Inday TrendingInday Trending
Si Misis Naman ang Magtratrabaho

Si Misis Naman ang Magtratrabaho

Simula nang mabuntis si Claire ay pinahinto na siya ng kaniyang mister na si Frank sa trabaho. Kaya naman daw kasi siya buhayin ng lalaki kaya pwede na siyang huminto.

“Naku, iba talaga kapag nakapag-asawa ng mayaman. Tingnan mo naman, hindi na kailangan kumayod,” wika ni Danica, katrabaho ni Claire.

“Hoy ikaw naman, buntis kasi ako saka unang baby namin kaya maingat si Frank. Kita mo kapag nakapanganak na ako ay babalik din kaagad ako sa trabaho,” saad naman ng babae saka niya niyakap ang kaibigan at umalis na sa opisina. Huling araw na kasi ng babae sa trabaho kahit nga dalawang buwan pa lang naman ang kaniyang tiyan.

“Love, kapag may kailangan ka sabihin mo lang ha? Ako na bahala, basta ang gusto ko ay mag-ingat at mag-enjoy lang kayo ni baby sa panahon na ito. Ako ang bahala sa pera, gastos at kung ano pa mang kailangan natin,” masayang pahayag ni Frank sa babae.

“Grabe, parang prinsesa na ako niyan, love! Baka masanay naman ako ha tapos kapag nakapanganak na ako ay magbago na lahat,” saad naman ni Claire sa kaniyang mister.

“Alam mo love, ako na ang pinakamasayang lalaki sa buong mundo lalo na nung pinakasalan mo ako at ngayon na ibubuwis mo ang buhay mo para lang dalhin ang anak natin. Kaya makakaasa kang gagawin ko ang lahat ng aking makakaya para hindi magbago ang lahat, hihigit ko lang,” malambing na sagot ng lalaki sabay dahan dahan niyang niyakap ang asawa at hinawakan ang tiyan nito sabay luhod para kausapin ang bata.

“Aalagaan ka namin baby kaya relax ka lang diyan. Si papa ang bahala sa lahat at si mama naman ang bahala sayo,” bulong nito sa bata.

Hinaplos ni Claire ang buhok ng kaniyang mister at napangiti, sobrang swerte nga daw niya sa buhay mula ng makilala ang asawa.

May sarili kasi itong hardware at maliit na grocery store na siyang pinagkakakitaan ng lalaki at ngayon ay kabuhayan na nila bilang mag-asawa. Hindi man siya nanghihingi ng kahit anong bagay kay Frank ay kusang loob nang binibigay ito ng lalaki, sunod sa layaw nga raw siya at buhay prinsesa.

Lumipas ang siyam na buwan at nakapanganak na si Claire sa isang babaeng sangol na pinangalanan nilang Francesca. Kahit na kumuha si Frank ng mag-aalaga sa bata ay mas pinili ni Francesca na siya ang mag alaga sa kanilang anak kahit hanggang sa ito ay mag-isang taon lamang bago siya bumalik sa trabaho.

Pero lumipas ang isang taon at marami pang taon ay hindi na siya nakabalik pa dahil wala nang magbabantay sa bata. Hindi sila makakita ng kasambahay kaya walang magawa si Claire kung hindi alagaan ang kanilang anak.

“Ayaw ko na sa bahay! Ako na lang sa business natin. Sawang-sawa na ako sa gawaing bahay, sa anak, sa pag-aalaga ng paulit-ulit. Namimiss ko na ang mag-damit na maganda, mag-ayos, magpabango at kung ano-ano pa. Lahat ng iyon ay hindi ko na nagagawa dahil sa letcheng buhay na ito,” galit na bulyaw ni Claire sa kaniyang mister habang hinahanda ang kanilang hapunan.

“Hayaan mo kapag nakahanap na ako ng katulong ay magagawa mo na ang lahat ng iyan. Sa ngayon ay pagpasensyahan mo muna,” mahinahong sagot ng kaniyang mister.

“Kailan pa iyon Frank? Ayaw ko na sa ganitong buhay, mukha na akong lola! Ako na lang mamalakad sa negosyo, kaya ko naman iyon. Ikaw na lang dito nang maranasan mo naman ang hirap ng pagiging isang nanay,” baling pa niya sa lalaki.

“Bakit? Nahihirapan din naman ako sa trabaho, Claire. Kung makapagsalita ka naman ay parang wala akong ginagawa,” saad ni Frank dito.

