Inday TrendingInday Trending
Kinse Anyos Nang Maging Kabit

Kinse Anyos Nang Maging Kabit

Hindi isang tipikal na babae si Jade. Pankista kung ito ay manamit at rebeldeng maituturing sa mga magulang. Kinse anyos palang ang dalaga ay hinihiling na niya sa kanyang magulang ang kanyang kalaayaan. Madalas na makipag-party si Jade at sumama sa mga kaibigan upang makipag-inuman. Ni minsan ay hindi niya pinakinggan ang mga pangaral sa kaniya.

“Aalis ka na naman at ganyan ang suot mo? Saan ka na naman pupuntang bata ka at anong oras ka na naman uuwi?” tanong ng ina ni Jade. Sapagkat magkahiwalay ang mga magulang ng ni Jade. Ito ang itinuturong dahilan ng dalaga kung bakit siya nag kaganito.

“Pwede ba, tigilan ninyo na nga ang magpaka-ina sa akin. Ngayon pa talaga, ano? Uuwi ako kung kailan ko gustong umuwi. Saka huwag kayong mag-aalala, papasok ako bukas sa eskwela,” pabalang na sagot ng dalaga pagkatapos ay dali-dali na itong lumabas ng bahay.

Nanginginig man sa galit ay pinabayaan na lamang ito ng ina. Agad tunawag ang ginang sa dati niyang asawa upang pag-usapan ang dapat gawin sa pagrerebelde ng anak. Unti-unti na rin kasing umiiksi ang kanilang pisi.

Tuwing ito naman ay nasa kanyang ama ay gumagawa ito ng paraan upang makabalik sa kanyang ina. Hindi na rin naman siya matutukan pa ng ama sapagkat may iba na rin itong pamilya. Dalawang taon na rin kasi nilang pinoproblema ang tuluyang pagsama ng ugali ni Jade.

Tulad ng dati ay inumaga na naman ng uwi ang anak at dahil sa lubusang pagkahumaling sa alak at puyat ay hindi na niya nagawa pang pumasok sa paaralan. Pagkagising niya ay kinausap siya agad ng ina.

“Anak, kung maaari sana ay huwag ka nang aalis ng gabi sapagkat nag-aalala ako sa iyo. Hindi ko alam kung ikaw ay nasaan at kung sino ang iyong mga kasama. Saka ang bata-bata mo pa para ikaw ay mag-iinom ng alak. Baka kung mapaano ka sa lansangan,” mahinahon na wika ng ginang sa anak.

“Saka napababayaan mo na ang iyong pag-aaral. Kaya nagbabakasakali ako na kausapin ka nang masinsinan upang matigil na ang mga gawain mong ito. Mahal kita, anak, at ang gusto ko lamang ay mapabuti ka,” dagdag pa ng ina.

“Pwede ba, Ma!? Tigilan ninyo na ako sa mga drama na ‘yan! Hindi ko alam kung saang teledrama ninyo na naman napulot ‘yang mga sinasabi n’yo. Huwag na kayong makielam sa buhay ko kasi wala naman kayong pakielam sa akin talaga, hindi ba?

Naghiwalay nga kayo ni Papa nang hindi ninyo ako iniiisip! Kaya anong karapatan ninyo ngayong magsabi sa akin na mahal ninyo ako o nag-aalala kayo sa akin? Tigilan ninyo nga ‘yang kaartehan ninyo!” matabil na tugon ni Jade.

“Naghiwalay nga kami ng iyong ama at hindi mo yan kailangan pang isumbat ng paulit-ulit. Hindi ka kailanman din binigyan ng karapatan ng paghihiwalay namin na magsasagot ng ganyan sa akin. Parang hindi ako ang iyong ina! Kailan ka ba namin pinabayaan? Palagi ka na lamang namin iniintindi pero patuloy mo iyan ginagawa sa sarili mo! Sana balang-araw ay hindi mo pagsisihan yang mga pinagagagawa mo!” mariing pahayag ng kanyang ina.

“Tigilan ninyo na ako! Makalayas na nga sa pamamahay na ito!” padabog na wika ni Jade habang nagbabalut-balot ng gamit. Pinipigilan si Jade ng kanyang ina na umalis ngunit ayaw nitong papigil. Desidido na ito at tila kaya na niya ang kanyang sarili. Buo ang loob niyang umalis ng kahit kailanman ay hindi na mapakielaman pa ng kanyang mga magulang. Lalo pa ng kanyang ina.

Tumuloy si Jade sa tahanan ng isa niyang mga kaibigan. Pumapasok man sa eskwela si Jade ay hindi na talaga ito humarap sa kanyang ina. Tuwing gabi ay kasama niya ang mga kaibigan at nagpupunta sa mga concert o hindi naman kaya ay sa mga inuman. Dahil menor de edad ay nagpapanggap itong nasa hustong gulang na upang makapasok at makainom.

Habang nagkakasiyahan ay may isang lalaking lumapit kay Jade. Matangkad ito at may kagwapuhan ngunit sampung taon ang tanda sa kanya. Nagpakilala sa kanya ang binatang si Hans at agad namang pinaunlakan ni Jade ang binata. Halos buong gabi silang nag-uusap at nagkapalagayan ng loob. Mabilis na nahulog ang loob ni Jade kay Hans. Hindi naglaon ay naging kasintahan niya ang lalaki.

