at prinsesa pero dahil bukas pa makakauwi ang nanay niya mula sa pinuntahan nitong seminar sa probinsiya ang ama niyang si Agustin ang siyang gagawa nito para sa kaniya.

Ang problema ay kabisado na ng pitong taong gulang na bata ang lahat ng mga bedtime stories na mayroon siya.

“Daddy, ayaw ko na ng mga iyan. Sawa na po ako sa paulit-ulit na kwento. Iba na lang po,” pakiusap ni Bea sa kaniyang ama.

Walang maisip na ibang istoryang makwekwento si Agustin sa anak. Hindi rin siya marunong gumawa ng istorya. Hindi alam ng lalaki kung paano niya ito mapagbibigyan. Isang ideya ang nabuo sa kaniyang isipan nung mapalingon siya sa maliit na kwadro ng kaniyang mga magulang na naka-display sa istante.

“Okay lang ba na imbes na tungkol sa mga prinsepe at prinsesa ang ikukwento ko sa’yo ay tungkol na lang sa pagmamahalan ng Lolo Karding at Lola Pasing mo?”

Isang tango ng pagsang-ayon ang natanggap ng lalaki sa anak kaya sinimulan na niya ang kaniyang paglalahad.

Sa unang pagkikita pa lamang nina Karding at Pasing ay sigurado na ang lalaki na natagpuan na niya ang babaeng pag-aalayan niya ng kaniyang buhay. Bago pa mabihag ng iba ang puso ng dalaga ay agad na niya itong binakuran. “Isang buslo ng matatamis na mangga at isang bungkos ng mahalimuyak na sampaguita para sa nag-iisang babae na nagbibigay kulay sa aking mundo,” sambit ni Karding sa kaniyang nililigawan.

Nabingwit ni Karding ang puso ni Pasing pero hindi naging madali ang lahat sa kanila lalo pa at tutol ang mga magulang ng babae sa kaniyang kasintahan dahil mahirap lamang ito. Gayunpaman ay ipinaglaban ng dalawa ang kanilang pagmamahalan. Nagtanan ang dalawa. Di naglaon ay nagbunga ang kanilang pagmamahalan. Nabiyayaan sila ng isang anak na lalaki.

Ang akala ng dalawa ay magiging pang habang-buhay na ang kanilang kaligayahan ngunit isang trahedya ang naganap na sumira sa maliit nilang pamilya. Naaksidente si Pasing habang namamalengke. Nabundol ang babae ng isang sasakyang nawalan ng preno at nabagok ang kaniyang ulo.

“Anong nangyari sa akin? Bakit ako nasa ospital? Sino ka? Ina! Ama! Nasaan kayo?” Nang magising si Pasing ay ilang bahagi ng kaniyang memorya ang hindi niya maalala. Nabura sa kaniyang isipan ang pagmamahalan nila ni Karding. Hindi niya kilala ang lalaki bumihag sa kaniyang puso. Hindi sumasagi sa kaniyang isipan ang sanggol na inaruga niya sa kaniyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan.

Nalaman ng mga magulang ni Pasing ang nangyari sa kaniya at sinamantala nila ang pagkakataon na ilayo ang anak sa kaniyang pamilya. “Parang awa niyo na! Huwag niyong kunin sa amin si Pasing! Kailangan namin siya! Kailangan siya ng anak namin!” Hindi pinakinggan ng mag-asawa ang daing ni Karding. Wala silang pakialam sa lalaki. Wala din silang pakialam sa anak nito kahit kadugo nila ito.

Hinanap ni Karding si Pasing kung saan-saan. Matapos kunin ang babae ng mga magulang nito ay hindi na niya ito nakita. Mag-isa niyang tinaguyod ang kanilang anak habang pinagsasabay-sabay niya ang pagtatrabaho at paghahanap sa babae. Anim na taon ang lumipas bago niya natunton ang kinaroroonan ng babae. Nadurog ang kaniyang puso nang malaman niya nahuli na siya. Kasal na si Pasing sa iba. “Maaaring nalimot na kami ng iyong isipan. Pero hindi pa rin ako susuko. May tiwala ako sa ating pagmamahalan. Babalik ka sa amin. Darating ang panahon na mabubuo ulit ang ating pamilya.” Malungkot na nilasan ni Karding ang bahay ni Pasing at ng asawa nito.

Kahit nasa sa kaniya na ang lahat ay pakiramdam ni Pasing ay parang may kulang. Kasama nga niya ang kaniyang pamilya pero hindi niya magawang ngumiti ng tunay. Wala naman siyang mairereklamo sa lalaking ipinagkasundo sa kaniya ng kaniyang mga magulang pero pakiramdam niya ay umiiyak ang kaniyang puso.

Pista sa lugar nila ngayon. Para pansamantalang makatas sa matinding kalungkutan ay nagpunta si Pasing sa plaza. Umaasang may makikita siya doon na papawi sa nararamdaman niyang kakulangan.