“Aba, sa trabaho niyo pwede ka magbreak anytime. Umidlip o kung ano pa man, kapag dito sa bahay, wala. Paulit-ulit lang ang ginagawa ko at umay na umay na ako. Dito ka na at ako na ang bahala sa negosyo!” galit na pahayag ng babae.

“Okay,” maiksing sagot ni Frank sa kanyang misis.

Kinaumagahan ay maagang gumising si Claire upang maligo, nag-ayos ito ay makikita sa kaniyang mukha na sabik na sabik siyang maka-alis ng bahay. Napabuntong hininga na lang si Frank habang tinitignan ang kaniyang asawa.

“Kapag may problema o kapag may kailangan ka ay tawagan mo ako ha,” bilin ni Frank bago siya umalis.

“Hindi ako nagluto kasi hindi ka naman nagluluto kapag pumapasok ka diba. So ikaw ang gagawa niyan lahat, para ramdam na ramdam mo yung hirap ko!” galit na wika na naman ng babae.

Ngumiti lamang si Frank sa kaniyang asawa at kinawayan pa ito sa kanyang pag-alis.

Agad naman na nagluto ng itlog ang lalaki, nagsaing at naglinis. Naihanda na rin niya ang damit ng kanyang anak para sa pagligo nito.

“Papa, sana araw-araw ka pong nandito. Masaya pala kapag ikaw ang kasama ko,” sabi ni Francesca sa kaniyang ama.

“Bakit, kapag si mama ba hindi ka masaya?” tanong naman ng lalaki.

“Masaya naman po pero kasi laging galit iyon saka ayaw niyang nilalaro ko ang mga toys ko kasi makalat daw,” nakangusong baling ni bata.

“Basta ang usapan natin ikaw ang magliligpit niyan para payagan kita lagi na maglaro,” masiglang sagot ni Frank sa kanyang anak saka niya isinayaw ito.

Halos isang linggo na rin ang lumipas, pagod na pagod na umuuwi si Claire mula sa trabaho.

“Frank, may tanong ako,” saad niya sa asawa nang makauwi siya ng kanilang bahay.

“Oh love, mukhang pagod na pagod ka. Dito ka muna sa sala at imamasahe ko ang likod mo,” malambing na sabi Frank.

“Hindi ka pa ba magrereklamo? Hindi ka pa ba nahihirapan dito sa bahay? Ayos lang sa akin, sabihin mo lahat ng nararamdaman mo,” pahayag ni Claire sa kaniyang mister.

“Hindi, ang totoo nga niyan ay masaya ako dahil oras-oras kong nakakapiling ang anak natin. Tama ka, paulit-ulit lang ang ginagawa dito sa bahay pero ngayon ko lang napapansin na hindi naman siya habang buhay bata. Sa araw-araw nga ay may mga pagbabago siyang nagagawa. Dati hindi siya marunong maglagay ng kalat sa basurahan pero ngayon kaya na niya,” masayang wika ni Frank.

“Hindi naman nakakapagod. Automatic naman ang lahat ng gamit natin, nakapaglaba na din ako at nakapagplantsa habang kumakanta kami ng anak mo. Sabay din naman nililigpit ang mga laruan niya at nakikita kong darating ang araw hindi na namin magagawa iyon dahil malaki na siya,” dagdag pa nito.

Ngunit hindi naituloy ni Frank ang kanyang sasabihin nang makita niyang umiiyak na si Claire. “Bakit ka umiiyak? May problema ba?” tanong ng lalaki.

“Wala, walang problema kasi ang totoo niyan ako ang problema. Nahihiya ako sayo dahil hindi ko nakikita iyang nakikita mo. Masyado kong iniisip ang sarili ko, tapos ngayon na ako na ang nagtratrabaho ay ngayon ko naramdaman at napagtanto na napakahirap ng ginagawa mo kumita lang ng pera pero wala akong narinig na reklamo mula sayo,” saad niya sa asawa sabay iyak.

Natawa naman si Frank sa kaniyang narinig.

“Pwede bang palit na tayo ulit? Ako na ulit mag-aalaga kay Francesca at pangako ko hindi na ako magrereklamo ulit?” sabi pa nito.

“Oo naman, kahit ano basta kung saan ka magiging masaya at komportable bilang misis ko at nanay ni Francesca. Kayo lang naman ang importante sa buhay ko,” sagot ni Frank.

Lalo pang umiyak si Claire at nagpasalamat siya sa Diyos dahil binigyan siya ng isang napakabait at maintindihing asawa.

Advertisement