Dahil malaki ang agwat sa edad ng binata kay Jade ay naging mapusok ito. Madalas ay may nangyayari sa kanilang dalawa. Sinamantala ni Hans ang pagkainosente ni Jade at ang pagkakahumaling ng dalaga sa kaniya. Ngunit hindi niya inaasahan na magbubunga ito.

“Buntis ako, Hans,” nakangiting wika ni Jade. Masaya naman ang dalaga sa natangap na balita sapagkat mahal na mahal niya ang lalaki. Ngunit hindi ganito ang nararamadaman ni Hans.

“Ipalaglag mo iyang dinadala mo!” wika ni Hans. Lubhang ikinagulat ni Jade ang kanyang narinig.

“Anong sinabi mo? Ipalaglag? Bakit ko ipapalaglag itong bata, eh, anak natin ito! Hindi ka ba natutuwa na nagbunga ang pagmamahalan natin?” nagtatakang wika ni Jade.

“Hindi maaring mabuo ang batang iyan, Jade. Hindi ba naglalaro lang naman tayo?” wika ng binata.

“Laro, Hans? Laro lang ang lahat ng ito sa iyo? Binuntis mo ako tapos laro lang pala sa iyo ang lahat! Hay*p ka!” nanggagalaiting tugon ng dalaga habang pinaghahampas ang nobyo.

“Hindi maaring mabuo ang batang iyan sapagkat may asawa na ako!” mariing wika ni Hans.

Natigilan ang dalaga sa sinambit na ito ni Hans. Gulat na gulat siya sapagkat buong akala niya ay ang lalaking ito na ang magbibigay sa kanya ng pagmamahal na matagal ng inaasam-asam. Ngunit nagkamali siya. Ginamit at pinaglaruan lamang pala siya nito.

“Walanghiya ka! Sinira mo ang buhay ko! Paano mo nagawa sa akin ito? Animal ka!” galit na galit na sambit ng dalaga. Dahil sa patuloy niyang paghampas sa binata ay gumanti na rin ng sampal si Hans.

Iyak ng iyak si Jade. Tila pinagsakluban siya ng langit at lupa dahil pilit na siyang iniiwan ng lalaki. Naglumuhod si Jade at nagmakaawa na huwag siya nitong iwan, ngunit hindi nagpatinag ang lalaki. Mula noon ay hindi na siya nagkarinig ng kahit ano pa mula rito.

Sa sobrang kalungkutan ay hindi na siya makakain at makatulog ng maayos. Isang araw ay bigla na lamang sumakit ng matindi ang kanyang puson at pagtinggin niya sa kanyang binti ay unti-unting umaagos ang dugo. Sa sobrang sakit at pagkabigla ay nawalan siya ng malay.

Pagdilat niya ay nakahiga na siya sa kama ng ospital. Sa kanyang tabi ay nakita niya ang kanyang inang hinihintay ang kanyang paggising. Halata sa mugto ng mga mata ng ina ang lungkot na nadarama nito. Nang makita niyang gising na ang anak ay dali-dali niya itong niyakap.

“Kay tagal kong hinihintay ang iyong pag-uwi, anak. Kung saan-saan kita hinanap,” umiiyak na sambit ng ina. “Anak, huwag kang mabibigla. Pero wala na ang bata sa iyong sinapupunan!” patuloy sa pag-iyak ang ina.

“Ma, patawarin ninyo po ako!” hindi na naiwasan ni Jade ang humagulgol nang maalala niya ang lahat ng sinapit na hirap. “Patawarin ninyo po ako, Ma! Lubha po akong naging isang masamang anak. Hindi po ako nakinig sa inyo. Ang gusto lamang po ninyo ang makabubuti sa akin, pero matigas po ang aking ulo. Ma, patawad po! Patawarin ninyo ako!” patuloy sa paghihinagpis ang dalaga.

“Mahal kita, anak. At kahit ano ang iyong gawin ay hindi magbabago ang pagmahahal ko sa ‘yo! Hindi ko matanggap na nangyari sa iyo ‘to, anak. Patawarin mo rin ako kung ako man ay naging isang masamang ina,” sambit niya sa anak.

“Walang ina ang makatitiis sa kaniyang, anak. At wala ring ina ang naghahangad ng masama pa sa anak niya. Masaya ako at kahit paano ay narito ka. Maaari kang magsimula ulit,” pahayag ng ina niya.

Nagyakap ang mag-ina ng mahigpit. Dito napagtanto ni Jade na ang lahat ng pangaral noon ng ina ay dahil lamang sa pagmamahal sa kanya. Hindi niya inaasahan na sa kabila ng lahat ng mga masasakit na salitang nabitawan niya sa ina noon at sa lahat ng maling kanyang nagawa sa kanyang buhay ay narito pa rin ang kanyang ina upang tanggapin siya ng buong-buo.

Mula noon ay inayos na ni Jade ang kanyang buhay. Hindi na siya muli pang sumuway sa kanyang mga magulang. Pumasok na rin siya sa paaralan at nagsimula na siyang bumuo ng pangarap para sa magandang bukas.

Advertisement