“Sa pagsapit ng dilim yakap mo aking hiling. Pawiin ang lamig ng gabi. Nagliliyab ang puso sa ilalim ng buwan at mga bituin.” Isang awitin ang pumukaw sa pandinig ni Pasing. Tila tinatawag ang kaniyang pansin. Nang marating niya ang pinanggalingan ng mga boses ay naantig ang puso niya sa isang mag-ama na umaawit. Hindi maipaliwanag ang nagising na damdamin. Ilang sandali pa ng pakikinig ay sunud-sunod na ang pagtulo ng mga luha mula sa kaniyang mga mata. Matapos ang awit ay inalok sa kaniya ng lalaki ang panyo nito para punasan ang kaniyang mga luha samantalang inabutan naman siya ng anak nito ng ilang pirasong mangga at isang tangkay ng bulaklak ng sampaguita. “Sa inyo na lang po ang mga iyan. Huwag na po kayong umiyak. Mas maganda po kayo pag palagi kayong nakangiti,” masayang bati ng batang lalaki kay Pasing.

Simula nung araw na iyon ay palagi ng nagpupunta sa Pasing sa plaza para makasama ang mag-ama. Sa tuwing kasama niya sila ay napupunan ang kakulangang nararamdaman niya. Napapanatag ang kaniyang puso. Nagagawa niyang ngumiti ng wagas. Pero sa tuwing uuwi na siya ay nababalot ng lungkot ang kaniyang pagkatao at pati ang mag-amang pansamantala niyang nakasama.

“Ama, hanggang kailan po tayo magtitiis sa ilang oras na hiram na sandali makasama lang si ina? Wala na po bang pag-asa na mabuo pa ang ating pamilya?” Malungkot na tanong ni Agustin. “Hindi ako nawawalan ng pag-asa na muli nating makakapiling ang iyong ina. May awa ang Diyos. Darating din ang tamang panahon. Hindi man niya tayo naaalala ang mahalaga ay bagama’t hindi niya alam ay nararamdaman natin ang kaniyang pagmamahal at naipapadama natin sa kaniya na mahal natin siya,” tugon ni Karding sa anak.

Nagkaroon ng malubhang sakit ang asawa ni Pasing. Di nagtagal ay bumigay din ang katawan nito. At dahil wala ng dahilan para ikulong pa niya ang kaniyang sarili sa matinding kalungkutan, labag man sa kalooban ng kaniyang mga magulang, ay susundin niya ang isinisigaw ng kaniyang puso. Pipiliin niya ang kaniyang kaligayahan. Kinabukasan matapos mailibing ang kaniyang asawa, dala ang kaniyang mga maleta, ay nakangiti niyang tinungo ang plaza para sumama sa mag-ama na bumubuo ng kaniyang pagkatao.

Ilang araw na nag-abang sina Karding at Agustin sa plaza pero hindi dumating si Pasing. Nag-aalala na ang dalawa sa kalagayan ng babae. Gustuhin man nilang puntahan ito sa bahay niya ay hindi nila ginawa. Ayaw nilang manggulo. Baka lalo lang nilang hindi makasama ang babae. Kaya kahit walang kasiguraduhan kung darating ito ay nagpunta pa rin ang mag-ama sa plaza. Umaasa na kahit sandali man lamang ay makapiling nila ulit ang ilaw ng kanilang tahanan. Hindi nabigo ang dalawa dahil dumating ang babae pero natakot ang mga ito nung makita nilang may bitbit itong dalawang malaking maleta.

“Lagi niyong ginugulo ang isip ko pero kahit anong halukay pa ang gawin ko sa utak ko ay wala talagang sumasaging alaala sa aking isipan. Gayunpaman ay pagkakatiwalaan ko ang isinisigaw ng puso ko. Sinasabi nito na mahalaga kayo sa buhay ko at kayo ang nilalaman nito. “Maaari niyo ba akong tanggapin sa pamilya niyo?” Napawi ang takot ng mag-ama sa pakiusap ni Pasing sa kanila. Binalot ng abot langit na kaligayahan ang kanilang puso dahil sa wakas ay buo na ang kanilang pamilya.

Matapos mailahad ang kwento ay kinumutan na ni Agustin ang anak pagkatapos ay hinalikan niya ito sa noo. Palabas na siya sa kwarto nang tanungin siya ni Bea.

“Daddy, hindi na talaga kayo naalala ni Lola Pasing? Ang lungkot naman po nun. Happy ending nga po pero may kulang pa rin.”

Muling inalala ni Agustin ang sinabi sa kaniya ng kaniyang ama noon bago niya sinagot ang anak.

“Hindi na mahalaga kung hindi na kami naaalala ng Lola Pasing mo. Bumuo na lang kami ng mga bagong masasayang alaala. Ang mahalaga ay nabuo ang pamilya namin at hindi kami nakalimutan ng puso niya.”

Advertisement