Inday TrendingInday Trending
Hala Sige, Shopping Pa!

Hala Sige, Shopping Pa!

Maghahating gabi na ngunit maliwanag pa rin ang kwarto nila Jerica at Edrian dahil sa telepono ng babae.

“Ma, madaling araw na. Baka naman pwedeng bukas na iyang ginagawa mo, ang liwanag kasi hindi ako makatulog,” saad ni Edrian sa kaniyang asawa.

“Hihinaan ko na lang ang ilaw, matulog ka na,” sagot naman ni Jerica.

“Ano ba kasi iyang pinagkakaabalahan mo? Halos gabi-gabi ka na lang ganyan,” wika ni Edrian.

“Online shopping. Pampalipas oras ko lang naman ito saka kahit paano nalilibang ako, alam mo na hindi na ako nakakapunta sa mall. Kapag dito ay basta add to cart lang walang kaso kung kailan mo babayaran,” pahayag ni Jerica sa kaniyang mister.

“Tama na iyan, matulog na tayo. Kailangan mo ng tulog diba para sa regular na supply ng gatas mo,” sabi ni Edrian at sabay agaw niya sa telepono ng asawa.

Walang nagawa ni Jerica kundi ang ipikit ang kaniyang mata, tumalikod siya sa kaniyang mister at niyakap na lang ang kanilang anak.

“Nakakainis,” bulong pa ni Jerica.

Hindi na lang sumagot pa si Edrian at niyakap na lang ang kaniyang misis na galit na naman sa kaniya.

Parehas na kapos sa buhay ang dalawa simula pa lang noong magsama sila bilang mag-asawa. Pero mas madali noon dahil parehas silang kumikita hindi katulad ngayon na si Edrian ang lahat ng sumasagot sa gastusin. Kailangan kasing tumigil ni Jerica sa pagtratrabaho dahil sa naging operasyon mula sa panganganak at wala rin kasing magbabantay sa bata. Parehas na malayo ang mga pamilya nila kaya walang ibang mapag-iwanan.

Alam din ni Edrian na maraming nagbago sa kanila bilang mag-asawa, parating pagod at mainitin ang ulo ni Jerica dahi sa hirap na nararanasan niya sa pagpapasuso sa kanilang anak. Hindi na lang siya umiimik at nilalawakan na lang niya lalo ang pasensya dahil kapag sinabayan pa niya ang babae ay baka mapabili siya ng formula milk nang wala sa oras.

Akala ni Edrian ay umaga na nang makita niya ang misis na nakahiga at ginagamit ang telepono habang nakasuso naman ang bata sa kanya na nakahiga.

“Anong oras na?” tanong ni Edrian sa kaniyang misis.

Hindi sumagot si Jerica at mabilis na tinago ang kaniyang telepono at hinele niya ang anak.

“Akala ko naman umaga na, hindi ka pa rin ba natutulog?” tanong muli ni Edrian.

“Saka bakit lagi mo nang pinapadede si baby nang nakahiga? Diba sabi ng doktor ay masama iyan?” saad pa nitong muli.

“Hindi no, side-lying ang tawag diyan saka ganito naman talaga ginagawa ng ibang nanay. Ayaw ko na kasing buhatin baka magising pa tapos ako lang rin naman ang mahihirapan sa pagpapatulog,” mahinang sagot ni Jerica sa asawa.

“Nag o-online shopping ka na naman ba?” baling ni Edrian dito.

“Pampaantok ko lang naman, saka pwede ba tigilan mo na ako? Yung shoppee at lazada na nga lang nakakapagpagaan ng loob ko ay pinagdidiskitahan mo pa,” wika naman ni Jerica dito.

Hindi na nakipagtalo pa ang lalaki at tinitigan na lang niya ang asawa na masayang masaya na nakatingin sa telepono habang ang anak nilang siyam na buwan ay hirap na hirap abutin ang gatas sa kaniyang suso.

Hindi na namalayan pa ni Jerica kung paano siya nakatulog. Basta’t nagising na lang siya na masakit ang ulo. Tinignan niya ang mister at ang anak niyang mahimbing ang tulog kaya naisipan niyang tumayo na para maghanda ng almusal.

“Sakit ng ulo ko,napasobra yata ang kaka-add to cart ko kagabi,” isip-isip ng babae habang hawak niya ang kaniyang batok at iniikot ito.

Kukuha pa lang sana ng kaldero ang babae ngunit narinig niyang nagsisisigaw si Edrian.

“Si baby, hindi nagigising!” sigaw ng lalaki.

Dali-dali siyang kumaripas ng takbo patungo sa asawa at sa bata. Wala itomg malay kahit na niyuyugyog na ito ni Edrian. Nanginginig ang buong katawan ni Jerica at sobrang lakas ng kabog ng kaniyang dibdib habang buhat ang kanilang anak.

“Lord,please parang-awa niyo na huwag niyo pong kuhanin ang anak ko ng ganito kaaga, Lord, please!” umiiyak na bulong ni Jerica sa kaniyang isipan habangkarga ang sanggol.

Isinugod nila ang bata sa ospital at agad na nagtawag ng code blue doon.

Walang tigil sa kakaiyak si Jerica habang nagdarasal, si Edrian naman ay hindi mapakali at nakaharap lamang sa pader tsaka maglalakad, uupo tatayo at iiyak.

“Lord, kung ano man pong nagawa kong mali bilang isang nanay ay hayaan niyong itama ko po ang lahat. Panginoon huwag niyo po munang kuhanin ang anak ko, iligtas niyo po siya,” dasal ni Jerica.

Lumipas ang isang oras at lumabas ang doktor.

“Mommy, daddy, ligtas na po ang anak niyo. Sa totoo lang ay isang milagrong maituturing ang nangyari. Napuno po ng gatas ang baga ng bata kaya nalunod na ito at nawalan ng malay, ngunit malakas siya at hindi bumitaw kaya naagapan pa at nahigop namin ang tubig. Kaya kung may makikita kayong mga nakalagay kay baby na mga tubo ay huwag kayong magpanic, para iyon sa tuluyan niyang paggaling,” wika ng doktor sa kanila.

“Dok bakit nagkaganoon ang anak namin?” umiiyak na tanong ni Edrian.

“Nakukuha po ito sa pagpapadede sa bata nang nakahiga o di kaya masyadong flat ang kanyang likod, imbes na dumiretso sa tyan ay napupunta sa baga kaya nagkakaroon ng tinatawag natin pneumonia. Maswerte po kayo dahil buhay pa siya sa dami ng nakuha namin,” sagot ng doktor.

Halos napaluhod naman si Jerica nang marinig ang sinabi ng doktor at agad na nilapit si Edrian. “Patawarin mo ako, kasalanan ko ang lahat ng ito Edrian,” wika ni Jerica sa kaniyang asawa.

“Hindi na natin kailangan pang magsisihan, ang kailangan nating gawin ngayon ay ang maging mas mabuting mga magulang sa anak natin. Saka nagyon na nangyari ito ay alam na nating hindi magandang pinapadede si baby nang nakahiga,” sagot naman ni Edrian at niyakap ang asawa.

Wala nang ibang maisip pa si Jerica kundi sisihin ang kanyang pag o-online shopping, masyado siyang nahumaling at kinatamaran na nya ang pagbuhat at pagpadighay sa kanilang anak. Ngayon ay pinapangako niyang hindi na mauulit pa ang lahat ng ito.

Advertisement